
Ginagamit ng Binata ang Kakisigan upang Makapanghuthot sa mga Babae, Isang Dalaga ang Nakapagpabago sa Kaniya
“Grabe, Robert, mukhang nakakaluwag-luwag ka na talaga ngayon, ha? Mamahalin na ang suot mong damit, may magara ka pang kotse! Anong trabaho mo? Baka naman pwede mo akong isabit, kapos ako ngayon, eh!” sambit ni Jose sa kaniyang kababata, isang araw nang muli silang magkita, inalok siya nito ng sakay dahilan upang labis siyang matuwa.
“Naku, pare, wala akong trabaho! Mga babae ko lang ang nagtatrabaho para sa akin!” mayabang na sagot niya habang abala sa pagmamaneho dahilan upang mapahiyaw ang kaniyang kaibigan.
“Hanep talaga ang karisma mo, pare! Iba ka talaga!” sigaw nito.
“Siyempre naman, hindi dapat sayangin ang kagwapuhang kaloob ng Diyos!” tugon niya dahilan upang maghagalpakan sila, “Alam mo namang grade 5 lang ang natapos ko dahil sa kapilyuhan ko, hindi ko akalaing iyon pala ang magpapaalwan sa buhay ko,” biro niya pa.
“Hanga talaga ako sa’yo! Sana may angking kagwapuhan din ako!” sambit pa nito saka nagpapogi sa kaniyang salamin dahilan upang umarte siyang nasusuka.
“Naku, Jose, maghanap ka na nang disenteng trabaho! May asawa’t anak ka na, hindi na pwede ‘yong ganitong raket!” payo niya sa kaibigan saka sila nagtawanan.
Laki man sa hirap, hindi ito naging hadlang sa binatang si Robert upang umasenso sa buhay. Kahit pa hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral, siya pa ngayon ang sumusustento sa kaniyang pamilya dahilan upang labis siyang hangaan ng kaniyang mga magulang.
Ginamit niya ang angkin niyang kakisigan upang makapanghuhot sa mga babaeng nagkakagusto sa kaniya. Bukod kasi sa mabuti’t malambing niyang pakikitungo sa mga babaeng nakakasama, mala-artista rin ang itsura’t tindig niya, dahilan upang kahit mga dalagang mula sa mayayamang angkan, kaniyang nabibingwit at kapag siya’y nagsimula nang magdrama, agad na siyang bibigyan ng pera’t mga gamit dahilan upang unti-unti siyang makaipon.
Kapag nakuha na niya ang nais niya, madalas, hindi na siya magpaparamdam, kung minsan naman, sasabihin niyang may nakahahawa siyang sakit dahilan upang siya na mismo ang layuan ng mga ito. Prinsipyo niya’t palaging sinasabi sa iba, “Para makausad sa buhay, hindi mo kailangan ng edukasyon, ang kailangan mo, diskarte’t gwapong mukha.”
Sa dami ng babaeng nakarelasyon niya, pati anak ng gobernador sa kanilang lalawigan na maladiyosa, kaniya na niyang nakasama. Ito ang nagbigay sa kaniya ng magarang sasakyang ipinaparada niya ngayon sa kalsada.
Ilang araw lang matapos niyang maiangkas ang matalik niyang kaibigan, nakilala niya ang pinakamayamang dalaga sa buong bansa sa isang pagdiriwang na dinaluhan nila ng isa niyang babae.
“Mukhang makaka-jackpot na naman ako, ha?” sambit niya sa sarili saka kinindatan ang naturang dalaga. Agad naman itong lumapit sa kaniya saka inaabot ang isang pirasong papel na naglalaman ng passcode ng isang kwarto sa naturang hotel dahilan upang siya’y mapangisi na lang.
Matagumpay nga siyang nakahuthot dito ng pera matapos nilang magsiping. Ngunit hindi katulad ng ibang babae, nang sabihin niyang may nakahahawa siyang sakit at malapit nang pumanaw, agad siya nitong niyakap saka sinabing, “Gagawin ko ang lahat upang madugtungan ang buhay mo kahit isang araw lang,” dahilan upang labis siyang magulat.
“Seryoso ka ba? Marami namang iba d’yan, makakasama mo pa sila nang matagal,” tugon niya.
“Sa dinami-dami ng lalaking nakasama ko, ikaw lang ang nakapagparamdam sa akin nang ganito. Kahit na alam kong pera ko lang ang habol, wala akong pakialam, iyo na lahat ng yaman ko, kailangan ko lang ng pahinga sa tabi mo,” mangiyakngiyak na sambit nito saka iniabot sa kaniya ang isang singsing dahilan upang bigla siyang makonsensya.
Nasundan pa nang nasundan ang pagkikita nilang iyon hanggang sa mapagtanto niyang nahulog na rin siya sa naturang dalaga dahil sa angking kabutihan nito sa lahat ng taong kanilang nakakasalamuha.
Doon niya napagtantong ang pera at mga mamahaling gamit na madali niya lang na nakukuha, pinaghirapan pala ng mga babaeng hinuhuthutan niya dahilan upang bigla niyang maisip na kahit saang angulo, mali talaga ang kaniyang ginagawa niya. Ipinangako niya sa sariling hindi na muli manghuhot at magbabatak na ng buto para kumita.
Pinangako niya rin sa naturang dalaga na mamahalin niya ito higit sa perang mayroon ito na labis naman nitong ikinatuwa dahilan upang agad siya nitong yayaing magpakasal na agad naman niyang hinindian.
“Hayaan mo muna akong magkaroon ng trabaho. Mahal kita, kaya ayokong ikaw lang ang maghihirap para sa ating kinabukasan,” seryosong sambit niya rito saka niya pinunasan ang luhang tuloy-tuloy na pumapatak sa mga mata nito.