
Ibinebenta ng Ginang na ito ang Katawan ng Kaniyang Anak, Isang Estranghero ang Tutuldok sa Maling Gawaing ito
“Honey! Saan ka ba nagpunta? Hindi mo ba alam na naghihintay na sa’yo si Mr. Santos sa room 102? Diyos ko namang bata ka, dalian mo na! Pumunta ka na roon!” sigaw ni Reina sa anak, isang gabi nang makita niya itong nagtatago sa isang palikuran sa loob ng hotel na kanilang pinuntahan.
“Ma-mama, hi-hindi ko na po kaya,” nauutal-utal na tugon nito na para bang nanghihina dahilan upang magsimula nang mag-init ang kaniyang ulo.
“Anong hindi mo na kaya? Tigil-tigilan mo ako sa pag-iinarte mo, ha!” bulyaw niya sa anak habang iniaayos niya ang suot nito maikling bestida.
“Ayoko na nang ganitong trabaho, mama! Ang dumi-dumi na nang tingin ko sa sarili ko!” sigaw nito habang tinatabig ang kaniyang kamay.
“Hoy, Honey! Baka nakakalimutan mong ito lang ang sumasalba sa buhay nating dalawa! Ano naman kung nagpapagamit ka, ha? May pera naman tayo, nabibili mo lahat ng gusto mo, may natatanggap ka pang regalo mula sa mga matatanda mo, ano pang hihilingin mo?” pangungumbinsi niya rito habang pilit niyang inaayos ang buhok at make-up nito.
“Kapayapaan ng isip, mama,” maikling tugon nito saka na ito nagsimulang umiyak.
Katulad ng ibang mga magulang, ayaw din ng ginang na si Gloria na maranasan ng kaniyang anak ang hirap na dinanas niya noong kaniyang kabataan. Ngunit kabaliktaran naman ng mga huwarang magulang ang kaniyang ginagawa ngayon.
Nang may magkagusto kasing matanda sa kaniyang anak na noo’y labing limang taong gulang pa lang, agad niya itong kinumbinsi na patulan ang naturang matanda upang sila’y magkapera at simula noon, nagtuloy-tuloy na ang pamamaraan niyang ito upang makasabay silang mag-ina sa agos ng buhay.
Laking tuwa naman niya dahil ni minsan, hindi nagreklamo ang kaniyang anak. Bukod sa binibigay nito sa kaniya ang kalahati ng kinitang pera, kung minsan pa, binibilhan pa siya nito ng mga mamahaling gamit dahilan upang labis siyang makaramdam ng saya.
Ika niya, “Anak ko lang pala ang makapagbibigay sa akin ng mga gusto ko sa buhay. Dapat gawin ko ang lahat upang magtuloy-tuloy ang trabaho niya ito!”
Kaya naman, wala siyang pinalampas kahit na isang lalaki na nais makasiping ang kaniyang anak. Lahat ng magbigay sa kaniya ng pera, kahit saang lugar man ang tagpuan, pupuntahan niya bitbit-bitbit ang kaniyang napakagandang anak.
Ngunit nitong mga nakaraang araw, paglipas ng limang taong paggamit niya sa kaniyang anak, palagi na itong tumatakas sa kaniya. Madalas, sinasabi nitong, “Naligaw lang ako, mama, hatid niyo na po ako sa kwarto,” dahilan upang unti-unti na siyang mainis dito dahil alam niyang nagdadahilan na lang ito.
Noong pagkakataong iyon, nang magsimula nang ngumalngal ang kaniyang anak hindi na niya napigilan ang sarili. Pinagsasampal niya ito’t sinikmuraan habang malakas niya itong pinapagalitan.
“Wala kang utang na loob! Mas pipiliin mo pa ang kapayapaan ng isip mo kaysa sa pangangailangan nating dalawa, ha?” tanong niya rito.
“Mama, makontento ka na kung anong mayroon tayo ngayon! Hindi natin kailangan…” hindi nito natapos ang sasabihin dahil muli na naman niya itong sinampal nang malakas dahilan upang mapabarandal ito sa lababo ng naturang palikuran.
“Huwag mo akong inisin maigi, Honey! Nanggigigil na ako sa’yo!” bulyaw niya pa rito at nang ihahampas na niya sa anak ang dala niyang bag, laking gulat niya ng may isang estrangherong pumigil sa kaniya.
“Wala ka bang puso? Talaga bang anak mo ang dalagang ito? Grabe, may mga magulang pala talagang handang ibenta ang katawan at laman ng anak para sa yamang hinahangad,” sambit nito, babarahin niya pa lang sana ang naturang ginang nang bigla itong nagsalita muli, “Hayaan mo, hija, matatapos na ang delubyong kinakaharap mo, ako nga pala si Mrs. Kisses Dimaano, isang pulis,” dagdag pa nito saka inaabot ang kamay sa anak niyang umiiyak.
Nanginginig na tinanggap ng kaniyang anak ang kamay nito dahilan upang labis siyang mainis.
“Huwag kang mangialam sa buhay naming mag-ina!” sigaw niya, “Honey, pumunta ka na sa room 102, dalian mo!” utos niya sa anak.
“At ikaw, nanay na walang puso, sa presinto tayo mag-usap, posasan niyo na ito!” sabat ng naturang pulis at laking gulat niya nang may mga pulis nang nag-aabang sa kaniyang likuran.
Doon na niya nalamang kanina pa pala nakikinig ang naturang pulis at humingi agad ito ng tulong sa ibang mga pulis na nasa naturang hotel din para sa isang pagdiriwang.
Tinangka niyang magmakaawa sa kaniyang anak upang huwag siyang maikulong ngunit hindi ito tumalab sa dalaga. Ang tanging sambit lang nito, “Tumigil ka na, mama, maling-mali na ‘to, gusto ko nang malagutan ng hininga sa tuwing ginagawa ko ang maruming bagay na ‘yon,” dahilan upang labis siyang manlumo.
Ang buhay na pinapangarap niya, tuluyan nang natuldukan at tanging pagsisisi ang kaniyang iniiyak.