Tinulungan ng Dalaga ang Isang Binatang Pulubi, Hindi siya Lubos Makapaniwala sa Buhay na Mayroon ito sa Maynila

“Arlene, nasa tamang pag-iisip ka pa ba? Bakit mo namang naisipang mag-uwi ng isang pulubi rito sa atin, ha? Tignan mo, ang dumi-dumi niyan!” bulyaw ni Gina sa nakababatang kapatid, isang araw habang iniimis nito ang platong pinagkainan ng isang pulubi sa kanilang bahay.

“Kaya ko nga siya dinala rito, eh, para linisan. Saka, ate, nasa tamang pag-iisip ako, ano! Matagal ko nang nakikita itong lalaking ‘to, at sa tuwing bibigyan ko siya ng pagkain, parang gustong kumawala ng puso ko,” kwento ni Arlene habang hila-hila ang kaniyang ate sa kaniyang silid upang huwag marinig ng naturang pulubi ang kanilang usapan.

“Malala ka na, Arlene! Diyos ko! Yari ka kay mama kapag nakarating ‘to sa kaniya! Naghihirap ‘yon sa ibang bansa tapos magdadagdag ka pa ng palamunin!” sigaw pa nito dahilan upang tapkan niya ang bibig nito. 

“Hoy, ate, baka nakakalimutan mong may trabaho na ako kaya ako na ang magpapakain sa kaniya. Pakiramdam ko pa, gugwapo siya kapag naayusan, kaya hihikayatin ko siyang magtrabaho sa isang hotel, kailangan doon mga gwapo, eh!” nakangisi niyang sambit saka nagtatatalon sa kaniyang kama dahil sa kilig na nararamdaman.

“Ewan ko sa’yo, Arlene, may diperensiya ka na talaga sa mata at mag-iisip!” bulyaw nito sa kaniya saka siya binatukan at nilayasan. 

Noon pa man, malambot na talaga ang puso ng dalagang si Arlene sa mga pulubi. Sa katunayan nga, noong siya’y nag-aaral pa, tinitiis niya ang gutom para lang may maibigay na pagkain sa mga pulubing nakakasalubong niya sa daan.

Patuloy niya itong ginagawa dahil sa kagalakan at kasiyahang nararamdaman niya sa tuwing ngingiti ang mga tinutulungan niyang kapos palad.

Noong ika-labing walong kaarawan niya nga, imbis na tuparin ang pangarap niyang debut katulad ng ibang dalaga, mas pinili niyang ipagdiwang ito kasama ng mga batang pulubing palagi niyang nakikita sa palengke.

Advertisement

Nagluto lang sila ng kaniyang ate ng spaghetti at puto saka niya tinipon sa isang bakanteng lote sa palengke ang mga bata at doon sila nagsalu-salo.

“Ito ang pinakamasayang kaarawan sa labing-walong taong pamumuhay ko sa mundong ‘to!” sigaw niya saka naghiyawan ang mga batang kalye’t pinagyayakap siya biglang pasasalamat sa kaniya.

Ito ang naging dahilan upang hindi siya magdalawang-isip na dalhin sa kanilang bahay ang binatang pulubi na palaging nag-aabang sa kaniya sa labas ng kaniyang trabaho’t ihahatid pa siya sa kanilang bahay. May ibigay man siya rito o wala, lagi nitong sinisiguradong makakauwi siya nang ligtas tuwing gabi dahilan upang hindi kalaunan, tuluyang mahulog ang loob niya rito. 

Simula noong araw na dalhin niya sa bahay ang binata, tinuruan niya itong magbasa’t magsulat. Pinagupitan niya rin ito’t binilhan ng mga damit dahilan upang tuluyang umusbong ang kagwapuhan nito’t siya’y patagong kiligin.

“O, sa ukay-ukay muna kita binilhan ng mga damit, ha? Wala pa akong sweldo, eh, pero maganda na rin ito!” sambit niya habang ipinapakita sa binata ang mga damit na nabili.

“Naku, ang gaganda naman n’yan! Pwedeng-pwede ko ‘yang gamitin kapag lumuwas tayo ng Maynila!” masiglang sambit nito dahilan upang magtaka siya.

“Ay, bakit tayo luluwas ng Maynila? Doon mo ba gusto magtrabaho?” tanong niya rito, ngunit imbis na makarinig ng sagot, nginitian lang siya ng binata’t agad na naligo.

Mayamaya pa, tuluyan nang nakapag-ayos ang binata at niyaya na nga siya nitong lumuwas ng Maynila. Pilit niya itong kinukulit kung bakit sila pupunta roon at ang tanging tugon nito, “Namimiss ko na ang mga magulang ko,” dahilan upang pagbigyan niya ito’t samahan sa pagluwas. Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na nga silang nakarating ng Maynila.

Advertisement

Naglalakihang gusali, maingay na kalsada’t naggagandahang malls ang sumalubong sa kaniya dahilan upang labis siyang mamangha.

Ngunit nang mapansin niyang papasok sa isang magandang hotel ang binata, agad niya itong pinigil.

“Hoy, wala tayong pera! Bakit tayo papasok d’yan, ha? Alam ko pangmayayaman lang ‘yan, eh, nakikita ko na ‘to sa social media, eh!” bulyaw niya sa binata saka niya ito hinila palayo.

“Sa mga magulang ko ‘to, Arlene,” nakangiting sambit nito dahilan upang mapatigil siya.

“Ah, eh, ibig sabihin hindi ka talaga…” uutal-utal niyang sambit dahil hindi siya lubos na makapaniwala. 

“Hindi talaga ako pulubi, naglayas lang ako dahil gusto ng mga magulang kong pamunuan ko ‘tong hotel na ‘to. Salamat sa’yo, napagtanto kong kailangan ko ang trabahong ‘to para makatulong ako sa mga nangangailangan,” kwento nito hindi pa man pumapasok sa isip niya ang mga sinabi nito, may isang mayamang matandang lalaki na ang lumapit sa kanila’t niyakap ang binatang kasama niya.

Ginantimpalaan siya nito nang malaman ang kabutihang ginawa niya sa binata. Binigyan siya nito ng trabaho sa hotel at nangakong gagawin ang lahat upang makabawi. Habang ang binatang iyon naman, hiningi na ang kamay niya sa kaniyang mga magulang sa abroad dahilan upang labis siyang makaramdam ng saya.

Ngunit kahit pa nasa rurok na siya ng tagumpay, hindi niya pa rin nakalimutan ang mga pulubi at ngayon, kasama na niya ang binatang iyon sa pagtulong sa mga ito.