Nagtanim ng Sama ng Loob ang Lalaking Ito sa Kaibigang Iniwan Siya sa Ere Matapos Niyang Isalba nang Maulila sa mga Magulang, Nang Muli Silang Magkita ay Madamdamin ang Naging Tagpo
Magkaibigang matalik sina Kit at Randall mula pa noong sila’y mga bata. Magkapitbahay kasi ang kanilang pamilya kaya naman halos araw-araw ay magkasamang naglalaro ang dalawang bata. Mula nursery hanggang high school ay magkaklase sila. At tulad ng ibang kabataan, ay may mga kapilyuhan at kalokohan rin silang napagkakasunduan. Tulad na lamang ng hindi pagpasok sa klase o pakikipag-away na siyang nagiging dahilan ng pagpapatawag sa kanilang mga magulang. Hanggang sa makapagtapos sila ng high school ay parang magkapatid pa rin ang kanilang turingan sa isa’t isa. Ngunit isang trahedya ang nangyari sa pamilya ni Randall. Habang pauwi sa kanilang probinsya ay bumunggo ang bus na sinasakyan nito. Pinrotektahan siya ng mga magulang na siyang naging dahilan ng pagkamatay ng mga ito. Nagmakaawa si Kit sa kanyang mga magulang na ampunin na lamang nila ang kaibigan. At dahil magkaibigan rin naman ang mga tatay nila ay pumayag ang ama ng binata. Nahihiya man ay hindi na rin nagawang tumanggi pa ni Randall dahil wala na siyang ibang lalapitang kamag-anak sa Maynila. Solong anak lang siya at lahat ng kamag-anak niya ay nasa probinsya. Ayaw niya namang umuwi doon dahil paniguradong masisira lamang ang mga pangarap niya doon. Hindi siya makakapag-aral at sa halip ay pag-aararo lamang sa bukid ang sasapitin niya. Napagdesisyunan niyang humanap ng part-time job bago ang kanilang pasukan sa college. “Bro, hindi mo na kailangang magtrabaho. Sinabi ko na kay papa na tulungan ka niya sa tuition fee mo. Isa pa, pasado ka naman sa exam para maging scholar diba?” nag-aalalang sabi ni Kit sa kaibigan. Umiling si Randall, “Hindi bro, syempre nakakahiya pa rin. Sampid lang ako dito sa inyo. Kailangan ko pa rin kumayod para sa sarili ko.” Naiintindihan ni Kit ang ibig iparating ng kaibigan. Nais nitong mabuhay nang hindi lumalaki ang utang na loob sa kanila. Niyakap niya ito at siniguradong hindi ito nag-iisa. Naging maayos ang pamumuhay nila. Masaya si Kit dahil sa wakas ay naging komportable na rin ang kaibigan niya sa kanila. Masaya rin siyang kasama ito dahil parang kapatid na talaga ang turing niya dito. Hanggang sa umabot sila ng 3rd year college ay ganoon pa rin ang kasiyahang nadarama niya. Puro kalokohan pa rin ang sinasabay nila sa pag-aaral. Mga kalokohang natural na lamang bilang isang estudyante. Tawa sila nang tawang umuwi ng bahay. Pero isang inis na mukha ang sumalubong sa kanila–ang mama ni Kit. “Ma? Gising pa kayo?” tanong ng lasing na si Kit sa kanyang ina. “Oo naman, inaantay ko kayo. My God Kit, mag-aalas onse na ng gabi!” Nahihiya si Randall tuwing ganito ang eksena. Hindi niya naman kasi mapigilan ang kaibigan sa mga pagyayaya nito. Sa kanilang dalawa, si Kit ang mas mahilig gumimik. Samantalang siya ay nakaalalay lang palagi dito. Naunang natulog ang kaibigan dala ng kalasingan. Samantalang siya ay nagkape muna sa sala at nagbasa para sa exams nila sa Lunes. “Randall,mag-usap tayo.” Nagulat siya sa tinig ng mama ni Kit, “Po?” Natapos ang pag-uusap nang mabigat ang kanyang loob. Pero kahit na ganoon ay pinilit niya pa rin sundin ang utos nito. Nagising si Kit na masakit ang ulo. Sa kabila niyo’y hinanap niya pa rin ang kaibigan. “Ma, si Randall?” Masayang ngumiti ito, “Umuwi na sa probinsya anak.” Gulantang siya, “Po?” “Sabi niya sa akin, kailangan niya na daw umuwi doon. Umalis lang kaninang madaling araw.” Galit na galit si Kit. Hindi malaman kung susundan ba ang kaibigan o hahayaan nalang ito. “Hayaan mo na ‘yun ‘nak. Matapos nating pakainin lalayasan nalang tayo. Ang alam ko pinamanahan daw siya ng lupa ng mga magulang niya kaya ayun di magkandaugagang umalis.” Napasuntok sa bato ang binata. Ilang taon ang lumipas na hindi na nagkita ang dalawa. Hanggang sa maging doktor na si Kit at isa sa mga proyekto ng ospital nila ay ang mag-volunteer activity sa isang probinsya. Isang pamilyar na mukha ang sumalubong sa kanya. “Randall?” gulat na gulat niyang tanong. Hindi niya kasi inaasahan ang itsura nito. Payat na payat, umitim at tila tumanda ang itsura, “Anong nangyari sayo?” Ngumiti ito, “Ito, naging magsasaka.” Napakuyom siya ng kamay, “Oo nga pala, pinamanahan ka ng malaking lupa kaya mo ko iniwan sa ere.” Nagulat din ito sa sinabi niya, “Anong sinasabi mo?” Doon sumiwalat ang katotohanan. Nalaman ni Kit na binantaan daw ito ng mama niyang patitigilin ang anak sa pag-aaral kung hindi pa siya aalis ng bahay. “Bad influence ka sa anak ko. Kung hindi ka aalis dito, patitigilin ko nalang ‘yun sa pag-aaral.” “Bro, proud ako na isa ka ng doktor,” naiiyak na sabi nito sabay tapik sa balikat ng kaibigan. Nagkaiyakan silang magkaibigan. Naging mapait man ang nakaraan nila, masaya sila sa muli nilang pagkikita. Pinangakuan rin ni Kit na babawi siya sa pagsasakripisyo nito para sa kanya. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.