Inday TrendingInday Trending
Nagusot ang Relasyon ng Magkaibigan Dahil sa Gusot Ding Damit ni Emma; Maplantsa Naman Kaya Ito Dahil sa Isang Sakripisyo?

Nagusot ang Relasyon ng Magkaibigan Dahil sa Gusot Ding Damit ni Emma; Maplantsa Naman Kaya Ito Dahil sa Isang Sakripisyo?

“Oh my gosh! Hahaha!” Halos ‘di na makahinga ang bestfriend niyang si Emma sa katatawa nang makita nito ang litrato ni Lea. Paano ay aktong babahing na sana siya nang kuhanan siya nito ng picture mula sa kamera nito.

“Hoy, burahin mo yan! Ang panget ko diyan!” Sabi niya dito habang hinahabol niya ito ng walis tambo. Kasalukuyan kasi nilang nililinis ang bagong dormitoryong nilipatan nila.

Magkababata sila nito. Sa katunayan, simula elementarya hanggang high school ay palagi silang maging magkaklase. Marami na silang pinagdaanan bilang magkaibigan. Magkasama sila sa mga kalokohan, kapilyuhan, sa mga tawanang walang humpay maging ng mga ilang kadramahan sa buhay ay sandigan nila ang isa’t isa. Kaya nga ngayong nasa kolehiyo na sila ay napagdesisyunan nilang mag enroll sa parehas na unibersidad sa Maynila.

“Papasok kang ganyan?” Taas kilay na tanong ni Lea kay Emma isang araw. Paano ba naman ay suot na naman nito ang kupas na pantalon, malaking T-shirt na medyo gusot pa at rubber shoes habang nakasukbit dito ang bagong biling kamera.

“Ano ba naman, Em? Sana naman kahit kaunti e nag-ayos ka at nag make-up. Hala, halika’t lalagyan kita ng pulbo at lipstick,” pilit niya pa dito.

“Lea, alam mo namang wala akong pake sa sasabihin ng iba at saka komportable ako sa ganitong ayos,” sabi pa nito habang aktong papahirin ang inilagay niyang lipstick.

Agad na pinalo niya ang kamay nito. “O, siya siya lumayas ka na baka ma-late ka pa.”

Lumipas ang ilang buwan ay nasanay na sila sa buhay kolehiyo. Naging abala na sila sa kaniya-kaniyang pag-aaral. Madalang na sila magkita sa campus lalo na kapag dumarating ang araw ng exams o kaya nama’y tuwing magtatapos na ang semestre.

“Lea! Lea! Dito!” Baling niya kay Emma nang tawagin siya nito. Swerteng namang nagkita sila nito sa cafeteria nang araw na iyon. “Sabay na tayong kumain.”

“Ngek paubos na ‘yang kinakain mo e.”

“Hindi yan, hintayin kita.”

Oorder na sana siya ng pagkain nang may tumawag muli sa kaniya, mga kaklase niya pala. “Hi Lea! Kanina ka pa namin hinahanap girl nandito ka lang pala,” maarteng sabi ng isa sa mga ito matapos siyang ibeso-beso. “Oh, sino siya?” Baling nito sa kaniyang kaibigan.

“Ah friend ko si Emma, Emma classmates ko sa fashion class,” pakilala niya sa mga ito.

“Eeww! Friend mo siya? Really?” Mataray na sambit pa nito habang taas kilay na kinikilatis ng mga ito ang gayak ni Emma. “Well, hindi ko akalain na kumakaibigan ka pala sa mga tulad nitong… well… walang sense of fashion. By the way girl, halika na let’s eat na lang sa labas, it’s so maraming tao kasi here e!”

“Okay lang Lea, patapos na rin naman ako,” nakangiting sambit nito sa kaniya.

“A-ah eh, Emma sorry huh, kain na lang tayo sa dorm mamaya,” bulong niya na lang dito.

Bagaman busy parehas sa pag-aaral ay sabay pa rin naman silang nakakapaghapunan sa dorm. Ngunit nitong mga nakaraang araw ay hindi na ito sumasabay sa kaniya. Nagpapaalam ito lagi na mag o-overnight daw sa isang kaklase dahil may kailangang tapusing proyekto. Kahit nga nagkakasalubong sila minsan sa campus ay tila ba iniiwasan siya nito, lalo na at lagi nitong kasama ang mga sosyaling kaibigan nito. Naging malamig ang pakikitungo nito sa kaniya.

“Kumain ka na?” Tanong dito ni Emma isang gabi nang madatnan niya ito sa dorm. Tango lang ang isinagot nito sa kaniya. Hindi na nakapagtimpi pa si Emma at kinompronta na niya ito. “Lea, mag-usap nga tayo.” Hindi siya pinansin nito sa tinuran niya kaya hinablot na niya ang cellphone nito.

“Anong problema mo?! Akin na ‘yang cellphone ko!” Galit na sabi dito ni Lea.

“Ikaw nga, Lea! Ano bang problema mo?! Bakit mo ko iniiwasan ha? May nagawa ba kong mali? ” Puno ng hinanakit na tanong nito sa kaniya. “Ano? Dahil nahihiya ka kapag kasama mo ako, ha?! Nahihiya ka kasi na nakikita ng mga sosyal mong kaibigan na may kaibigan kang tulad ko!”

“Oo, Emma! Oo! Nahihiya ako ! Nahihiya ako sa tuwing nakikita nilang kasama kita! Nahihiya ako diyan sa damit mo na parang basahan!” sagot ni Lea dito.

“Bakit Lea? Okay naman tayo dati ha,” malumanay na sagot dito ni Emma habang umiiyak. Matagal siya nitong tinitigan sa mga mata na tila ba naghahanap ng mga kasagutang hindi niya lubos masambit. Hindi niya alam ang sasabihin dito kaya patakbo siyang lumabas ng dormitoryo. Kasabay ng pagtakbo ay maraming bagay rin ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Alam niyang nagkamali siya, nagugulumihanan siya ng mga sandaling iyon. Hindi niya na namalayan ang isang kotseng paparating sa kaniyang gawi kasabay ng malakas na sigawan ng mga tao sa kaniyang paligid.

“Salamat sa Diyos at gising ka na, anak!” Umiiyak na sambit ng ina ni Lea sa kaniya. Napag alaman niyang isang buwan na siyang nasa ospital. Nagisnan niya ang kaniyang mga magulang at ibang kamag-anak na masayang kinakamusta siya. Masaya din naman siya ngunit parang may kulang. Parang may naudlot siyang bagay na kinailangan niyang gawin noon. Napasapo siya sa ulo nang maalala ito.

“Ma? Si Emma dumadalaw ho ba?” Tanong niya sa kaniyang ina. Natahimik ang lahat sa kwartong iyon sa kaniyang tanong.

Payapang sumasayaw ang mahabang buhok nito sa bawat ihip ng hangin at maaliwalas ang mukha nito na para bang walang alalahanin sa mundo. Tahimik niya itong nilapitan.

“Sinong nandiyan?” Bumaling ito sa gawi niya ngunit wala sa kaniya ang tanaw nito. “Tatang kayo ho ba ‘yan?”

Niyakap niya ito.“B-bakit? B-bakit mo ‘yon g-ginawa Emma. B-baliw ka ba? S-sana hinayaan mo na lang akong m-mabulag! I-i’m s-sorry…I-I’m so s-sorry Emma sa…sa l-lahat ng mga g-ginawa ko sa’yo.” Labis ang sakit na nadarama ni Lea nang mga sandaling iyon. Alam niyang labis siyang nagkamali. Imbis na ipagtanggol ang kaibigan ay ikinahiya at ikinaila pa niya ito. Mas inintindi niya pa ang sinasabi ng iba kaysa sa nararamdaman nito. Isa siyang hangal! Ngunit para dito, binalewala nito ang lahat mailigtas lang siya mula sa pagkabulag.

“Lea, nang mga sandaling lumabas ka ng dorm ay pinatawad na kita.” Hinaplos nito ang kaniyang mata, at pinunasan ang mga luha doon.

“P-pero paano na ang p-pagkuha mo ng mga l-larawan? D-diba magiging sikat n-na photographer ka pa?” Umiiyak pa ring tanong niya dito.

“Ssssshhh… Gamitin mo ang mga mata ko sa pagtupad ng mga pangarap mo, Lea. Palagi mong iisipin na kasama mo ko sa bawat hakbang na gagawin mo tungo sa mga tagumpay mo.” Muli ay mahigpit niya itong niyakap at malakas na humagulgol sa mga balikat nito.

Pinagbuti pang lalo ni Lea ang kaniyang pag-aaral. Sisiguraduhin niyang hindi masasayang ang sakripisyong ginawa ng kaniyang kaibigan para sa kaniya. Marami siyang mga mga pangarap at isa na rito ay ang makapag-ipon upang maipaopera ang mga mata ng kaniyang kaibigan.

Advertisement