Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Lalaki ang Misis sa Gitna ng mga Kinakaharap Nitong Pagsubok; ‘Di Alam ng Ginang na sa Ganito Pala Niya Makikilala ang Tunay na Lalaking Magmamahal sa Kaniya

Iniwan ng Lalaki ang Misis sa Gitna ng mga Kinakaharap Nitong Pagsubok; ‘Di Alam ng Ginang na sa Ganito Pala Niya Makikilala ang Tunay na Lalaking Magmamahal sa Kaniya

“Zaldy, saan ka na naman pupunta?” tanong ni Melissa sa kaniyang asawa habang papaalis ito ng dis-oras na ng gabi.

“Nag-text si Pareng Edgar. Kikitain ko lang sandali,” tugon nito.

“Baka naman makikipag-inuman ka na lang, Zaldy? Pumirmi ka na lang muna dito sa bahay,” pakiusap ng ginang.

“Pabayaan mo nga ako, Melissa. Gagawin ko kung ano ang gusto ko. Hindi mo ako basta na lang puwede diktahan sa mga dapat kong gawin!” galit na sambit ni Zaldy.

Mag-aanim na taon nang kasal ang mag-asawa. Noong una ay tulad ng mga normal na magkarelasyon ang saya ng kanilang pagsasama. Ngunit bigla na lamang itong nagbago nang malaman ni Zaldy na si Melissa ay mahihirapang magbuntis.

Lubusan itong ikinalungkot ni Zaldy. Para kasi sa kaniya ay ano pa ang kahulugan ng pagkababae ng asawa kung hindi siya nito magagawang bigyan ng anak. Dahil sa hangarin ni Melissa na mapagbigyan ang asawa at tuluyan na silang makabuo ng isang pamilya ay ginawa niya ang lahat ng alituntunin na sinabi sa kaniya ng mga manggagamot.

Tumigil sa pagtatrabaho si Melissa. Inalagaan niya ang kaniyang sarili at may mga gamot na rin siyang iniinom. Ngunit ang lahat ng ito ay tila hindi umeepekto sa kaniya.

Tulad ng inaasahan, nakipag-inuman lamang si Zaldy sa kaniyang kaibigang si Edgar sa isang bar. Inumaga na ito ng uwi at lasing na lasing.

“Bakit hindi mo ako ginising? Alam mo namang may pasok ako!” yamot na sambit ni Zaldy sa asawa habang nagmamadaling gumagayak papasok ng opisina.

“Kanina pa kita ginigising, mahal. Kaso, ayaw mo talagang bumangon. Akala ko ay hindi ka papasok kaya hinayaan na lamang muna kitang matulog!” saad ng ginang.

“Wala ka talagang silbi. Alam mo naman na may pasok ako ngayong araw!” pasigaw na saad ng mister.

“Uminom ka man lang muna ng kape at mag-agahan bago ka umalis. Naghanda ako ng almusal,,” alok ni Melissa.

“Kainin mong mag-isa ‘yang hinanda mo! Bahala ka na diyan!” nagmamadaling umalis si Zaldy.

Unti-unting binabalot si Melissa ng lungkot dahil sa nagiging pagtrato sa kaniya ng kaniyang asawa. Kung siya rin naman ang masusunod ay gusto niyang bigyan ito ng anak ngunit marahil ay hindi pa talaga ito kayang ipagkaloob sa ngayon.

“Iyang asawa mo naman, akala mo kung sinong magaling! Dapat nga ay mas inuunawa ka niya sa kalagayan mo. Aba, masakit din sa babae na hindi mo kayang magbuntis,” sambit ni Danica, matalik na kaibigan ni Melissa.

“Kung ako kasi sa’yo, bes, lalaban ako. Sabihin mo na dapat hindi ka tinatrato ng ganyan. At higit sa lahat kung mananatili siyang ganiyan ay hiwalayan mo na!” dagdag pa nito.

“Alam mo naman kung gaano ko kamahal si Zaldy. Siya lang ang lalaking minahal ko sa buong buhay ko, bes. Naiintindihan ko naman siya, e. Matagal na niyang pangarap ang magkaroon ng sariling pamilya,” pagtatanggol ni Melissa.

“E, kung ganoon ay wala ka talagang magagawa. Tiisin mo ang pagtrato niya sa’yo!” tugon ng kaibigan.

Dahil sa pag-uusap na iyon ay nilakasan ni Melissa ang kaniyang loob upang kausapin si Zaldy. Nakapagpasya na siya nang sa gabi ring iyon ay kakausapin niya ng masinsinan ang kaniyang asawa upang magkaroon muli sila ng panibagong simula. Ngunit tulad ng mga nagdaang araw, halos inuumaga na ito ng uwi, minsan ay lasing ngunit mas madalas na nagpapalit na lamang ito ng damit at saka muli aalis para pumasok sa opisina.

Isang gabi ay umuwi ang kaniyang asawa na lasing na lasing. Ito na sana ang pagkakataon ni Melissa upang kausapin ang asawa ngunit nabigla siya nang bigla na lamang siya nitong niyapos at dinala sa silid. Unti-unti siyang hinubaran ni Zaldy at doon ay nangyari ang matagal nang hindi nagaganap sa pagitan ng dalawa.

Kinaumagahan ay nagkukumahog na naman si Zaldy sa pag-alis ng bahay. Ang akala ni Melissa na maaayos na ang kanilang relasyon ay hindi pala.

“Hindi na ba talaga maaayos ito, Zaldy?” wika ni Melissa sa asawa. “Pinipilit ko namang ibigay ang gusto mo! Pero hindi ko hawak ang mga ganitong bagay!” dagdag pa ng ginang.

“Hindi ko na problema ‘yan, Melissa! Ilang beses na nating sinubukan na magkaanak ngunit ilang taon na ay hindi mo pa rin naibibigay ang gusto ko. Saka tinatabangan na rin naman ako sa’yo,” pag-amin ng mister.

“Paano na ang nangyari sa atin kagabi? Wala lang ba ‘yon sa’yo?” wika ni Melissa.

“May iba na ako, Melissa. Hindi ko alam kung ano ang nangyari kagabi pero ang alam ko ay hindi ikaw ang babaeng kasama ko kagabi,” saad ng mister. “Umuwi lang ako dito para iempake na ang gamit ko. Aalis na ako sa bahay na ‘to!” dagdag pa ni Zaldy.

Halos bagsakan ng langit at lupa si Melissa. Sa pagkakataon na ito kasi ay tuluyan nang nagiba ang pagsasama nilang mag-asawa na matagal na niyang pilit na isinasalba.

Mula noong araw na nilisan siya ni Zaldy ay hindi na nagparamdam ang mister. Makalipas ang ilang buwan ay tila may kakaibang nararamdaman si Melissa. Nahihilo siya at nagsusuka. Nang magpatingin siya sa doktor ay kinumpirma ng mga ito ang kaniyang hinala.

“Binabati kita, Misis. Buntis ka!” saad ng doktor.

Walang mapaglagyan ang saya ni Melissa sa magandang balitang kaniyang narinig. Ngunit sa likod ng kaniyang isipan ay mas mainam sana kung lalaki ang bata na mayroong ama. Ngunit habang inaalala niya ang lahat ng ginawa sa kaniya ni Zaldy ay mas gugustuhin na lamang niyang itaguyod nang mag-isa ang bata.

Ilang taon pa ang lumipas at tuluyan ng nagbinata ang kaniyang anak. Sa ‘di inaasahang pagkakataon ay nagkrus muli ang landas ni Melissa at Zaldy. Hindi itinanggi ni Melissa ang pagkakaroon ng anak nito sa dating asawa. Masaya si Zaldy na malamang sa wakas ay may anak pala siya dahil magpahanggang ngayon ay wala itong anak dahil ang babaeng kaniyang kinakasama ay ayaw masira ang pigura ng katawan kung magbubuntis.

Nais sana ni Zaldy na magpakaama sa anak ngunit ito lamang ang tanging naging tugon ng binata.

“Matagal kong inisip kung ano kaya ang pakiramdam ng lumaki na mayroong isang ama. Akala ko ay malas ako sapagkat ito ay hindi ipinagkaloob sa akin. Ngunit nang malaman ko sa isang kamag-anak ang tunay na ginawa ninyo sa mama ko, napagtanto ko na mabuti na nga lang at tanging ang mama ko ang nagtaguyod sa akin at hindi ko na lamang kayo nakilala,” wika ng binata.

“Dahil sa nangyari sa inyo noon, mas ipinangako ko sa aking sarili na kahit kailan ay hindi ko iiwan at sasaktan ang babaeng kumalinga, nagpahalaga at nagmahal sa akin ng walang hinihinging kapalit. Ngayon na malaki na ako at gusto niyong magbalik sa buhay namin ay pasensiya na po, ngunit hindi ko po pahihintulutan na muling masaktan ang mama ko. Maraming salamat po sa alok niyong magpakaama sa akin, ngunit sapat na po ang mama ko para may matawag akong pamilya,” pagtatapos ng anak.

Lubusang napahiya si Zaldy sa tinuran ng binata. Hindi niya akalain na ganito pala ang tingin sa kaniya ng sariling anak. Pilit man niyang iabot ang tulong sa mag-ina at pumasok muli sa buhay ng mga ito ay hindi na hinayaan ng binata na mangyari pa ang ganitong bagay.

Dito napagtanto ni Melissa na minalas man siya sa asawa ay sinuwerte naman siya sa kaniyang anak.

Advertisement