Inday TrendingInday Trending
Madalas Sabihan ang Batang Babae na Hindi Marunong Dahil sa mga Grado Nito; Pagdating ng Panahon ay Mapapatunayan Niya ang Sarili

Madalas Sabihan ang Batang Babae na Hindi Marunong Dahil sa mga Grado Nito; Pagdating ng Panahon ay Mapapatunayan Niya ang Sarili

“Luisa, kulelat na naman ang anak mo, ano ba ‘yan!” kantiyaw ni Aling Sally sa kaniyang kumare.

“Hindi naman bagsak ang anak ko. Ayos lang naman sa akin na wala siya sa mga honor students. Basta natututo siya,” paliwanag ni Aling Luisa.

“Sinasabi lamang iyan ng mga taong hindi talaga kaya ng mga anak na magkaroon ng medalya. Baka kulang sa hampas ‘yang anak mo. O hindi naman kaya ay talagang hindi na kaya ng utak niya ang mga pinag-aaralan,” natatawang sambit ng ginang.

“Tingnan mo ‘tong si Mia ko, taon-taon na lamang ay humahakot ng parangal. Ni hindi pa nga kita nakita kahit isang beses man lamang na umakyat ng entablado para sa anak mong si Erika!”

“Mas gugustuhin ko na na hindi makatanggap ng parangal ang anak ko kaysa magkaroon ng ugaling kagaya ng sa iyo,” hindi na nakapagtimpi pa si Aling Luisa sa mga sinasabi ng kumare.

Matagal nang ganito si Aling Sally. Napakalaki ng kaniyang ulo sapagkat mula noong nasa unang baitang pa lamang ang kaniyang anak na si Mia ay lagi na itong nangunguna sa klase. Madalas nga kung may nakakaungos kay Mia ay lubusan itong pagalitan ng ginang at halos mapunit na ang tenga nito sa pagpingot ng ina.

Madalas din kung ikumopara ni Aling Sally ang ibang bata sa kaniyang anak. Lalo na ang anak ni Aling Luisa na si Erika. Alam niya kasing hindi lalaban ang mag-ina dahil sa mahinang personalidad ng mga ito.

Sa tuwina na lamang sa labas ng eskwelahan ay maririnig mo ang matinis na boses ni Aling Sally na nagyayabang kaya madami ang iwas sa kaniya. Marahil ito na rin ang dahilan kung bakit pati ang kaniyang anak na si Mia ay arogante rin.

“Hoy, Erika! Ano ang nakuha mong marka sa pagsusulit? Sa tingin ko bagsak ka ‘no, ayaw mong ipakita!” sambit ni Mia sa kaniyang kaklase.

“Hindi naman ako bagsak. Tama lamang ang marka ko. Pero gusto ko lang na ang nanay ko ang unang makakita nito,” nahihiyang tugon ng dalagita.

“Ang arte mo! Akin na ang papel mo at patingin ako! Alam kong hindi aabot ‘yan sa perpektong marka ko!” pagpapayabang ni Mia.

Nang makita niya ang marka ni Erika ay agad niya itong pinagtawanan dahil kahit pasado ito ay marami pa rin itong mali. Kahit na pinatatawanan si Erika ay hindi na lamang siya lumaban sa tagubilin na rin ng kaniyang ina.

“Walang unibersidad na tatanggap sa isang pulpol na utak nang kagaya ng sa’yo, Erika!” natatawang sambit pa ni Mia.

Dumating ang araw ng pagtatapos nila sa hayskul at tulad ng inaasahan ng lahat ay si Mia ang nagkamit ng unang parangal. Magmula noon ay naghiwa-hiwalay na sila ng landas.

Makalipas ang maraming taon ay ang boses naman ni Mia ang maririnig mo sapagkat ipinagmamalaki nito ang kaniyang anak. Ngunit isang araw ay napapunta ito sa unibersidad ng kaniyang anak kung saan ito nag-aaral ng kolehiyo dahil ipinatawag ito ng kaniyang propesor.

“Napakatalino ng anak ko, bakit kailangan siyang ipatawag sa inyong tanggapan!” saad ni Mia sa Guidance Counselor. “Sino bang propesor ang nagpapatawag sa kaniya?” pag-aangas pa nito.

Hanggang sa nakita niya ang isang pamilyar na mukha.

“Erika? Ikaw ba ‘yan? Ikaw ba ang propesor ng anak ko?” sambit ni Mia.

“Gumaganti ka ba sa lahat ng panlalampaso na ginawa ko sa’yo noong kabataan natin kaya ngayon ay ang anak ko naman ang pinagdidiskitahan mo?” patuloy ang ginang sa pagsasalita habang pinipigilan siya ng mga tauhan ng eskwelahan pati ng kaniyang anak.

“H’wag niyo akong pigilan. Totoo naman, e. Noon ay walang binatbat ‘yan sa akin. Baka ngayon siguro ay nagiging banta sa’yo ang anak ko, ano? Nakakatawa ka, sa bata ka pa gumaganti,” walang tigil ang bunganga ni Mia.

“Tigilan niyo na po ang mga sinasabi nyong iyan!” pag-awat ng tauhan ng paaralan.

“Hindi po si Madam Erika ang propesor ng inyong anak. Hindi po siya ang nagpatawag sa anak ninyo, misis!” dagdag ng babae.

“Wala po kayong karapatan na pagsalitaan ng masama ang boss namin. Si Madam Erika po ang may ari ng unibersidad na ito. At mataas po ang kaniyang pinag-aralan. Isa po siya sa mga batang doktor ng pilosopiya sa unibersidad sa Amerika,” sambit pa nito.

Lubusan itong ikinagulat ni Mia.

“P-paanong nangyari?” tanging nasambit ng ginang.

“Hindi na ako magtataka kung ipinatawag ng propesor ang iyong anak sa pagiging arogante niya dahil kitang kita ko ito sa ugali ng kaniyang ina,” sambit ni Erika.

“Walang imposible, Mia. Hindi man ako ganoong kagalingan noong hayskul ay noong kolehiyo’y pinag-inaman ko ang pag-aaral. Noon kasi sabi ng aking ina, lilipas ang aking kabataan kaya hindi niya ako masyadong pinuwersa na maging ubod ng galing. Ngunit iba sa kolehiyo, Alam kong nag-aaral na ako para sa aking buhay. Saka, gusto ko ang aking pinag-aaralan kaya hindi ito naging mabigat sa akin. Hanggang sa pinalad ako at nagkaroon ng maraming iskolarsyip sa iba’t ibang bahagi ng mundo,” paliwanag ni Erika.

“Madalas ay nakakalimutan natin na may mas hihigit pa sa talino na mayroon tayo. Minsan naibabaon natin ang magandang ugali dahil lamang sa pagmamataas na akala natin ay nakakaangat tayo sa lahat. Sayang ang talino ng anak mo, Mia kung hindi matuturuan ng mabuting asal. Ngunit paano nga naman siya magkakaroon ng mabuting asal kung walang magandang ehemplo. Maraming bagay ang hindi natututunan lamang sa paaralan,” pagtatapos ng may-ari ng eskwelahan.

Lubusan ang pagkapahiyang naramdaman ng mag-ina. Hindi akalain ni Mia na isang araw ay darating ang panahon na ito kung saan siya naman ang nasa ilalim at si Erika ang mas nakakaangat sa kaniya.

Hindi matanggap ni Mia ang kaniyang pagkatalo kaya lumabas na lamang sila ng anak ng puno ng galit at pagkapahiya.

Isang matamis na ngiti naman ang namutawi sa mukha ni Erika dahil sa wakas ay natikman na ni Erika ang pait ng kaniyang kasalbahihan.

Advertisement