Inday TrendingInday Trending
Lubusang Pagmamahal ang Ibinigay ng Ama sa Kaniyang Anak; Nang Magkasakit ang Ama ay Ganito ang Ganti ng Anak

Lubusang Pagmamahal ang Ibinigay ng Ama sa Kaniyang Anak; Nang Magkasakit ang Ama ay Ganito ang Ganti ng Anak

Ilang buwan na rin simula nang lumuwas si Marco galing Pangasinan upang makipagsapalaran sa Maynila. Mabuti na lamang at dito nakatira ang kapatid ng kaniyang ina na si Mang Eduardo.

“Tiyo, maraming salamat po sa pagpapatuloy ninyo sa akin dito. Walang-wala lang po talaga akong matutuluyan dito sa Maynila. Pero kapag nakapag-ipon-ipon na po ako ay pinapangako ko pong aalis din ako kaagad. Kailangan ko lang po talagang tumulong kila nanay sa ngayon,” nahihiyang paliwanag ni Marco sa tiyuhin.

“H’wag mong problemahin ‘yan, pamangkin! Ang bahay na ito ay laging bukas para sa iyo. Saka nakausap ko na ang nanay mo,” saad ni Mang Eduardo.

Sakto na kakauwi lamang ni Wally, ang bunsong anak ni Mang Eduardo, mula sa eskwelahan.

“Anak, nandito ang pinsan mo. Dito muna siya. Mabuti na rin at may makakasama ka,” saad ng ama.

“Hindi na nga kayo magkandaugaga sa pagtratrabaho, kumuha pa kayo ng isa pang alalahanin,” tugon naman ni Wally sabay pasok sa silid.

“Huwag mong isipin ‘yang si Wally. Mabait naman ‘yang pinsan mo, minsan lang may topak,” natatawang sambit ni Mang Ed.

Isang tauhan ng kanilang baranggay si Mang Eduardo. Pilit niyang itinataguyod ang mga anak sa kabila ng maagang paglisan ng kaniyang asawa. Habang si Marco naman ay walang kinilalang ama, kaya ganoon na lamang ang inggit niya sa bunsong anak ng kaniyang tiyo. Kahit kasi ano ang gawin ni Wally ay laging nakasuporta sa kaniya ang kaniyang ama.

Sa tulad kasi ni Marco na lumaki sa probinsiya ay napakahirap ng walang kinikilalang ama. Madalas ay kutyain siya at ang matindi pa doon ay nangungulila ang kaniyang puso sa gabay ng isang ama.

“Tiyo, tara po kumain tayo. May nagbigay kasi ng tip sa akin sa palengke kaya nakabili ako ng manok. Paghatian po natin ito,” paanyaya ni Marco sa kaniyang tiyo.

“Naku, masarap ‘yan, ha! Pero puwede bang itira mo na lang ‘yung parte ko para kay Wally. Gusto kasi niya yang manok. Bibihira kami makapagmanok dahil nga kailangan mapagkasya ang sahod ko,” nahihiyang pahayag ng ginoo.

Napangiti lamang si Marco at agad sinunod ang kaniyang tiyo. Iniisip niya ang sarap ng buhay kung mayroong isang tatay.

Kinagabihan ay naabutan ni Marco si Wally na naiinis sapagkat hindi niya mapagana ang kanilang radyo. Lalapitan na sana ng binata ang kaniyang pinsan upang tulungan ito ngunit sa pikon ni Wally ay naibato niya ang nasabing radyo. Saka umalis.

Agad itong pinulot ni Marco. Nadatnan naman siya ng kaniyang Tiyo Eduardo.

“Anong nangyari, Marco? Naku, sa panganay ko pa namang anak ang radyong iyan,” saad ni Mang Eduardo.

“Si Wally po, hindi niya sinasadya siguro na nalaglag niya. Parang galit po ata siya,” sambit ng binata.

Pinulot ni Mang Eduardo ang radyo at pilit na kinukumpuni ng biglang dumating ang kaniyang panganay na anak.

“Bakit iyan nagkaganyan?” galit nitong wika. “Dapat iningatan ninyo kung gusto niyong gamitin. Siguro si Wally ang nakasira niyan ‘no? Ilang araw ko na siyang nakikitang pilit na pinapatugtog ‘yan!” dagdag pa ng dalaga.

“Hindi, anak. Ako ang may gawa. Hindi ko sinasadya na matabig kasi kanina. Nalaglag tuloy. Hayaan mo pag sweldo ko, ipapagawa ko kaagad,” pakiusap ng ama.

Nagulat si Marco nang pagtakpan ni Mang Eduardo ang kaniyang bunso.

Madalas na ganito ang mangyari. Laging inuuna ni Mang Eduardo ang kapakanan ni Wally. Kung may kailangan ito sa eskwela kasabay ng kaniyang mga dalagang ate ay mas prayoridad ni Mang Eduardo ang kay Wally.

Si Wally rin ang nakakatanggap ng pinakamalaki at masarap na parte ng kahit anong ulam. Lubusan ang pagmamahal na ginawa ni Mang Eduardo para sa kaniyang anak. Kahit na hindi nakapag tapos si Wally sa kaniyang pag-aaral dahil napabarkada lamang ito ay hindi siya nagawang itakwil o pagsalitaan man lamang ng ama ng masama.

Isang araw ay hindi inaasahan na nagkasakit si Mang Eduardo. Na-stroke ito at tuluyan nang hindi makakilos. Dahil dito ay hindi na niya magawang magtrabaho.

“Wally, ikaw na muna ang magbantay sa tiyo dahil kailangan ko na talagang pumasok sa trabaho,” pakiusap ni Marco sa pinsan.

“May lakad kami ng barkada. Saka bakit ako ang kailangang mag-alaga? Gawaing pambabae ‘yan!” sambit ni Wally.

“May trabaho din ang mga ate mo. Kailangan nyo ‘yun sapagkat para may pampagamot ang tiyo,” tugon ng binata. “Kailangan ko na talagang umalis, Wally. Ikaw na ang bahala dito,” dagdag pa ng nagmamadaling si Marco.

Ngunit hindi inintindi ni Wally ang ama. Tumuloy pa rin siya sa lakad ng kasama ang mga barkada at iniwanan ang ama nang mag-isa.

Gabi na nang makauwi si Marco at nagulat siyang walang kasama ang kaniyang tiyuhin. Galit na galit siyang kinumpronta si Wally nang makauwi ito kinaumagahan.

“Masyado kang pabida! Kung gusto mo ay iuwi mo na lamang sa probinsya niyo ang tatay ko! Tutal ang hilig mong magmagaling!” sambit ni Wally sa pinsan.

Dahil dito ay nabigyan ng ideya si Marco na dalhin na nga lamang doon sa kanilang probinsya si Mang Eduardo at doon alagaan. Pinapadalhan na lamang siya ng dalawang babaeng anak ni Mang Ed ng pantustos para sa ama.

Habang si Wally ay patuloy ang pagsasaya kasama ang barkada, si Marco ay itinuon ang kaniyang pansin sa pag-aalaga sa kaniyang tiyuhin.

Ilang buwan ang nakalipas at ang dami nang nagbago. Unti-unti na ring gumaling si Mang Eduardo. Ngunit nalulungkot pa rin ito sa kinahantungan ng kaniyang bunsong anak. Mula kasi noon ay napariwara na ito at nasama sa mga gang. Ngayon ay nakapiit ito sa kulungan.

Nang malaman ni Wally na magaling na ang kaniyang ama ay humihingi ito ng tulong dito at nagmamakaawa. Nais man ni Mang Eduardo na tulungan ang anak ay wala na siyang magawa.

“Wala talaga kayong kwenta kahit kailan! Tama lang na matagal ko na kayong itinuring na pat*y!” saad ni Wally.

Lubusan ang hinanakit na naramdaman ni Mang Eduardo. Dahil sa kabila ng pinakita niyang pagmamahal sa kaniyang bunsong anak ay ito pa ang naiganti nito. Sa kabilang banda ay naisip din niya na ibang parte nito ay baka kasalanan niya sapagkat masyado niyang napagbigyan ang anak sa kaniyang mga kagustuhan.

Ngunit sa tuwing naiisip niya ang sakripisyo ni Marco sa kaniya ay lubusan niyang ipinagpapasalamat ang pagdating ng binata sa kanilang buhay. Itinuring ng ginoo na tunay na anak niya si Marco at ang binata naman ay natupad na ang pangarap na makaramdam ng pagmamahal ng isang tunay na ama.

Masakit man kay Mang Eduardo ang nangyari ay pilit na lamang din niyang itinuon ang kaniyang pansin sa taong tunay na nagmamahal sa kaniya sa pag-asang isang araw ay mapagtatanto din ng kaniyang bunso ang mga kamalian nito sa buhay.

Advertisement