
Sawang-Sawa na ang Babae sa Panlolokong Ginagawa ng Mister; May Kapatawaran ba ang Ginawa Nito o Dapat Lang na Putulin na ang Ugnayan Nila
“Ayoko nang umuwi sa’min. Hindi ko na kaya ang panloloko ni Michael sa’kin,” umiiyak na wika ni Veah.
Bitbit ang malaking maleta habang panay ang iyak ay umuwi si Veah sa bahay nila. Kagagaling lang niya sa bar kung saan sinundan niya ang asawang si Michael at nakita niya mismo ang pang-gag*go nito sa kaniya.
May babae ang kaniyang asawa at ito ang dahilan kaya laging mainit ang ulo nito sa kaniya at mas gusto nitong umalis sa bahay dahil mas gusto nitong makita ang kabit at hindi siya.
“Ano bang ginawa ng tarant*adong lalaking ‘yon sa’yo?!” Galit na tanong ng kaniyang amang si Oliver.
“May babae na naman siya,” humagulhol na sumbong ni Veah.
“Huwag na huwag magpapakita ang gag*ong ‘yon sa’kin dahil sisiguraduhin kong mata lang niya ang walang latay!” Galit pa ring sambit ng ama.
KINABUKASAN ay nagulat na lang si Veah, nang biglang sumulpot si Michael sa bahay nila.
“Anong ginagawa mo rito? Umalis ka na hangga’t hindi ka pa nakikita ni papa,” taboy niya sa asawa.
“Nandito ako para iuwi ka sa bahay natin,” walang gatol na sagot naman ni Michael.
“Hindi na ako uuwi sa bahay natin. Ayoko nang makasama ka! Sawang-sawa na ako sa panloloko mo!” Singhal ni Veah, habang pinipigilan ang pag-iyak.
“Umalis ka na Michael, kung ayaw mong mabugbog!” Singit na ni Oliver.
“Papa, mahal ko po si Veah. Asawa ko siya kaya dapat lang sigurong kunin ko siya at iuwi sa bahay namin,” magalang na kausap ni Michael sa beyanan.
“Tama ka! Asawa mo na ang anak ko. Pinakasalan mo siya, pero hindi ibig sabihin no’n ay may karapatan ka nang saktan ang prinsesa ko, Michael. Alam mo naman iyan ‘di ba? Binalaan na kita noon na kung hindi mo na mahal ang anak ko. Isauli mo siya sa’kin, kaysa paiyakin mo siya dahil sa pang-gagag*o mo!” Inis na wika ni Oliver.
Pinipigilan lamang ni Oliver ang huwag suntukin si Michael. Asawa pa rin ito ng kaniyang anak at alam niyang masasaktan si Veah, kapag sinaktan niya ang lalaki.
“P-papa, mali po ang inaakala niyo. Patawarin niyo po ako kung sa tingin niyo nasaktan ko ang prinsesa niyo. Pero pa, mali po ang iniisip niyo,” naiiyak na wika ni Michael.
“Sa ngayon ay babawiin ko na muna ang anak ko sa’yo, Michael. Mas maigi pang mag-isip-isip ka na muna. Isipin mong maigi kung mahal mo pa ba ang anak ko. Kung mapatunayan mong mahal mo pa si Veah, ibabalik ko siya sa’yo. Pero kung napatunayan kong hindi na mahalaga sa’yo ang anak ko. Ako na mismo ang magpapawalang bisa ng kasal niyo,” matigas na wika ni Oliver saka tinalikuran ang nanghihinang si Michael.
Alam ni Michael na isang pagsubok ang binigay ng kaniyang biyenang lalaki sa kaniya. Oo minsan na siyang nagkamali noon dahil nagpadala siya sa tukso, kaya nga laking pasasalamat niya noong pinatawad siya ni Veah. Nangako siyang hindi na ulit gagawin ang kasalanang iyon, kaso nangyari ang ganito. Handa siyang patunayan ang pagmamahal niya sa asawa. Handa siyang tanggapin ang pagsubok na ibinigay ng biyenan.
HALOS anim na buwan na rin ang nakakalipas mula noong umalis si Veah sa bahay nila. Anim na buwan na rin niya itong sinusuyo upang patunayan na nagsisisi na siya sa lahat ng nagawang kasalanan.
“Paano kung hindi ko na talaga kayang patawarin ka Michael?” Malungkot na tanong ni Veah.
“Pero wala naman talaga akong ginawang kasalanan, Veah. Pinaliwanag ko na ‘yon sa’yo. Wala kaming relasyon ng babaeng iyon. Lumapit lang ‘yon sa’kin at agad ko ring tinaboy. May business meeting kami ni Carlo, kaya nandoon kami,” nagmamakaawang wika ni Michael.
“Napakahirap na pala kapag wala ka nang tiwala sa taong mahal mo,” nahihirapang wika ni Veah. “Hindi ko alam kung paano pa kita tatanggapin ulit.”
“Paano ako kapag nawala ka…” nahihirapang sambit ni Michael.
Tahimik namang nakikinig ang ama ni Veah sa kanila. Sapat na ang anim na buwan upang patunayan ni Michael, na mahal nga nito ang anak niya. Kung siya ang tatanungin ay nais na rin niyang ibalik si Veah kay Michael, ngunit hindi niya hawak ang bawat desisyon na gagawin ni Veah, kahit anak niya pa ito.
“Hindi ko na alam Michael, kung paano pa ulit kita pagkakatiwalaan. Kung hindi mo na kaya pang mahintay ay mas maigi pang palayain na lamang natin ang isa’t-isa,” umiiyak na wika ni Veah.
“Handa akong hintayin kung kailan mo ako ulit kayang tanggapin. Alam kong may kasalanan ako sa’yo, at handa akong pagbayaran iyon. Hihintayin kita, dahil ikaw lang ang mahal ko, Veah,” nakaluhod na wika ni Michael.
Mahirap nang ibalik ang tiwalang minsan nang nabasag. Hindi madaling mawala ang sakit na dulot nang ginawa niyo. Kaya bago gumawa nang kasalanan, isipin niyo muna ang magiging kapalit. Hindi madali ang sumuko, pero mas maganda na ang sumuko kaysa pahirapan pa ang sarili.