Inday TrendingInday Trending
Ninais ng Dalagang Makaalis sa Kanilang Baryo Upang Makapag-asawa ng Mayaman; Kahihiyan ang Inabot Niya

Ninais ng Dalagang Makaalis sa Kanilang Baryo Upang Makapag-asawa ng Mayaman; Kahihiyan ang Inabot Niya

“Anak, mag-iingat ka dun. Malaki ang Maynila, at alam mo naman na wala tayong kakilala dun.”

Muling paalala ng nanay ni Mila sa dalaga habang abala ang dalaga sa pag-eempake ng kaniyang mga gamit.

“Oho ‘nay, pang-ilang beses niyo na ho nasabi,” nakangiting wika ni Mila sa ina.

“Nag-alala lang ako sa’yo, anak. Bakit ba kailangan mo pang pumunta sa Maynila? Maganda naman ang trabaho mo rito, anak,” katwiran ng ina.

“‘Nay, ‘di ba ho ipinaliwanag ko na sa inyo ‘nay? Ayoko ng buhay dito. Walang asenso. Saka nasa tamang edad na ako para mag-asawa pero wala pa din akong nahahanap na lalaking kaya akong buhayin,” nakasimangot na paliwanag ni Mila sa ina.

“Kumusta naman kayo ni Max, anak? Hindi ba’t matagal nang nanliligaw sa iyo ‘yun? Napakabait ng batang ‘yun, kaya nga kasundo iyon ng tatay mo, ayaw mo ba talaga sa kaniya?” Nagtatakang usisa ng kanyang ina.

“‘Nay, kaibigan lang ho talaga ang tingin ko kay Max. Alam niyo naman na mataas ang pangarap ko. Kung papatol lang ako sa kung sino-sinong taga-baryo natin, tatandaa’t mamam*tay na lang ako, hindi pa rin ako makakaalis sa baryo na ito,” dire-diretsong salita ni Mila, habang ang atensiyon ay nasa pag-eempake pa rin.

“Anak, ang tatay mo, taga-baryo rin naman. Napalaki naman namin kayo ng maayos. Napagtapos namin kayong magkakapatid dahil sa sipag at tiyaga ng ama niyo,” depensa naman ng kaniyang ina, na tila nainsulto sa kaniyang sinabi.

“Alam ko naman ho iyon, ‘nay,” bawi ng dalaga. “Iba sa simpleng buhay lang po talaga ang pinapangarap ko.” Pilit na pagpapaunawa ni Mila sa ina.

Humugot na malalim na hininga ang ina ng dalaga. “Basta tawagan mo kami lagi, anak. Para naman alam namin ang lagay mo dun.”

“Siyempre naman ho, ‘nay. Maraming salamat ho at pinayagan niyo ako umalis dito sa maliit na baryo natin.” Lumapit ang dalaga sa ina at malambing na yumakap sa ina.

“Ang bunso ko, malalayo na sa amin,” mangiyak-ngiyak na wika ng Aling Nena.

“‘Nay, grabe ka naman! Madalas na ako bibisita sa bahay,” natatawang wika niya sa ina.

Naiintindihan ni Mila ang ina. Siya kasi ang bunso sa kanilang magkakapatid. Iyon kasi unang pagkakataon na mawawalay siya sa mga magulang.

Sinipat ni Mila ang apartment na lilipatan. Bagaman maliit, malinis naman ito ay maayos. Iyon ang magiging tahanan niya habang naninirahan siya sa lungsod.

“Welcome, Ms. Mila Santillan. Masaya ako na tinanggap mo ang offer na mag-transfer sa branch na ito ng kompanya,” masiglang wika ng kaniyang makisig na boss na nagpakilalang si Mr. Rick Clave.

“Thank you, Sir. Makakaasa po kayo na gagawin ko nang maayos ang aking trabaho. Very thankful po ako sa opportunity na makapagtrabaho sa main branch ng hotel,” kumpiyansa namang wika ni Mila, nangingislap ang mata dahil sa hindi mapigilang atraksiyong nadama niya sa kaniyang gwapo at batang batang boss.

Mas lalo pang nahulog ang loob ng dalaga sa kaniyang boss. Paano ba naman kasi, napakabait nito sa mga empleyado.

At sa tingin ni Mila, gusto din siya ng lalaki. Madalas niya kasi itong nahuhuling nakatingin sa kaniya habang tila may malalim na iniisip. Sa tuwing nagtatagpo ang kanilang mga mata, isang matamis na ngiti ang isinusukli nito sa kanya.

Napangiti ang dalaga sa kawalan. Iniisip na ito na ang katuparan ng kaniyang pangarap – ang maalwan na buhay. Sigurado siya na sandaling panahon na lamang at magtatapat na din ito sa kanya.

Napapitlag siya nang tumunog ang kaniyang cellphone. Nakita ang mensahe ng kaniyang manliligaw na si Max.

Max: Uuwi ka ba ngayong Linggo, Mila? Matagal na kasi tayong hindi nagkikita.

Napaismid si Mila bago nagdesisyong ignorahin ang mensahe.

Isang hapon, nakatanggap ng mensahe si Mila mula sa sekretarya ng kaniyang boss. Pinaakyat siya nito sa opisina.

“Ms. Santillan, gusto ko lang sabihin na nakikita ko ang potential mo. You are doing a good job, kahit na magdadalawang buwan ka pa lang dito. Gusto ko ipagpatuloy mo ‘yan. Bilang pasasalamat ko sa sipag at tiyaga mo, pwede ba kitang ayain maghapunan mamaya, kung may oras ka?” Tila nag-aalangan ang paanyaya ng lalaki, kaya naman mabilis na sumagot ang dalaga.

“Naku, syempre naman po, Sir! Sige po!”

Tila nasa alapaap ang dalaga nang lumabas ng opisina ng kaniyang boss. Kaya naman hindi niya na napansin ang pailalim na tingin ng kaniyang mga katrabaho, pati na ang pagbubulong-bulungan ng mga ito.

Nagpagana ng husto si Mila ng gabing iyon. May pakiramdam siya na ito ang gabing pinakahihintay niya. At kung hindi man ito magtapat, siya na mismo ang magsasabi dito ng nararamdaman niya.

Nauna ang lalaki na dumating. Gwapong gwapo ito sa suot nitong pink na polo.

Nakaramdam ng kilig ang dalaga nang ipaghila pa siya ng lalaki ng upuan.

“Orderin mo lahat ng gusto mo, it’s my treat.” Nakangiting wika ng lalaki.

Nalula naman si Mila sa presyo ng mga pagkain sa restaurant.

Nasa kalagitnaan sila nang sabihin ng lalaki ang mga salitang matagal nang inaasam ni Mila.

“Mila, siguro naman by now ay alam mo na gustong-gusto kita. Matagal na. Simula pa nung una kitang makita,” madamdaming pahayag ng lalaki.

Tila sasabog naman ang puso ng dalaga. Gusto rin siya ng lalaking gusto niya!

“Sir, gusto din kita…” Nahihiyang pag-amin ng dalaga.

Ngumiti ang lalaki. Ginagap ang kanyang palad. Akmang may sasabihin pa ito nang tumunog ang cellphone nito.

Nang mapansin ni Mila ang pag-aalangan ng lalaki ay nagsalita siya. “Sir, sagutin mo muna, mukhang mahalaga.”

Agad namang tumayo ang lalaki at lumabas.Akmang magpapatuloy sa pagkain si Mila nang isang babae ang lumapit sa kanya at pinutakti siya ng tanong.

“Sino ka? Anong ginagawa mo dito? Bakit kasama mo ang asawa ko?”

Tigagal na napatitig siya sa babae. “A-asawa? Sinong asawa?”

“Sino pa? ‘Yung lalaking kausap mo. Si Rick Clave! Siguro kabit ka ng asawa ko!” Malakas at may diin ang bawat salita ng babae, na nakaagaw ng pansin ng karamihan sa loob lalo pa’t kita sa mukha nito ang galit.

Hindi naman malaman ni Mila ang gagawin. Luminga siya, sa pag-asang makita ang kaniyang boss, upang klaruhin na rin ang akusasyon ng babae.

Nakahinga siya nang maluwag nang makita ang lalaki na papalapit. Ngunit nagulat siya nang sa halip na siya ang lapitan nito, hinawakan nito sa baywang ang babaeng nagpakilala na asawa nito.

“S-sir?” Nagtatanong ang mga mata ni Mila na tumitig sa malilikot na mata ng lalaki.

“May bago ka na naman bang babae, Rick?” Tanong ng babae.

“H-hindi, hon. Empleyado ko lang si Mila, gusto niya ako, pero andito ako para sabihin sa kanya na hindi ko masusuklian ang pagtingin niya dahil may asawa na ako,” walang kurap na pagsisinungaling ng lalaki sa asawa nito.

Tila naman may bombang sumabog sa harap ni Mila. Hindi makapaniwala si Mila sa sinabi ng lalaki.

Matagal siyang natulala, at namalayan niya na lamang na nag-iisa na lamang siya sa mesa.

Nang ilibot niya ang tingin, nakita niya ang nangangastigong tingin ng karamihan, na tila ba pinandirihan siya.

Dali-dali niyang nilisan ang lugar na iyon.

Nang pumasok siya sa opisina kinabukasan, napansin niya ang pagbubulungan ng mga ka-opisina. Nakita niya rin ang kaparehong nandidiring tingin na ibinabato ng mga ito sa kaniya.

Bago magtanghali ay natanggap niya na ang balita na pinapabalik na siya sa branch ng kanilang kumpanya na nasa kanilang probinsiya.

Hindi na nagtanong pa si Mila. Gustong gusto niya na umalis sa lugar na iyon. Sirang sira na ang reputasyon niya. At tila wala naman may gustong marinig ang totoong nangyari mula sa kaniya.

Umuwi si Mila nang wasak ang puso, reputasyon, at pangarap. Ngayon ay nakakakabit na sa kaniyang pangalan ang titulo na “kabit.”

Hindi niya na magawang maliitin ang mga kabaryo niya na noon ay mababa ang tingin niya dahil higit na mababa ang tingin ng mga ito sa kanya. Sana pala ay nakinig siya sa kaniyang ina at nakuntento sa simple ngunit tahimik na buhay.

Advertisement