Inday TrendingInday Trending
Pinagtabuyan ng Lalaki ang Pulubing Nais Kumain Sa Kanilang Restawran, Napagtanto Niya ang Pagkakamali nang Maalala ang Dating Buhay

Pinagtabuyan ng Lalaki ang Pulubing Nais Kumain Sa Kanilang Restawran, Napagtanto Niya ang Pagkakamali nang Maalala ang Dating Buhay

“Hoy, pulubi, doon ka nga! Maraming kakain, o, doon ka muna,” taboy ni Ben sa isang pulubing umupo sa isang lamesa sa kanilang restawran, may bigla kasing dumating na grupo ng mga lalaki dahilan upang patayuin niya ito.

“Kakain din po ako, kuya,” sagot nito habang hawak-hawak ang sikmura.

“O, doon ka sa likod puwesto! Nawawalan ng gana yung mga kumakain sa amoy at itsura mo, o! Dali na!” bulyaw niya pa dito saka niya hinaltak patayo, agad naman niyang pinaupo ang grupo ng mga lalaki at binigyan ang mga ito ng maiinom na tubig.

“Pare, huwag mo masyadong sigawan, mukhang may pangbayad naman, eh,” saway sa kaniya ng kapwa niya serbidor na naglilinis sa kabilang lamesa.

“Kahit na pare, nakakawala ng gana ang itsura, eh, baka magsialisan pa ‘yang mga kumakain, malalagot tayo kay madam,” paliwanag niya dito.

“Sabagay, o, sige, ako na bahala dito, bigay mo na itong bayad kay madam,” ika pa nito sa kaniya, saka iniabot sa kaniya ang nakuhang pera.

Tatlong taon nang naninilbihan sa isang restawran ang binatang si Ben na noo’y walang pinagkakakitaan at isang hamak na tambay lamang sa kanto. Kaya naman ganoon na lang ang pasasalamat niya sa ginang na pumilit sa kaniyang magtrabaho sa naturang restawran na ito.

Dahil nga nais niyang mapabuti ang tingin sa kaniya ng ginang na may-ari ng restawran, ginagawa niya ang lahat upang mapansin nito ang kaniyang mga ginagawa. Naging mitikoloso siya sa bawat aksyong ginagawa niya dahilan upang lagi niyang kainisan ang mga pulubing madalas nanlilimos sa loob ng restawran.

Sa tuwing may makikita siyang pulubi, palagi niya itong tinataboy palabas at kung kakain man ito, palagi niya itong pinapapwesto sa likod ng kanilang restawran kung saan nila iniimbak ang kanilang mga sangkap. Wala kasing tao doon na mawawalan ng gana kapag nakita ang isang marumi’t mabahong pulubi.

“Bakit kasi nagbebenta pa si madam ng pagkaing halagang bente pesos lang? Ayan tuloy, dito nagsisikainan ang mga pulubi!” inis niyang sambit sa sariling habang naglalakad patungo sa likod ng naturang restawran upang iabot sa pulubi ang order nitong tinapay at kape.

Iniabot niya lang ang pagkain sa pulubi saka agad na bumalik sa harapan ng restawran. Ngunit habang inaasikaso niya ang ibang mga kumakain, bigla siyang pinatawag ng kanilang amo dahilan upang bahagya siyang kabahan.

“Naku, mukhang may ginawang kalokohan sa likod ang pulubing ‘yon, ha? Malalagot talaga sa’kin ‘yon kapag pinagalitan ako!” iiling-iling niyang ika.

Ngunit laking gulat niya nang makitang kasalo ng kaniyang amo ang pulubing ‘yon sa hapag-kainan sa opisina nito.

“Ma-madam? Pasensya na po kayo,” sambit niya saka hinaltak patayo ang pulubi at sinabing, “Halika na, hindi ka pwede dito!”

Labis pa siyang nabigla nang awatin siya ng kaniyang amo at yayain siyang lumabas nang naturang opisina, naiwan namang kumakain ang naturang pulubi.

“Ben, ilang bes ko ba sasabihin sa’yo na itrato mo lahat ng kumakain dito nang pantay-pantay? Hindi mo ba naisip na nasasaktan mo ang batang ‘yon? Oo, pulubi niya, ngunit may tiyan din siyang kumukulo katulad mo noong nakita kita d’yan sa may kanto. Sa katunayan nga, halos parehas lang kayo ng estado noon, may tirahan ka lang noon, ngunit wala ka ring trabaho at makain katulad niya,” malumanay na sabi ng ginang dahilan upang bigla siyang mapaisip, “Ngayon, gusto kong turuan mo siya kung anong ginagawa mo dito sa restawran ko. Katulad mo, aampunin ko rin siya. Ikaw nang bahala sa kaniya, ha?” dagdag pa nito saka siya tinapik sa likuran.

Doon napagtanto niyang tila naging masama siya sa naturang pulubing iyon. Naisip niya ring tama ang kaniyang amo na halos wala silang pinagkaiba ng naturang pulubing ‘yon noong mga araw na lugmok na lugmok siya sa kahirapan ng buhay.

Simula noon, ipinangako niyang gagawin ang lahat upang maturuan ang naturang pulubing iyon. Tinuruan niya ito kung paano maligo, magsipilyo, at magbihis ng maayos. Sinamahan niya rin itong magpagupit nang sagayo’y umayos ang itsura.

Labis naman ang sayang naramdaman ng kaniyang amo nang makitang binago niya ang pulubing dati’y pinagtatabuyan niya dahilan upang pataasin nito ang kaniyang posisyon at gawin na siyang supervisor ng naturang restawran na labis niya namang ikinatuwa.

Labis siyang napalapit sa naturang pulubi dahilan upang ituring niya na itong sariling kapatid at sa tuwing may pulubing mapapadpad sa kanilang restawran, pantay na serbisyo ang binibigay nila sa mga ito.

Mahirap man o mayaman, malinis man o marumi, lahat ng tao’y may pantay na karapatan. Nawa’y itrato natin lahat ng ating makakasaluha ng pantay dahil maaaring sila ang maghatid sa atin sa tagumpay.

Advertisement