Inday TrendingInday Trending
Wala nang Tiwala ang Lalaking Ito sa Maynila Dahil sa Kaniyang Nakaraan, Ano nga ba ang Nangyari?

Wala nang Tiwala ang Lalaking Ito sa Maynila Dahil sa Kaniyang Nakaraan, Ano nga ba ang Nangyari?

“Ilang araw na lang, love, at magtatapos na ako ng hayskul. Nasasabik na akong makita ang Maynila,” maligayang wika ni Yssa, nobya ni Martin.

“Anong Maynila? Sinong nagsabi na pupunta ka ng Maynila? Hindi ba’t napag-usapan na natin na hindi ka pupunta roon. Hindi ka mag-aaral doon at mas lalong hindi ka magtra-trabaho roon,” diin na sagot ni Martin sa babae.

“Love, sayang naman ‘yung makukuha kong scholarship sa Maynila. Isa pa, UP ‘yun, hindi ‘yun basta pipitsuging unibersidad lang, love, Unibersidad ng Pilipinas ‘yun!” pagpupumilit pang muli ni Yssa sa kaniyang nobyo. Ngunit hindi na ito sumagot pa at mas piniling tapusin na lang kaagad ang kanilang pagkain saka ito nagtawag ng serbidora para siya ay makapagbayad. Hindi na umimik pa si Martin na siyang ikinasama rin ng loob ni Yssa.

“Alam mo, totoo siguro talaga ‘yung mga sinasabi ng kaibigan ko. Na ikaw ang magkokontrol ng buhay ko,” saad nito habang sila ay nagmamaneho pauwi.

“Ibubulok mo lang ako rito sa probinsiya at aanakan, aasawahin hanggang sa tumanda na ganun na lang. Ganun nga siguro ang pangarap mong buhay, baka ito na nga talaga ang hudyat para maghiwalay na tayo,” dagdag pa nito saka mabilis na itinabi ni Martin ang sasakyan at huminto sa pagmamaneho.

“Sige, maghiwalay na tayo. Lahat ng babaeng kilala ko na nagpunta sa Maynila ay nagbago. Kung hindi lumandi ay napariwara o ‘di naman kaya nabuntis, hindi nakapagtapos o nabulag ng alak at barkada, pupusta ako na mauuwi ka lang sa mga sinasabi ko,” galit na wika ni Martin dito.

“Ganoon ba kababa ang tingin mo sa akin? Dahil ba mas bata ako sa’yo at mas matanda ka sa akin kaya pakiramdam mo alam na alam mo na ang mangyayari sa mundo? Sa buhay ko? Bakit parang hindi naman kita nobyo? Bakit parang mas malala ka pa sa tatay ko. Aminin mo nga sa akin, ano ba ang kinatatakot mo? Bakit ba ayaw na ayaw mo na magpunta ako sa Maynila? Ano bang mayroon sa nakaraan mo na ayaw mong buklatin sa akin at kapag nababanggit ang Maynila ay para ka nalang bulkang sumasabog?” baling ni Yssa sa kaniya.

“Ano ba ang hahanapin mo sa Maynila? May negosyo kayo rito, maganda ang katayuan ng pamilya mo, may negosyo rin naman ako at isa pa hindi naman sa pagmamayabang pero alam mo na mayaman ako at kaya kita buhayin at ang magiging luho mo. Kaya kong ibigay ang lahat sa’yo rito ‘wag ka lang umalis,” giit muli ng lalaki.

“Mas lalong hindi ko naiintindihan ang lahat sa’yo, Martin. Wala akong naiintindihan sa’yo!” galit na sigaw ni Yssa saka siya bumaba ng sasakyan at naglakad pauwi sa kanila.

Halos mag-iisang taon pa lamang na magkasintahan ang dalawa at kahit na isang dekada ang agwat nila ay hindi ito naging hadlang upang mahulog sila sa isat-isa. Aminado ang babae na marami pa siyang hindi alam sa buong pagkatao ng kaniyang nobyo ngunit laking katanungan para sa kaniya ang pagiging iritable ng nobyo sa tuwing mababanggit ang Maynila.

Halos dalawang buwan rin na ang nakakalipas ngunit hindi pa rin nag-uusap ang dalawa. Hanggang sa dalawin ni Yssa ang lola ni Martin na nasa ospital.

“Lola, magpagaling po kayo, ha? Alam niyo naman po na mahal na mahal po namin kayo ni Martin,” wika nito sa matanda.

“Apo, mabuti naman at dumalaw ka. Pagpasensyahan mo na si Martin kung ayaw ka niyang pumunta ng Maynila. Natatakot lang din ang apo ko na baka pati ikaw ay mawala sa kaniya,” wika ni Lola Juanita.

“Mawala? Bakit, lola, marami na ba siyang naging nobya na nagpunta ng Maynila at iniwan siya?” busising tanong kaagad nito sa matanda.

“Naku naman talaga, bata ka pa talaga!” natatawang sagot agad ng lola at saka hinawakan ang mga kamay nito.

“Una, ‘yung nanay niya, nung nagpunta sa Maynila, nakahanap ng ibang pamilya saka sila iniwan. Sumunod naman ang mga kapatid niya na nag-aral din doon, hindi na ginusto pang umuwi rito sa probinsya dahil nasa Maynila na raw ang buhay nila at ang pinakahuli ay iyong huli niyang naging nobya, halos pitong taon na rin ang nakakalipas. Sinuportahan niya ang babaeng iyon sa pag-aaral sa Maynila ngunit nung araw na sosorpresahin niya sana ito para yayain ng kasal ay siya ang nabigla. Naabutan niya itong may kasiping na iba. Doon na nagsimulang masira ang tiwala ni Martin sa Maynila,” pahayag ni Lola Juanita.

Hindi naman na sumagot pa si Yssa at naintindihan na niya ngayon ang kaniyang nobyo.

“Naiintindihan kong natatakot ka sa kung ano ang pwedeng mangyari sa atin kapag nagkalayo tayo. Pero hindi ang Maynila ang may kasalanan ng lahat ng nakaraan mo, Martin, dahil nasa tao pa rin iyon. Pagkatiwalaan mo lang ako, babalik akong buo sa’yo,” wika ni Yssa sa lalaki. Hindi naman na sumagot pa ang binata at niyapos na lamang ang nobya sa huling pagkakataon.

Lumipas ang apat na taon at nakapagtapos ng kolehiyo si Yssa at binalikan ang nobyo sa probinsya. Ngayon ay ikakasal na rin sila. Napatunayan ni Yssa sa lalaki na hindi Maynila ang problema o saan pa mang lugar sa mundo kung bakit nakakagawa ng pagkakasala ang isang tao. Ito ay dahil nakasalalay sa pagpili ng desisyon sa buhay.

Advertisement