
Minaliit ng Binatang Ito ang Pinsan Niyang Kinaiinggitan Niya Noon, Wala Siyang Mukhang Maiharap nang Makasalubong Niya Ito sa Eroplano
“O, Rodi, kumusta ka na? Ano nang pinagkakaabalahan mo sa buhay?” sambit ni Jon nang makasalubong sa daan ang pinakamalapit niyang pinsan.
“Ayos naman, ito, nag-aangkat ako ng mga gulay sa palengke. Hinihintay ko kasi..,” agad niyang pinutol ang pagsasalita ng pinsan nang marinig niya ang trabaho nito dahil sa gulat.
“Ano? Nagtapos ka ng kolehiyo para maging taga-angkat ng gulay? Grabe ka naman, Rodi! Naiinggit pa naman ako sa’yo noon dahil nga nag-aral ka nang pagpipiloto,” pailing-iling niyang sambit.
“Ano kasi, eh, hinihintay ko lang ‘yong..,” muli niya na namang pinutol ang pagsasalita ng pinsan.
“Naku, mas maigi pa pala ang buhay ko sa’yo ngayon. Ako pa-travel travel na lang kasama ang buo kong pamilya! Magpautang ka na lang din katulad ko, malaki ang kita, pangako! Sa katunayan nga, sa susunod na buwan, ililipad ko ang mga magulang ko sa Amerika gamit ang tubo ko sa pagpapautang,” pagyayabang niya pa.
“Ayoko, insan, mas maganda ang..,” sinubok muli ng kaniyang pinsan na magkwento sa kaniya ngunit agad niya na naman itong pinutol.
“Mas maganda ang mag-angkat ng gulay? Naku, bahala ka na nga, binibigyan na nga kita ng ideya para makaahon sa kahirapan, eh, d’yan ka na!” paalam niya nang bahagyang makaramdam ng pagkainis saka hinarurot ang bagong bili niyang sasakyan.
Panganay sa tatlong magkakapatid ang binatang si Jon. Dahil nga sa hirap ng buhay nila noon, bilang panganay, napagpasiyahan niyang magpaubaya sa kaniyang mga kapatid at sila ang pag-aralin habang siya’y nagsimula nang magtrabaho.
Kaya ganoon na lamang ang kaniyang inggit sa pinakamalapit niyang pinsan noon. Nagawa kasi nitong makapasok sa isang unibersidad sa Maynila at nagkaroon ng oportunidad na makapag-aral ng pagpipiloto na pangarap niya noon pa man.
Halos ilang buwan din siyang nagmukmok habang pinipilit na kinukumbinsi ang sariling, “Ayos lang, balang araw, magiging matagumpay din ako sa buhay kahit pa hindi ako nakapag-aral,” na talaga nga namang ginawa niyang inspirasyon upang umasenso sa buhay.
Simula noon, pinutol niya ang komunikasyon sa pinsang si Rodi. Ayaw niya na kasing makarinig ng balita mula rito dahil lumalalim lang ang nararamdaman niyang inggit at doon niya na nga sinimulan ang pagpupursiging makaahon sa hirap.
Bukod sa trabaho niya sa isang hotel bilang isang tagalinis ng mga silid, pinuhunan niya rin sa pagpapautang ang kaniyang unang sweldo na lumago hindi kalaunan. Ilang taon pa ang lumipas, tumaas naman ang kaniyang posisyon sa nasabing hotel dahilan upang tumaas ang kaniyang sahod, kasabay pa nito ang pagtaas ng kaniyang tubo sa pagpapautang na talaga nga namang naging sanhi ng pag-angat niya sa buhay.
Nagawa niyang makapagpatayo ng sariling bahay at madala ang buong pamilya kung saan-saang lugar sa buong Pilipinas kaya ganoon na lang niya pinagmalaki ang sarili nang makitang ang pinsan niyang kinakainggitan noon, isa lang taga-angkat ng gulay ngayon. Ika niya, “Sadyang mapaglaro talaga ang tadhana, kawawang Rodi,” saka siya napangiti, “Mabuti pa ako, kahit hindi nakapagtapos, may sarili ng bahay at lupa, nakakalibot na rin sa buong Pilipinas,” pagyayabang niya pa.
Dumating na nga ang araw ng kanilang pagpunta sa Amerika. Habang pasakay ng eroplano, nasa isipan niya pa rin ang pinsang nag-aangat na lang ng gulay sa ngayon.
“Akala ko pa naman habang-buhay na akong magmumukmok dahil hindi ako nakapag-aral. Mas kamukmok-mukmok pala ang sitwasyon niya ngayon,” sambit niya, bahagya naman siyang napatigil nang magsalita na ang piloto’t sinabing paalis na sila.
“Good morning, passengers, this is Rodi Cardo, your captain, speaking..,” agad siyang nagulat nang marinig ang pangalan ng kaniyang pinsan.
“Te-teka?” sambit niya dahilan upang mapatingin sa kaniya ang kaniyang inang nasa tabi niya.
“Oo, pinsan mo nga ang piloto natin ngayon. Nakasalubong ko siya kanina noong nagbanyo ako, nagmano pa nga sa akin. Nakakatuwa, hindi ba? Pareho na kayong asensado ngayon,” nakangiting sambit ng kaniyang ina habang siya’y hindi pa rin makapaniwala.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na silang nakarating sa Amerika at pababa na sana siya ng eroplano nang saktong lumabas din ang kaniyang pinsan dahilan upang kausapin siya nito.
“Hindi mo kasi ako pinatapos noong nakaraan, eh. Wala akong flight noong araw na ‘yon, eh, ayaw kong walang kitain kaya pumasok muna ako bilang kargador,” kwento nito, “O, paano? Gusto mo ba mag-aral? Sagot kita,” dagdag pa nito na labis niyang ikinagulat.
Doon niya napagtanto ang kabutihang mayroon ito na wala siya. Ganoon na lang siya nakaramdam ng hiya sa sarili dahil sa pagyayabang na naramdaman niya. Kaya naman ganoon na lang niya tinanggihan ang alok ng kaniyang pinsan ngunit kahit pa anong gawin niya, labis siyang pinipilit nito dahilan upang hindi kalaunan, mapapayag na rin siya nito.
Nag-aral nga siya katulad ng pangarap niya dati at ilang taon pa ang lumipas, tuluyan nga siyang nakapagtapos at matagumpay na naging isang piloto.
Ganoon na lang ang pasasalamat niya sa pinsan niyang ito. Humingi rin siya ng tawad dito na naging dahilan upang maging malapit muli silang dalawa.
Ang dating pinsang kinaiinggitan niya, kasama niya na ngayon sa pagpapalipad ng eroplano gaya ng pangarap nila noon.
Madalas, ang tadhana ang sumasampal sa atin upang magising tayo sa katotohanan at kabutihan. Nawa’y maging maingat tayo sa mga paratang na ating sasambitin dahil sa dulo, tiyak tayo rin ang mahihiya para sa ating sarili.