Naghahanap ng Mayamang Nobyo ang Dalaga Upang Makaahon sa Kahirapan, Napagtanto Niyang Hindi Pala Ito ang Kaniyang Kailangan

Naghahanap ng Mayamang Nobyo ang Dalaga Upang Makaahon sa Kahirapan, Napagtanto Niyang Hindi Pala Ito ang Kaniyang Kailangan

InspiringLoveStories

“Hoy, Roxi, may balita ako sa’yo!” tuwang-tuwang bungad ni Aye, isang araw nang madatnan niyang nag-aayos ng sarili ang kaniyang pinsan. 

“O, ano ‘yon? Mukhang magandang balita ‘yan, ha?” nakangiting sagot nito. “Magandang balita talaga, Roxi! Alam mo ba, may nakilala akong lalaki sa bangko, at pakiramdam ko, siya na talaga! Grabe, ang gwapo-gwapo pa at mukhang mayaman!” ganadong kwento niya, habang kekembot-kembot sa harapan ng salamin. 

“Naku, Aye, baka dumagdag lang ‘yan sa mga lalaking bigla mo na lang iniwan sa ere noong nalaman mong mahirap lang, ha?” taas kilay na biro nito. 

“Hindi, Roxi! Sigurado akong mayaman ‘to, kaya hinding-hindi ko iiwan! Kitang-kita sa pananamit niya na may kaya siya!” tugon niya pa sabay kindat sa pinsan. 

“Sana nga, kung hindi, madadagdagan na naman ang lalaking masasaktan mo,” saad ng kaniyang pinsan, “O, paano, una na ako sa’yo, ha? Kailangan ko pa pumasok sa trabaho, d’yan ka na!” dagdag pa nito matapos mag-ayos. Naiwan naman siyang nangangarap sa harap ng salamin, kitang-kita sa kaniyang mga mata ang kasiyahang nararamdaman. 

Mag-isa na sa buhay ang dalagang si Aye. Nasa elementarya pa lang noong siya’y mawalan ng magulang nang dahil sa isang aksidente at simula noon, nakitira na siya sa kaniyang tiyahin. Doon niya nakapalagayan ng loob ang kaniyang pinsang si Roxi na hanggang ngayon, kadikit niya’t kilalang-kilala na siya. 

Dahil nga walang sariling pamilya at hindi naman kayamanan ang kaniyang tiyahin, hindi niya nagawang makatuntong sa kolehiyo. Agad siyang nagtrabaho sa isang restawran pagkatapos niya sa hayskul. Sa murang edad, nakaranas na siya ng hirap at pangmamata ng mga tao dahilan upang itatak niya sa kaniyang isip na kailangan niyang makapangasawa ng isang mayamang lalaki upang makaahon sa hirap buhay. 

Ngunit dahil sa pamantayan niyang ito, hanggang ngayon, wala pa siyang nagiging nobyo dahil kapag nalalaman niyang mahirap ang lalaking kaniyang nakakausap, iniiwasan niya na agad ito. 

Halos dalawang taon na siyang naghahanap ng mayamang lalaki kaya ganoon na lamang ang kaniyang tuwa nang makilala ang isang lalaki sa bangko na si Wilbert. 

Tinuloy-tuloy niya na nga ang pakikipag-usap sa naturang lalaki hanggang sa sagutin na niya ito’t pumasok na sila sa isang seryosong relasyon. Labis ang sayang kaniyang nararamdaman dahil bukod sa lahat ng gusto niya’y nabibili nito, alagang-alaga pa siya nito na ikinatuwa rin naman ng kaniyang pinsan dahil sa wakas, nakatagpo na rin siya ng lalaking pasok sa kaniyang pamantayan at minamahal pa siya nang tunay. 

Ngunit bigla na lamang siyang nagdalawang-isip nang ipakilala na siya ng naturang lalaki sa pamilya nito. Doon niya kasi nalamang hindi pala ito talaga mayaman. Nakatira lamang pala ito sa tabing dagat, panganay sa limang magkakapatid at taga-deliber lamang ng mga gulay sa palengke.

Agad siyang nagpaalam umuwi nang malaman niya ang totoong estado nito sa buhay. Umuwi nga siya sa tinutuluyan niyang bahay at agad na ngumalngal sa kaniyang pinsang nagpapahinga. 

“O, nalaman mo na namang mahirap lang pala ang lalaking nakilala mo?” tanong nito, tumango lang siya saka nagpatuloy sa pag-iyak, “Hay naku, Aye, sabi na nga ba, eh. Anong balak mo ngayon?” dagdag pa nito. 

“Mahal ko siya, Roxi, pero pakiramdam ko, kung siya ang mamahalin ko habang-buhay, tingin ko hindi kami makakaahon sa kahirapan,” nakatungong ika niya.

“Paano mo naman nasabi ‘yan? Nakita mo na ba ang hinaharap mo?” tanong nito sa kaniya, bahagya naman siyang napaisip dahil dito, “Hindi mo ba naisip, Aye, mas masarap sa pakiramdam na magtulungan kayo tapos sabay kayong makakaahon sa kahirapan? Kaysa maghanap ka ng lalaking mayaman, bakit hindi mo siya gawing mayaman? Magsumikap ka, Aye, magtulungan kayo, mahirap na makahanap ng lalaking mayamang aalagaan ka tulad ng pag-aalaga ni Wilbert,” pangaral pa nito sa kaniya na talaga nga namang nakapagpabukas sa sarado niyang pag-iisip. 

Simula noong pag-uusap nilang iyon ng kaniyang pinsan, hindi na naging problema para sa kaniya ang estado sa buhay ng kaniyang nobyo bagkus, nakipagtulungan pa siya dito upang parehas silang kumita at makapag-ipon. 

Sa kabutihang palad, tuluyan silang nakaipong dalawa. Bukod sa pagtatrabaho sa restawran, tinulungan din ni Aye ang nobyo sa pagdedeliber  ng mga gulay sa palengke at hindi naman nagtagal, nagkaroon na silang dalawa ng sariling pwesto sa palengke na naging dahilan nang pag-angat nila unti-unti sa kahirapan. 

Ilang taon pa ang nakalipas, nagawa na nilang makapagpatayo ng sariling grocery store at sariling bahay na labis niyang ikinatuwa. 

Halos mangiyakngiyak siya noong unang pagkakataon niyang makapasok sa kanilang bahay, at doon niya naalala ang sinabi ng kaniyang pinsan dahilan upang labis siyang magpasalamat dito at sa Panginoon. 

“Totoo ngang hindi ko kailangan ng mayamang lalaki, ang kailangan ko, lalaking makakatuwang ko sa hirap ng buhay,” nakangiting sambit niya habang pinagmamasdan ang nobyo niyang kakababa lamang ng kanilang sasakyan. 

Sa buhay, hindi natin kailangan ng kayamanan, ang tanging kailangan natin, taong masasandalan at makakatuwang kahit ano mang hamon ang dumaan sa ating buhay. 

More Stories