Biglang Yaman ang No-Read No-Write na Binata na Mabait, Imbes na Tulungan ay Nilamangan pa Ito ng Kapitbahay; Karma ang Inabot ng Ale

“Oh manghihingi na naman ba ng kaning lamig yang si Popoy?! Naku! Sabihin mo itapon niya muna ang basura dyan! Naha-high blood ako dyan ha kanina ko pa siya hinahap eh hindi mahagilap!” tuloy-tuloy ang bunganga ni Gilda nang marinig mula sa anak na si Marlon na nasa labas ang kapitbahay nilang si Popoy.

“Ay Ma! Hinahanap ka nga! Mahalaga daw!” kamot-ulong sabi ni Marlo habang nakatutok pa rin sa nilalaro nito sa cellphone.

“Hay naku siya ang pumasok!” sabi ni Gilda na nakahilata pa rin sa sofa. Kilala ang ale bilang matabil ang dila, lalo na sa binatang kapitbahay na si Popoy. Bente singko anyos ang binata at ulilang-lubos na, walang napag-aralan kaya bumagsak na utusan nina Gilda at ng anak nito. Walang habas kung utus-utusan, dagukan, at sigawan ni Gilda ang binata. Kasing-edad lang ito ng anak na si Marlo, ngunit ito ang lahat gumagawa halos sa bahay nila kapalit ng kakaunting kanin at ulam araw-araw.

Matapos mura-murahin at batuhin ng tsinelas ng ina ay sumunod naman si Marlo at pinapasok ng bahay si Popoy. Napatayo sa sofa si Gilda nang makitang may kasama itong isang matikas na lalaki na naka-americana.

“Eh.. Aling Gilda? Papatulong sana ako eh, hindi ako maraunong magbasa at sumulat, eh etong si kuya dito may sinasabi tungkol sa titulo at pamana? Sabi ko nga wala akong nanay at tatay, ewan ko ba, kayo na nga ho ang kumausap,” magulong paliwanag ni Popoy.

Tumikhim ang lalaki at nagpakilala bilang Attorney Ramirez. Ayon dito ay si Jefferson Santiago daw o mas kilalang Popoy ay anak ng mag-asawang pumanaw sa isang aksidente isang taon na ang nakalipas. Bago pumanaw ay isinaad ng mga ito sa will and testament na dapat hanapin ang nawawalang anak ng mga ito at ibigay sa kaniya ang lahat ng ari-arian ng mga ito. Nahirapang mahanap agad si Popoy dahil hindi ito pinarehistro ng mga nag-ampon dito, idodonate na lang sana sa mga charity ang lahat ng kayamanan. Ngunit ngayong natagpuan ang binata ay mapapasakamay nito ang ari-arian ng tunay na ama at ina.

Sa lahat ng ito ay gulong-gulo si Popoy. Kahit basurero lang dati ang ina at ama ay mababait ang mga ito, hindi kailanman nabanggit ng mga ito na napulot lang siya ng mga ito nang maligaw siya noong bata pa siya.

Habang si Gilda naman, tila ba naghugis barya ang mata at halos mahilo sa mga nadinig. Pakiramdam niya ay lumulutang siya at ang langit ay nagpapaulan ng sandamakmak na salapi.

Advertisement

“Ay naku mister!” sabi ni Gilda sabay yakap kay Popoy, “mabuti na lang at inalagaan kong mabuti ang batang ito, ako na po ang tumatayong magulang niya ngayon.”

Mabilis na naayos ang mga papeles kaya’t naisalin na kay Popoy ang mga kayamanan. Sa sulsol ni Gilda ay nagpasya si Popoy na ibenta na lang ang mga bahay dahil katwiran niya din ay wala naman siyang pamilyang papatirahin doon, at nasa malalayong lugar iyon.

“Pero, Aling Gilda.. gusto ko rin sanang magpatayo ng bahay para sa akin, dito po sana sa barangay natin para malapit din sa mga kakilala ko.”

Simula naman nang maging mapera si Popoy ay parang prinsipe ito kung itrato ni Gilda. Inabutan naman ito ni Popoy ng malaki-laking salapi, ngunit inis-inis ang ganid na ale dahil tinutulungan ni Attorney Ramirez si Popoy sa lahat ng tungkol sa pinansyal nito. Hindi tuloy siya makakuha ng pera mula dito basta-basta.

Pagdating sa pagpapagawa ng bahay, kay Gilda ipinagkatiwala ni Popoy ang lahat dahil may kilala daw itong mapagkakatiwalaang engineer at mga construction worker. Nagsimula ang pagpapagawa ng bahay isang kanto lang ang lapit sa bahay nila Gilda. Hindi alam ni Popoy na upang makakupit ay tinitipid ni Gilda ang mga tauhan, gayundin, mga mumurahing materyales lang ang ginamit nito. Mabilis na nabuo ang magandang bahay, ngunit ang totoo ay mahina ang pundasyon nito.

Akala ni Gilda ay walang balik sa kaniya ang karma, ngunit nagkamali siya. Isang araw, may kinailangang ayusin si Popoy kasama si Attorney Ramirez kaya naman iniwan nito ang susi sa kanila ni Marlon. Pagpasok sa magarang bahay ay tuwang-tuwa si Gilda sa dami ng laman ng ref at mga tokador. Pinaghahakot nito ang mga mamahaling de lata at dinala sa bahay nito. Katwiran niya ay hindi na iyon mahahalata ni Popoy dahil mahina ang kukote nito.

Gabi na, habang nagpapahinga sa malambot ng sofa katapat ng malaking tv, biglang nakaramdam si Gilda ng pag-ugong. Pati si Marlon ay napatigil sa paglalaro sa cellphone nang lumakas ang pagyanig. Nagsibasagan ang mga bintana, pumutok ang mga ilaw, at unti-unting gumuho ang mga pader.

Malakas na sigaw na lamang ang nagawa ni Gilda bago sila tuluyang natabunan ng mga bato nang gumuho ang bagong bahay. Nagkaroon pala ng lindol sa lugar nila, hindi makapaniwala si Popoy nang madatnan ang bagong bahay na tumpok na lang ng mga bato.

Advertisement

Ang ibang bahay ay hindi natupok, ang kaniya lang ang nasira. Sabi ay dahil daw mahihina ang materyales na binili at minadali ang paggawa noon. Napag-alaman ni Popoy ang laki ng halagang nakupit ni Gilda sa pagpapagawa ng bahay na iyon.

Gayunpaman, si Popoy pa rin ang sumagot sa lahat ng gastusin ng mag-ina sa ospital. Naligtas ang kanilang mga buhay, ngunit sa malas ay kinailangang putulin ang mga paa ni Marlon. Sising-sisi ang ale nang mapagtanto kung ano ang nangyari.

“Patawarin mo ko anak! Kung hindi sana ako naging ganid sa salapi…” histerikal si Gilda habang walang imik na lumuluha ang lumpong si Marlon.

“Salamat Popoy, at sana mapatawad mo din ako sa ginawa ko,” sabi ni Gilda na umiiyak pa rin.

Maluwang na binigay ni Popoy ang pagpapatawad sa ale. Likas na mabuti ang puso nito dahil tinulungan niya pa ring makabangon ang mag-ina. Ngunit ngayon, natutunan niyang hindi siya dapat lubos na magpasilaw sa salapi dahil ang laging dulo niyon ay pagsisisi, bagkus dapat siyang matuto upang magamit niya iyon sa mabuti.