Si Mina ay kasalukuyang nag-aaral sa isang pribadong paaralan sa Maynila. Maraming nakakakilala sa kanya sapagkat bukod sa pagiging mabait, maganda at mayaman, ay isa din siya sa mga top students sa kanilang paaralan. Maraming humahanga sa kanya dahil hindi rin siya mayabang sa kabila ng atensiyong nakukuha niya. Parati rin siyang sunod sa uso, mula sa damit at sapatos hanggang sa mga bag at gadgets na gamit niya.
“Ang ganda naman ng shoes mo. Bagong bili?” Tanong ng kaklase niya.
“Oo, binili ng daddy ko sa’kin kahapon,” sagot naman niya dito. Agad naman nagkumpulan ang mga kaklase niyang babae upang makiusiyoso sa bago niyang sapatos.
“Wow! ‘Di ba ito yung bagong labas na model ng cellphone?” Narinig niyang tanong ng kaklase niya kay Ruby mula sa kabilang panig ng classroom nila.
“Oo, ang linaw ng kamera nito, tara picture picture tayo.” Yaya naman ni Ruby sa kanyang mga kaklase. Sa isang iglap ay nawala sa kanyang ang atensiyon ng lahat at nabaling dito. Lingid sa kaalaman ng mga ito ay lihim niyang itinatago ang labis na pagkainis at inggit dahil nawala sa kanya ang atensiyon ng mga kaklase. “Mina, tara picture tayo!” Papunta na siya dito nang may bumangga sa kanya dahilan upang madumihan ang bago niyang sapatos. Natapon lang naman sa paanan niya ang basurang bitbit nito.
“Ano ba naman yan?! Tumingin nga kayo sa dinadaanan niyo!”
“Sensya na anak–“
“Huwag nga kayong maingay!” saway ni Mina sa ama.
“Mang Karding! Ay ano hong nangyari?” Tanong ng papalapit na si Ruby.
“Ah wala nabangga ko kasi si Mang Karding,” nakangiting tugon niya dito, halatang kinabahan dahil baka narinig nito.
“Ikaw Mina, grabe ka talaga kay manong! Tara po sali kayo samin, picture picture tayo.” Hila pa ng isa niyang kaklase dito.
“Naku mga anak, ‘wag na lang at amoy pawis ako,” tanggi naman nito.
“Mang Karding naman, ‘di naman po kayo maaamoy sa picture e,” nagtawanan ang mga kaklase niya sa birong iyon ni Ruby.
“Huwag niyo na nga pilitin! ‘Di ba kayo nandidiri?” pairap na sabi ni Mina sabay talikod sa mga ito.
Mayayaman man ang mga nag-aaral doon ay hindi naging hadlang iyon upang maging malapit sa mga estudyante ang nasabing janitor. Napakabait kasi nito at laging nagbibigay payo na para bang isang tunay na ama. Sa lahat ay si Mina lang ang mainit ang dugo sa janitor na ito.
Labis ang pag-aalala ng mga estudyante nang napansing nanghihina at tila ba may iniinda ang matanda. Ngunit sa tuwing tatanungin nila ito ay ‘okay lang’ ang palagi nitong sagot.
Hanggang isang araw ay hindi na ito pumasok. Dahil dito nagpasya ang magkakaklase na kunin ang address nito mula sa school upang mapuntahan nila ito. Nag-alala sila nang malamang nasa ospital ito, kaya duon na sila dumiretso pagkatapos ng klase.
Pagdating sa pampublikong ospital, nagulat sila nang maabutan sa kwarto ng janitor si Mina. Mukha rin itong nabuhusan ng malamig na tubig nang makita sila.
“Mina? Ba’t ka nandito? Lagi kang umuuwi ng maaga kasi sabi mo may sakit ang dad mo,” nagtatakang tanong ni Ruby.
Mas nanaig kay Mina ang takot para sa buhay ng ama kaysa sa kaniyang hiya. Inamin niya sa mga gulat na gulat na kaibigan ang totoo. Naawa ang mayayamang magkakaibigan kay Mina at sa mabait na janitor. Nag-iyakan ang magkakaibigan dahil sa pagluha rin ni Mina. Hindi pa rin daw kasi gumigising si Mang Karding simula kahapon. Nagpaabot ng tulong ang magkakaibigan sa mag-ama.
“Kamusta po kayo?” Tanong dito ni Mina nang magising ito. “Nasa ospital po kayo, sinugod daw kayo ng mga kapitbahay nang mawalan kayo ng malay sa kalye,” sabi niya pa dito nang tumingin ito sa paligid.
“Ospital ba kamo? Aba’y wala tayong ipambabayad dito, uuwi na lamang ako at mabuti na naman ang pakiramdam ko.”
“Tatay naman! Na over fatigue daw kayo sabi ng doktor, anemic din daw kayo,” pilit niyang pinahiga muli ang ama nang aktong tatanggalin nito ang nakalagay ditong dextrose. “At saka nandito po yung mga kaklase ko kanina, sinagot na po nila ung bayarin dito sa ospital,” malumanay nang sabi niya dito.
“Patawad anak, kasalanan kong nalaman nila ang totoo…” napuno ng pag-aalala ang mukha ng matanda.
Pinagmasdan niya ang ama, at napansin niyang maputla at nangangayayat na nga ito. Simula nang mawala ang kanyang ina ay mag-isa na siyang itinaguyod nito. Minahal at inalagaan siya nito nang lubusan. Ibinigay lahat sa kanya ang mga layaw niya. Lagi siya nitong inaalala sa lahat ng pagkakataon, ngunit ano ang isinukli niya dito?
“Hindi ‘tay.. patawad dahil ikinahiya ko kayo. Naging masama akong anak sa inyo, sana po mapatawad niyo ako.
Nahihiya siya dito. Naging napakaarte niya na pala at sarili niya lang ang iniisip niya, hindi niya alam na labis na palang binubugbog ng ama ang katawan sa trabaho masunod lang ang luho niya tapos ay nagagalit pa siya dito minsan. Bigla ang suntok sa kanya ng konsiyensya nang mapagtanto niyang na dahil sa kanya kaya ito nagkasakit. Dito niya nalaman na mas mahalaga ang buhay ng ama kaysa sa anumang materyal na bagay.
Nang dahil dito, walang sabi-sabing ibinentang lahat ni Mina ang mga mamahalin niyang gamit para sa pagpapagamot ng ama. Mga gamit na pinag-ipunan ng ama mabili lang para sa kanya at yung mga gamit na binili niya galing sa sariling bulsa mula sa pagsali-sali sa pageant at pagtu-tutor. Dito niya din napansin na ni minsan pala ay hindi niya man lang nabilhan kahit isang T-shirt ang ama. Labis siyang nagsisisi at naawa dito.
“Oh ano ‘to, anak?” Tanong nito habang sabik na binubuksan ang binili niyang regalo para dito. “Ang dami namang T-shirt nito anak aba at may pantalon pa!”
“Naku ‘tay meron pa, ito po galing sa mga kaklase ko, ipinaabot po sakin nang malamang birthday niyo,” sabay abot dito ng iba pang regalo. Akala niya huhusgahan siya ng mga ito kapag nalaman ang totoo niyang katauhan, mali pala siya, siya ang naging mapanghusga. Napakarami niyang natutunan sa pangyayaring ito.
Simula noon, naging mapagmahal na anak si Mina, naging totoo na rin siya kanyang sarili. Hindi na rin siya naging ganid sa atensiyon ng mga tao. Basta siya ay pinagbubuti niya ang pag-aaral para mapaganda ang kinabukasan niya at ng kanyang ama. Kung dati ay ayaw na ayaw niya itong sinasabayan sa pagpasok sa eskwela, ngayon proud na siyang sabihin sa lahat na ito ang ama niya. Marangal itong tao, dapat niya lang ipagmalaki ang taong nagpuspos sa kaniya ng pagmamahal at kalinga.