Palaging Iniinis ng Kababata ang Dalaga Tuwing Nakatatanggap ng Regalo, Nabigla Siya nang Malaman kung Kanina Ito Galing

“Ang laki namang teddy bear niyan! Saan mo nabili ‘yan, Joan? Mukhang mamahalin ‘yan, ha? Ganyan ka na ba kadesperadang magkanobyo? Kaya bumili ka ng teddy bear na kasing laki mo para kunyari may nobyo ka na?” sunod-sunod na biro ni Julian sa matalik na kaibigan, isang umaga nang dalawin niya ito sa bahay at isang malaking teddy bear ang tumambad sa kaniya.

“Alam mo, kung pumunta ka lang dito para inisin ako, umuwi ka na lang! Walang araw na hindi mo ako binubwisit!” inis na sagot ni Joan sa kaibigan habang patuloy sa pagwawalis ng sahig.

“Eh, saan mo ba kasi nabili ‘yan? Magkano nagastos mo?” pang-uusisa pa nito na labis niyang ikinarindi.

“Hindi ko ‘yan binili! May nagbigay lang, hindi ko alam kung sino! Ayos ka na? Masaya ka nang usisero ka?” pangbabara niya rito, buong akala niyang tatahimik na ito ngunit bigla itong humagalpak ng tawa.

“Ay, may secret admirer ang kababata ko! Nakanang, ang ganda mo naman! Anong gayuma gamit mo?” pang-iinis pa nito dahilan upang siya’y tuluyan nang mapikon.

“Ayaw mo akong tigilan?” babala niya rito saka niya itinaas ang hawak na walis tambo at ito’y hinabol hanggang sa makalabas ng kanilang bahay, “Lumayas ka rito! Dalian mo! Lagi mo na lang akong ginigil, bwisit ka!” sigaw niya pa habang tawa nang tawa ang naturang binata. 

Walang araw na hindi dinadalaw ng kaniyang kababata ang dalagang si Joan upang inisin lang. Sa tuwing makikita niya tuloy ito, agad na siyang naiinis kahit wala pa itong ginagawa o sinasabi sa kaniya.

Sa katunayan, simula nang makilala niya ito, dalawang dekada na ang nakalilipas, wala na itong ginawa kung hindi ang biruin siya hanggang siya’y mapikon at magsumbong sa nanay niya.

Advertisement

Hanggang ngayong sila’y may sari-sarili nang trabaho, hindi pa rin ito tumitigil sa pang-aasar sa kaniya. Lalo pa ngayong may natatanggap siyang mga regalo galing sa hindi kilalang tao.

Kapag nakikita ng kaniyang kababata ang mga regalong bigay sa kaniya, palaging sinasabi nito, “Niregaluhan mo na naman ang sarili mo para kunwari, may nagkakagusto sa’yo? Naku, bulok na ang istilo mong ‘yan! Tanggapin mo nang walang nagkakagusto sa’yo, makakatipid ka pa!” dahilan upang ganoon na lang siya mainis dito.

Kinagabihan noong araw na hinabol niya ng walis ang kaibigan, mayroon na namang dumating na parsela sa kanilang bahay.

“Joan, may parsela ka na naman! Ganoon na ba kalaki ang sinasahod mo para araw-araw kang may binibiling gamit?” tanong ng kaniyang ina sa kaniya.

“Mama, hindi ko nga po ‘yan binibili, hindi ko po alam kung sino ang nagpapadala,” tugon niya rito habang nagmamadaling bumaba sa kaniyang silid.

“Eh, bakit sabi ni Julian, ikaw lang daw ang bumibili niyan?” tanong pa nito.

“Kilala mo naman ‘yon, mama, eh, hindi mabubuhay ‘yon nang hindi ako iniinis!” sagot niya.

“Baka naman totoo ang sinasabi niya?” biro nito na lalo niyang ikinainis.

Advertisement

“Mama naman!” sigaw niya saka tuluyang lumabas ng kanilang bahay.

Pagkalabas niya ng kanilang bahay, tumambad sa kaniya ang matalik niyang kaibigan. May hawak itong pulang rosas at pulang mga lobo. Nakasuot ito nang magarang damit habang nakangiti sa kaniya.

“Anong kalokohan na naman ito, ha? Sasabihin mo, binayaran kita para gawin ‘to?” inis niyang tanong dito.

“Umamin na ako sa mama mo, eh, at sabi niya, mas maiging umamin na ako sa’yo hangga’t maaga pa kasi baka bukas, kutsilyo na ang humabol sa akin dahil sa pagkapikon mo,” patawa-tawang sambit nito dahilan upang mapatingin siya sa nanay niyang nasa kaniyang likuran at tila kilig na kilig.

“Anong ibig mong sabihin? Huwag mo akong pag-tripan, ha!” sigaw niya rito.

“Sa akin lahat nanggagaling ang mga regalong natatanggap mo. Simula pa noong unang magkita tayo, naging crush na agad kita, Joan. Madalas kitang iniinis dahil doon ko nakukuha ang atensyon mo. Lalo ka pang gumaganda kapag napipikon ka na,” diretsahang sambit nito dahilan upang makaramdam siya nang pag-init ng mukha, “O, ako lang ‘to, huwag kang masyadong kiligin!” dagdag pa nito na ikinatawa niya.

At doon na nga unti-unting nahulog ang loob niya sa kababata niyang ito. Lalo niya itong nakilala nang manligaw na ito sa kaniya. Araw-araw siya nitong pinaglulutuan ng pagkain, hinahatid sundo sa trabaho at tinutulungan sa paglilinis ng bahay ang kaniyang ina dahilan upang hindi kalaunan, tuluyan na siyang mapamahal dito.

Hindi man niya lubos akalaing ang lokong kababata ang makakatuluyan niya, sobrang saya niya dahil sigurado siyang mahal siya nito.