Nahuli ng Ginang na may Kabit ang Asawa, Tapang ang Pinuhunan Niya Upang Makaalis sa Buhay Nito

“May problema ka ba, Via? Gabing-gabi na, nagyayaya ka pang mag-inom! Baka akala mo, mga dalaga pa tayo, ha? Parehas na tayong kasal at may anak, hindi na tayo pupwedeng sige nang sige kapag may nag-aya!” sigaw ni Cess sa kaibigan nang madatnan niya ito sa kanilang tambayan.

“E ‘di sana, hindi ka pumunta. Ang dami mong reklamo,” masungit na sagot ni Via saka tumungga ng alak. 

“Ito naman, hindi mabiro! Ano bang problema mo? Ilang beer ba ang maiinom natin sa laki ng problema mo?” tanong nito.

“Panigurado kulang ang sampung bote ng beer,” sagot niya dahilan upang mapabuntong-hininga ito.

“Diyos ko, mukhang sobrang bigat niyan, ha? Simulan mo na kaya magkwento?” sambit nito.

“Marami akong nakitang resibo sa bag ng asawa ko. Resibo ng motel, hotel, restawran, department store, at kung anu-ano pang resibo na wala namang kinalaman sa akin. Saktong sa isang motel na pinuntahan niya nagtatrabaho ang anak ng kumare ko, at ayon, doon ko nakumpirma may ibang babae siyang dinadala roon,” kwento niya habang pigil-pigil ang kaniyang mga luha.

“Sigurado ka ba riyan?” tanong nito. “Oo, kilala ko ang babae. Dati niyang nobya pero may asawa’t anak na rin ngayon,” tugon niya saka muling tumungga ng alak.

“Anong balak mo?” pang-uusisa nito.

Advertisement

“Wala pa, kaya gusto kong mag-inom,” tupid niyang sagot saka na tuluyang humagulgol.

Isang simple, masipag at masiyahing may bahay ang ginang na si Via. Ginagawa niya ang lahat upang matugunan ang kaniyang mga responsibilidad bilang isang asawa sa isang abalang negosiyante at anak na tatlong taong gulang.

Buong puso niyang inalay ang sarili sa asawa nang sila’y ikasal. Pinutol niya ang kaniyang bisyo noong siya’y nag-aaral pa partikular na ang palagiang pag-inom upang maalagaang mabuti ang kaniyang mag-ama.

Ngunit, ang kagalakan niya sa pagsisilbi sa kaniyang maliit na pamilya ay bigla na lang nawala nang matuklasan niya ang kalokohang ginagawa ng kaniyang asawa. 

Minsang napaglaruan ng kanilang anak ang bag ng kaniyang asawa na matagal na niyang hindi nakikita, isang araw habang ito’y nasa trabaho. Sa sobrang pagtataka niya kung bakit ngayon lang lumabas ang bag na ito, inusisa niya ang mga laman nitong piraso ng papel na nakita niyang sinasabog ng kaniyang anak sa kanilang bahay.

At ganoon na lang tumigil ang mundo niya nang makita niyang mga resibo ito ng mga transaksyong hindi niya alam. Nang lubos niya itong usisain, doon niya nakumpirmang may ibang babae ang kaniyang asawa.

Noong gabing iyon, habang nagpapakalango sila ng kaniyang kaibigan, bigla na lang pumasok sa isip niyang tawagan ang asawa ng babae ng kaniyang asawa upang isumbong ang katiwaliang ginagawa ng dalawa. Hindi man ito makapaniwala sa balita niya, agad siya nitong pinuntahan upang maklaro ang mga bagay-bagay.

Doon na niya pinakita ang mga resibong nakita niya at wika nito, “Iyan ang mga lugar na pinapaalam niya sa akin sa tuwing aalis siya. Sabi niya, kasama niya ang mga kaibigan niya noong hayskul,” dahilan upang siya’y lalong manlamig sa galit, “May naiisip ka bang pupwedeng gawin para mahuli sila sa akto? Nabanggit sa akin ng asawa ko na kakain daw sila ng kumare niya sa isang restawran sa BGC bukas ng gabi, gusto mo bang…” hindi na niya pinatapos ang lalaking ito at agad na niyang sinambit ang naisip niyang paraan.

Advertisement

“Hulihin natin sila roon. Ipa-reserve natin ang lamesa sa tabi nila,” agad niyang sagot dahilan upang mabulunan ang kaibigan niyang nakikinig lang sa kanilang usapan.

Ginawa nga nila ang planong iyon at kinagabihan, nagbihis dalaga siya bago pumunta sa restawrang iyon. Naglagay siya ng make-up, nagkulot ng buhok at nagsuot ng bestidang hapit sa kaniyang katawan dahilan upang ganoon na lang siya sundan ng tingin ng asawa niyang kasamang kumakain ang ginang na iyon hanggang siya’y makaupo sa katabi nitong lamesa kasama ang asawa ng naturang ginang.

“A-anong ginagawa mo rito, Via?” uutal-utal na tanong nito sa kaniya habang umiiwas ng tingin ang kasama nitong ginang na patuloy na kumakain ng karne.

“Hindi ba dapat ako ang magtanong niyan? Wala ba talagang makatatalo sa first love?” pangbabara niya rito habang nakangisi.

“Magpapaliwanag ako, Via,” pagmamakaawa nito.

“Huli na ang lahat, nasa labas na ng restawrang ito ang mga gamit mo. Nakalimutan mo yatang sa akin ang bahay na tinutuluyan mo. Wala ka na ring trabaho, pinatanggal na kita sa kapatid ko,” balita niya rito habang hinihiwa ang karneng kaniyang in-order dahilan upang maiyak na lang ito sa labis na pagsisisi. 

Hinila naman palabas ng lalaking kasama niya ang asawa nito dahilan upang lalo siyang mapangisi.

Nanginginig man siya sa kaba at sa sakit na nararamdaman, ginawa niya ang bagay na sa tingin niyang makabubuti sa kaniya at sa kaniyang walang muwang na anak.

Advertisement

Hindi man madali ang buhay ng isang mag-isang magulang, tiniis niya ang lahat simula noon upang maalagaang mabuti ang kaniyang anak.