Nagkagusto ang Dalagang Ito sa Binatang Amo, Posible Nga Ba Silang Magkatuluyan?

“Hoy, Jelay, ang lagkit ng tingin sa’yo si sir kanina bago siya umalis, ha? May namamagitan ba sa inyong dalawa? Ikaw, ha! Magaling kang pumili!” sigaw ni Bina sa katrabahong nagdidilig ng halaman sa harap ng mansyong kanilang pinagtatrababuhan.

“Umayos ka nga, Bina! Marinig ka ni madam! Baka mamaya pagalitan pa ako noon dahil sa maling hinala mo sa amin ng anak niya!” bulyaw ni Jelay sa kapwa kasambahay saka niya ito bahagyang winisikan ng tubig upang tumahimik.

“Anong mali? Eh, halatang-halata naman na may gusto na sa’yo si sir at lalo’t higit, deds na deds ka na rin sa kagwapuhan niya!” nguso pa nito dahilan upang siya’y mapailing.

“Tama ka, nahulog na nga talaga ako sa kagwapuhan ni sir pero, Diyos ko naman, Bina, malabong magkagusto ‘yon sa isang kasambahay na katulad ko! Bukod sa araw-araw amoy sabong panlaba, wala pa akong binatbat sa mga dalagang nakakasama niya sa trabaho na sumobra ang kagandahan!” tugon niya rito habang inaalala ang mga litratong nakita niya sa silid nito na may kasamang naggagandahang babae.

“Eh, paano kung gusto ka niya talaga?” panunukso nito na bahagya niyang ikinainis.

“Ano ka ba? Tumigil ka nga! Napakaimposible! Magtrabaho ka na riyan!” sambit niya rito saka niya ito tuluyang binasa ng tubig dahilan upang siya’y tigilan nito at tumakbo papasok ng mansyon.

Kasambahay sa isang mansyon ang dalagang si Jelay. Labing limang taong gulang pa lamang siya noong nagsimula siyang magtrabaho rito kasama ang kaniyang ina at simula noong unang araw niya rito, nahulog na kaagad ang loob niya sa kaisa-isang anak ng milyonaryang ginang na naninirahan dito.

Sa katunayan, ito ang bukod sa kaniyang pamilya, ang binatang ito ang kaniyang ginagawang inspirasyon upang magpatuloy sa paninilbihan dito. Makita niya lang ang kakisigan nito, tila ba nawawala ang kaniyang pagod at napapalitan agad ng kilig.

Advertisement

Ngayong dalawampu’t limang taong gulang na, siya pa rin ay naninilbihan dito kahit hindi na nagtatrabaho rito ang kaniyang ina dahil sa iniinda nitong sakit sa baga. Mahirap man ang trabaho dahil halos gabi lang ang pahinga niya sa paglilinis ng bahay kasama ang ilan pang kasambahay, siya’y labis na nagtitiis upang mapagamot ang ina. 

Lalo naman siyang naging inspirado sa pagtatrabaho nang mapansin niyang tila nagkakagusto sa kaniya ang binatang amo. Ngunit dahil nga ibang-iba ang estado nila sa buhay, tinatanggal niya sa isipan niya ang panaginip na ito.

Wika niya pa, “Bakit ba ako umaasa at nagpapaniwalang may gusto sa akin si sir? Sino ba naman ang magkakagusto sa isang katulong na katulad ko? Saka, wala naman kami sa teleserye para magkatuluyan kami! Diyos ko, Jelay, gumising ka sa kahibangan mo!” 

Kaya naman noong araw na ‘yon, kinikilig man siya sa sinabi ng kapwa katulong, inialis niya sa isip ang kalokohang iyon at patuloy na nagtrabaho sa loob ng mansyon.

Ngunit nang linisin na niya ang silid ng pinakaamo nilang ginang, nabigla siya nang sabihin nitong, “May gusto ka raw sa anak ko, Jelay? Totoo ba ‘yon?” dahilan upang siya’y labis na kabahan.

Hindi niya alam ang isasagot dahilan upang siya’y mapatungo lamang.

“Tama ako, ano? Mabuti naman kung ganoon kasi gusto ka rin ng anak ko, torpe lang iyon at masyadong abala sa trabaho,” nakangiting sambit nito dahilan upang labis siyang mabigla.

“A-ano pong sabi niyo? Nagbibiro po ba kayo? Ako po, magugustuhan ni sir? Payag po kayo?” dire-diretso niyang tanong dito dahilan upang ito’y lalong mapangiti at tanggalin sa kamay niya ang hawak na walis tambo saka siya inayang umupo sa sofa.

Advertisement

“Alam mo, napakaganda mo, maganda ka na sa panlabas na anyo, mabuti pa ang kalooban mo, masipag ka at responsable. Kaya, hindi na ako nagtaka nang sabihin sa akin ng anak ko na gusto ka niya at kung akala mo, pipigilan ko kayo dahil sa magkaibang estado niyo sa buhay, nagkakamali ka. Sobra-sobra na ang perang mayroon kami ng anak ko, ang kailangan namin, taong magmamahal sa amin at kayo iyon ng nanay mong tapat din sa amin,” sambit pa nito na labis na ikinataba ng kaniyang puso.

Mayamaya pa, dumating na ang binata niyang amo, may bitbit itong bulaklak at tsokolate saka inaabot sa kaniya.

“Mukhang inunahan na ako ni mommy, ha? Pero, tatanungin pa rin kita, pwede ba kitang ligawan?” tanong nito dahilan upang halos maihi siya sa sobrang kilig. Tumango-tango lang siya saka tinanggap ang bigay nito, “Hindi bagay sa’yo na magbitbit ng walis tambo, kaya gusto ko sanang ipadala sa’yo ang apilido ko balang araw,” dagdag pa nito na labis niya pang ikinakilig. Pati amo niyang babae, nagtatatalon sa tuwa.

At doon na nga nagsimula ang pagmamahalan nilang mala-teleserye. Magkaiba man ang estado nila sa buhay, hindi ito naging hadlang sa kanilang pagmamahalan.