Nanggagalaiti ang Ginang na Ito sa Kaibigan ng Anak, Napahiya Siya nang Ito’y Sermunan Niya

“Jimmy! Bakit wala na namang laman ang kaldero, ha? Hindi pa kami kumakain ng tatay mo!” sigaw ni Amy sa kaniyang panganay na anak, isang hapon nang makita niyang tira-tira na ang natira sa kaniyang lamesa. 

“Ay, akala ko po nakakain na po kayo ni tatay kaya po inubos na namin ni Julio ‘yong tirang pagkain ng mga bata d’yan sa lamesa. Alas tres na rin po kasi ng hapon, mama, kaya akala ko po, nakakain na kayo,” sagot nito dahilan upang agad na mag-init ang kaniyang ulo.

“Sinasabi ko na nga ba, eh! Iyang si Julio na naman ang salarin sa pagkain ng pagkain natin! Wala bang pamilya ‘yon, ha? Palagi na ngang nandito sa bahay natin, palagi pang nagbibigay ng kunsumisyon dito! Kung hindi makikikain, makakasira ng gamit sa bahay natin!” sermon niya pa sa anak.

“Mama, naman, si Julio na nga lang ang kaibigan ko, eh, ganiyan ka pa sa kaniya. May pamilya naman siya, kaya lang, nasa Maynila kaya lagi siyang nandito sa atin. Saka, hindi naman nuya sinasadya ‘yong mga nagagawa niyang kapalpakan dito sa atin,” paliwanag pa nito na lalo niyang ikinainis. 

“Ewan ko sa’yo! Hindi ka marunong pumili ng kaibigan! Makita ko pa ‘yan dito, mapapahiya talaga ‘yan!” pagbabanta niya rito dahilan upang ito’y manahimik na lang at bumalik sa sariling silid para magtrabaho.

Mainit ang dugo ng ginang na si Amy sa matalik na kaibigan ng panganay niyang anak. Maayos naman ang pakikitungo niya rito noong una, kaya lang, nang magtagal, napansin na niyang halos hindi na ito umuuwi ng sariling bahay, nakikigamit ng kanilang kompyuter, nakikisalo sa kanilang pagkain, sumasama kung saan sila magpunta at kung minsan pa, nakasisira ng kanilang gamit dahilan upang labis na siyang maalibadbaran sa presensya nito sa kanilang bahay.

Sa katunayan, nabasag ng binatang ito ang bagong bili niyang plato habang ito’y naghuhugas ng kanilang pinagkainan. May pagkakataon pang naiiwan nitong bukas ang kanilang refrigerator at gripo dahilan para ganoon na lang tumaas ang bayarin nila sa kuryente at tubig. Wika niya halos araw-araw, “Perwisyo talaga sa bahay na ‘to ang binatang ‘yan, eh!”

Ngunit dahil nga ang panganay na anak na niya ang halos gumagastos sa lahat ng bayarin sa kanilang bahay, hindi niya magawang pagalitan ang binatang ito lalo na kapag nakikiusap ang kaniyang anak na huwag niya itong sermunan.

Advertisement

Kahit pa ganoon, hindi niya pa rin matiis na hindi ito pagsalitaan lalo na sa tuwing nauubusan siya ng pagkain. May pagkamasiba kasi ito dahilan upang madalas, palagi siyang mawalan ng pagkain at magtiis sa lutong ulam na nabibili sa kanto.

Pagkatapos niyang sermunan ang anak noong araw na ‘yon, agad siya nitong binigyan ng pera upang bumili ng makakain sa labas. Wika pa nito, “Pasensiya na po kayo, mama, ha? Para makapagrelax po kayo, mag-outing po tayo bukas, gusto niyo? Sakto po at wala po akong pasok! Matutuloy na natin ang plano nating mag-Batangas!” dahilan para agad na magliwanag ang kaniyang mga mata at maglaho ang galit na umaapoy sa katawan niya. 

“Gustong-gusto!” tipid niyang sagot saka agad na itong ibinalita sa buong mag-anak.

Kinabukasan, maaga siyang nagising upang ihanda ang kanilang mga kailangan at nang masigurado na niyang kumpleto na ang kanilang mga gamit at makakain, sumakay na siya sa sasakyang nag-aabang sa kanilang tapat kasama ng kaniyang asawa at dalawa pang mga anak.

Ngunit, biglang napataas ang kilay niya nang sumakay ang matalik na kaibigan ng kaniyang anak.

“Sasama ka rin sa amin?” mataray niyang tanong dito pagkasakay na pagkasakay nito, tumango lang ito habang nakangiti dahilan upang siya’y mag-alburoto, “Wala ka ba talagang pamilya? Family outing namin ito, o, pati rito kasama ka? Hindi ka ba man lang nahihiya na ikaw lang ang hindi kapamilya rito?” inis niyang tanong dito, awatin man siya ng kaniyang asawa, patuloy pa rin ang pagdakdak niya rito.

“Hindi po ako nahihiya, tita, pasensiya na po. Iyong pupuntahan po kasi natin sa Batangas, pagmamay-ari po namin ‘yon. Itong sasakyan pong ito, sa akin po ito. May pamilya naman po ako kaso, abala sa negosyo sa Maynila,” malumanay na sagot nito dahilan upang naisin niyang lumubog sa lupa dahil sa kahihiyan. 

“Ah, eh, pasensiya ka na,” uutal-utal niyang sambit saka agad na bumaba para tanungin ang anak na nasa nagkakandado pa ng bahay. 

Advertisement

Ikinuwento niya rito ang nangyari at ganoon na lang ito nagalit sa kaniya. Doon niya pa nalamang, ito ang amo ng kaniyang anak sa trabaho at nagbibigay din pala ng pera ang binatang ito sa pagkain, kuryente at tubig na nagagamit nito sa tuwing mamamalagi sa kanilang bahay dahil ito’y nahihiya sa perwisyong naidudulot.

“Ayaw niya lang ipasabi dahil ayaw niyang malaman nino man kung gaano siya kayaman,” sambit nito na ikinabigla niya lalo.

Tumuloy pa rin sila sa nasabing outing at simula noon, maayos na niyang pinakitunguhan ang binata. Hindi dahil sa pera nito, kung hindi dahil sa kabaitang mayroon ito para sa kanilang pamilya lalo na sa kaniyang anak.