Grabeng Pasakit ang Pinaranas ng Babae sa Sariling Ina; Hindi Siya Makapaniwala sa Ganting Ginawa Nito Pabalik sa Kaniya

Sabi nila, ang isa raw sa pinakamalaking kasalanang pwedeng gawin ng isang anak sa kaniyang magulang ay ang saktan at paluhain ito.

Sa tuwing sumasagi ang mga bagay na iyon sa isip ni Glecy ay hindi niya maiwasan na malungkot. Nagkaroon kasi ng panahon na nasaktan at napaluha rin niya ang kaniyang magulang.

First year college pa lamang siya noon sa kursong Business Administration major in Financial Management ay sakit na kaagad siya sa ulo. Imbes na unahin ang pag-aaral, inuna niya ang barkada.

“Ano, saan ang gala natin ngayon?” tanong ng isang kaibigan.

“Sa Taft na lang tayo. Inom na lang tayo para mas masaya!” sigaw pa ni Glecy.

Gala, cutting classes, barkada, ganoon ang naging buhay ng dalaga, ang kinahinatnan? Bagsak ang mga subjects niya.

“Diyos ko po. Paano ko ba ito lulusutan? Paano ko sasabihin kay mama na bagsak-bagsak ako? Hay!” problemadong tanong ng babae sa sarili.

Halos hindi na siya makakakain nang maayos at hindi mapakali dahil sa gusot na pinasok. Pero wala naman din siyang ibang puwedeng gawin kundi ang aminin ang totoo.

Advertisement

“Mama… may mga bagsak po ako. Kailangan ko po mag enrol para sa summer class,” nahihiyang sabi ni Glecy.

Napatahimik ang ginang nang marinig iyon. Pero kahit na bakas sa mukha ang kalungkutan sa mukha, pilit itong ngumiti at nagsalita:

“Okay, sige, anak. Walang problema. Sa susunod iwasan muna ang pagsama-sama sa barkada ha? Magfocus ka muna sa pag-aaral dahil mas importante iyon,” kalmadong sabi ng ginang.

Tila ba nabunutan ng tinik sa lalamunan si Glecy. Akala kasi niya’y sesermunan siya ng ina. Taliwas ang ipinakitang reaksyon nito sa kaniyang inaakala.

Magmula nang mangyari iyon, mas ginalingan ng dalaga ang kaniyang pag-aaral. Iniwasan niya ang barkada at bisyo at tinupad ang pangako sa ina.

Dahil sa pagsusumikap, nakatapos si Glecy at nagkaroon ng maayos na trabaho. Plano niyang tuparin ang mga ipinangako sa magulang. Pero bago pa man matupad ang ipinangakong plano sa magulang, panibagong pangyayari ang muling babago sa buhay niya.

Nakilala ni Glecy si Arnold, katrabaho at kaibigan. Pinormahan siya nito at hindi nagtagal ay naging magkasintahan sila. Ang binata ang kauna-unahang kasintahan niya.

Tinanggap naman ng pamilya ng dalaga ang lalaki. Naging maayos naman ang kanilang relasyon, ngunit sa ikalawang taon nila, malaki ang pinagbago ni Glecy.

Advertisement

“Bakit sumasagot ka na ngayon, Glecy ha? Hindi ka naman ganiyan dati! Wala ka nang respeto sa nakakatanda sa’yo!” galit na sabi ng ina ng dalaga.

“Bakit ba? Lahat na lang sa buhay ko pinuna n’yo! Lahat na lang pinansin ninyo! Ano na? Buhay ko pa ba ‘to?” pabalang na sagot ni Glecy sabay kalabog ng pintuan.

Naging ganoon ang babae marahil ganoon ang nakikita niyang asal sa nobyo. Suwail kasi iyon sa magulang at palasagot. Naging mahigpit rin ito sa kaniya na halos pati pakikipagkita sa kaibigan ay binawalan na. Malala pa roon, pati pagtulong sa pamilya, pinatigil rin ni Arnold kay Glecy.

Ilang buwan pa ang lumipas, nagdesisyon ang magkasintahan na bumukod at mag live-in sa isang apartment malapit sa trabaho.

“Gusto ko kasi na magkasama na tayo araw-araw. Isa pa, malapit sa work natin. Magsama na tayo, Glecy?”

“Sige, magpapaalam ako sa mama at papa ko. Gusto ko rin kasama ka na palagi,” tugon naman ng babae.

Nagpaalam si Glecy sa kaniyang magulang, ngunit mariin na tinutulan ito. Dahil doon, nagalit ang dalaga at tila bulkan na sumabog.

“Iyan na naman kayo! Pinapakialaman na naman ninyo ang buhay ko. Akala ninyo preso ako dito. Aalis ako dito sa ayaw at sa gusto n’yo! Nagpaalam na nga ng maayos, hindi pa rin papayag. Magulang ko lang kayo! At ikaw! Nanay lang kita!

Advertisement

Pera ko lang naman ang gusto n’yo rito. Ano? Takot kayo na walang suporta? Ayoko na rito. Sasama na ako kay Arnold!” sigaw ni Glecy.

“P-paano mo nasasabi iyan sa magulang mo? Ang nais ko lamang ay mapabuti ka anak,” giit naman ng ina ng babae.

Napaupo ang ginang at napaiyak ng malakas dahil sa narinig at ginawa ng anak. Pinaghalong sakit, kalituhan at pagod ay bakas na bakas sa mukha ng ginang habang humahagulgol.

“Sige, anak. Gawin mo na ang gusto mo. Pagod na rin akong makipagtalo sa’yo. Pagod na pagod na ako, anak…” lumuluhang sabi ng ina ni Glecy.

Napatahimik ang babae at tila ba gusto rin kumawala ng mga luha sa mata. Pero kailangan niyang maging matigas. Pinairal niya ang yabang at tuluyang nag-impake at lumayas sa kanilang tahanan. Itinuloy niya ang pakikisama sa kasintahan. Tila ba isang babaeng bulag sa pag-ibig ang kinahinatnan niya.

Maayos ang naging unang buwan pero hindi naglaon, nakaramdam na si Glecy ng pagod at hirap. Halos lahat kasi ng trabaho sa bahay ay sinambot na niya. Pagod na siya sa trabaho, dumagdag pa ang pagod sa gawaing bahay. Hindi man lang magawang tumulong ng nobyo niya. Isama pa rito ang madalas nilang pagbabangayan.

Pilit siyang pinag-resign ni Arnold noon upang magpokus na lamang daw sa bahay. Pero ni-singkong duling e wala itong ibinibigay sa kaniya. Tanging laman na lamang ng pitaka niya ay singkwenta pesos.

“Anak, kumusta ka na diyan? Nakakakain ka ba nang maayos? Mayr’on ka pa bang panggastos riyan?” tanong ng ina ni Glecy na biglaang tumawag sa kaniya.

Advertisement

“W-wala na po, mama… kung ayos lang sana humiram ako ng dalawang daan, ibabalik ko rin po kaagad,” kahit na nahihiya ay kinapalan na ni Glecy ang mukha. Walang-wala na talaga kasi siya.

Ilang oras lang ang lumipas natanggap ng babae ang padala ng kaniyang ina. Dalawang libong piso.

“Huwag mo nang bayaran, anak ha? Basta bumili ka ng kailangan at pagkain mo. Huwag pabayaan ang sarili!” bilin ng ginang.

“Mama…” mahinang sambit ng dalaga.

“O siya na, magluluto lamang ako. Mag-iingat ka palagi, anak,” bago ibaba ang tawag ay rinig ang paghikbi ng ginang sa kabilang linya.

Sumabog ang mga luha ni Glecy at tila ba sinampal siya ng reyalidad at ng katotohanang kahit na napakalaki ng kasalanan niya, hinding-hindi siya papabayaan ng mama niya.

Hindi na kinaya ng babae ang hirap na dinaranas sa nobyo kaya’t nag-alsabalutan siya’t nakipaghiwalay. Matapos ang halos isang taon, umuwi siya sa kanila.

“Anak?” gulat na tanong ng ginang nang pumasok si Glecy sa kanilang pintuan, dala ang napakaraming gamit. Kahit hindi itanong alam na alam ng ina ang rason kung bakit naroroon si Glecy.

Advertisement

“Ma…”

“Halika, kumain ka muna rito. Gutom ka ba? Sandali at ipaghahanda kita. Yung mga labahin mo iwanan mo muna diyan at ako na ang bahala doon,” nakangiting sabi ng ina ni Glecy.

Walang panunumbat, paninisi at masasakit na salitang tinanggap muli ang babae sa kanilang tahanan. Bagkus, ipinaramdam pa ng ginang kung gaano siya kasaya na muling makakapiling ang anak.

Matapos noon, nagpahinga lang saglit si Glecy at humanap ng trabaho. Matapos ang halos apat na taon, nakapagpundar siya ng sariling bahay na ipinangako sa magulang.

Nagkaroon na rin ng asawa si Glecy na siya naman kabaligtaran nang una. Napakabait nito, masipag, marespeto sa magulang at may takot sa Diyos. Higit sa lahat suportado nito ang mga pangarap ng babae at tumulong upang makamtan ito. Nagpatayo rin sila sariling bahay na halos katabi lamang ng sa mga magulang ng babae.

Napakalaking aral ang natutunan ni Glecy sa mga naging desisyon niya noon sa buhay. Kaya ngayon, sa tuwing may malaking desisyon, iniisip muna niya ang posibleng maramdaman ng mga magulang. Ayaw na kasi niyang maulit na masaktan pa ang mga ito.

Walang magulang ang naghangad ng masama para sa kanilang mga anak. Wala rin sukatan ang kanilang pagmamahal para sa atin. Kaya’t sana pahalagahan natin sila at irespeto. Hindi kasi lahat ay tulad ni Glecy na nabigyan ng pangalawang pagkakataon upang itama ang mga naging pagkakamali. Hangga’t nariyan pa sila, hangga’t naririnig, nakikita, at nayayakap pa, iparamdam natin sa ating mga magulang ang ating pagmamahal.