Inday TrendingInday Trending
Ipinagpalit ng Lalaking Ito ang Kaniyang Kinakasama sa Kaibigan Mismo Nito; Hindi Niya Inaasahang Pagsisisihan Niya pala Ito sa Huli

Ipinagpalit ng Lalaking Ito ang Kaniyang Kinakasama sa Kaibigan Mismo Nito; Hindi Niya Inaasahang Pagsisisihan Niya pala Ito sa Huli

“Kumusta ka na, Alfred?” nakangising tanong ni Marrie sa asawa ng kaibigan niyang si Francine, nang magkita sila nito sa ibang bansa. Isa kasi itong OFW habang si Marrie naman ay nagbabakasyon lamang doon pansamantala.

“Uy, Marrie, ikaw pala ’yan. Ayos naman ako, ikaw ba?” masaya namang tanong sa kaniya ng lalaki. “Si Francine din, kumusta doon sa atin?” dagdag pa nito na ang tinutukoy ay ang kaniyang kinakasama na siya namang pinakamatalik na kaibigan ni Marrie noon—dati ’yon, noong hindi pa nila nakikilala si Alfred na lingid sa kaalaman ng dalawa ay lihim ding iniibig ni Marrie. Iyon nga lang ay hindi siya ang nagustuhan nito kundi ang kaibigan niyang si Francine.

Hindi nga alam ni Marrie kung ano’ng nagustuhan ni Alfred sa kaibigan niyang ’yon, gayong mas maganda, mas matalino at mas mayaman naman siya sa babaeng ’yon. Ang totoo n’yan ay ginawa niya na ang lahat upang sana’y mapansin siya ng lalaki noon ngunit hindi pa rin siya nito nagawang mahalin.

Kaya nga ipinangako ni Marrie sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat upang maagaw ang lalaking ito sa kaibigan niya, kahit pa masayang ang halos sampung taon na nilang pagkakaibigan. Handa siyang isakripisyo ang lahat mapasakaniya lamang ang kaniyang gusto.

“Naku, Alfred…hindi ko alam kung ako ba ang dapat magsabi nito sa ’yo. Ang totoo ay ayaw kong manggaling sa akin ito dahil kaibigan ko si Francine, pero totoo bang nagkakalabuan na kayo? Iyon kasi ang sinabi niya sa akin nang minsang mahuli ko siyang may kausap na ibang lalaki,” puno ng kasinungalingang pahayag ni Marrie sa lalaki na agad naman nitong ikinakunot ng noo. Umiling ito at sinabing hindi totoong nagkakalabuan na sila ng nobya, dahil sa katunayan ay nagpaplano na nga silang magpakasal sa pag-uwi nito sa ’Pinas.

“Kaibigan na rin kita, Alfred, kaya sinasabi ko ito sa ’yo. Pero sana ay huwag nang makarating pa kay Francine itong sinabi ko, ha?” Tango ang isinagot ni Alfred sa kaniya na lihim namang ikinangisi ni Marrie.

Doon na niya sinimulang akitin si Alfred na itinago niya lamang sa pagpapanggap na inaalo niya ito mula sa pagkabigo. Lalo pang umayon sa kaniya ang tadhana dahil naging abala rin si Francine sa trabaho nito sa Pilipinas kaya naman nawalan din ito ng oras sa nobyo nito. Iyon ang dahilan kung bakit mabilis na bumigay sa kaniya si Alfred na ni hindi man lamang muna nag-imbestiga bago pa maniwala sa kaniya. Kaya naman ilang buwan lang ang lumipas ay nagsasama na sila sa bansang ’yon nang hindi alam ni Francine.

Bigla na lamang iniwan ni Alfred si Francine na wala itong kaalam-alam sa dahilan. Basta nang umuwi siya ng Pilipinas ay kasama na niya si Marrie at ito na ang pinaplano niyang pakasalan imbes na ang tunay niyang nobya.

“Kuya, ano’ng naisip mo at bigla mo na lang iniwan si Ate Francine? Hindi mo ba alam na halos malagutan siya ng hininga sa sobrang sakit nang bigla mong gawin ’yon?” galit na bungad kay Alfred ng kaniyang mga kaanak nang siya ay umuwi. Malapit kasi kay Francine ang mga ito at botong-boto sila sa dati niyang nobya.

“Papaanong malalagutan ng hininga ’yon, e, niloloko nga ako no’n?” sarkastiko namang tanong ni Alfred sa kapatid na sinagot naman siya ng pagngiwi.

“Ha? At sino namang nagsabi sa ’yo n’yan? Paano kang lolokohin ni Ate Francine, e, halos araw-araw kaming magkasama dahil doon niya ako pinatuloy sa bahay n’yo nang ipasok niya ako sa trabaho. Ni hindi nga siya umaalis ng bahay, dahil mas gugustuhin niya pang bawiin niya sa tulog ang pagod niya kaysa sa gumala at maglakwatsa! Hindi ka niloloko no’n kahit kailan!”

Sa sinabing ’yon ng kapatid niya ay nabigla si Alfred. “S-si Marrie ang nagsabi sa akin,” sambit niya pa at doon ay napatampal na sa kaniyang noo ang kapatid niyang babae.

“Si Marrie? Hindi mo ba alam na nag-away sila ni Ate Francine bago pumunta ang babaeng ’yon sa bansa kung nasaan ka dahil pinagbantaan niya si Ate Francine na aagawin ka raw dahil matagal na siyang may gusto sa ’yo?!”

Doon na nanlumo si Alfred. Halos magpuyos ang galit niya para kay Marrie nang mga sandaling ’yon, ngunit huli na, dahil nagdadalantao na noon ang babae sa anak nila. Habang si Francine naman ay nagsisimula na ulit bumuo ng sarili niyang pangarap nang mag-isa at hindi siya kasama.

Laking pagsisisi ni Alfred na hindi siya nagtiwala nang maigi sa kaniyang nobya at nakinig siya sa bulong ng ibang taong gusto lamang palang sirain sila. Hinayaan niya itong magtagumpay at ngayon ay hindi na niya maibabalik pa ang panahon.

Pinili na lamang panagutan ni Alfred ang obligasyon niya sa anak niya kay Marrie ngunit hindi niya ito pinakasalan. Hindi niya kayang makulong sa isang pagsasamang bunga lang ng kasinungalingan, at iyon ang karma ni Marrie sa ginawa niya sa kaibigan.

Advertisement