Nagalit ang Babaeng Ito sa Kaniyang Anak nang Makasundo Agad Nito ang Kaniyang Madrasta; Isang Leksyon ang Matututuhan Niya sa Gagawin Nito
“Mama, magpapaalam nga po pala ako sa inyo na isinasama ako ni Tita Alodia sa pinaplano nilang bakasyon ni papa sa susunod na buwan.”
Agad na nagpantig ang tainga ni Greta sa narinig na sinabi ng anak. “Ano kamo? Bakit? Close na ba kayo agad ng bagong asawa ng papa mo?” may himig ng galit na tanong pa niya sa anak na agad namang ikinakunot ng noo nito.
“O-opo…bakit, mama? Huwag n’yong sabihing nagseselos kayo kay Tita Alodia? Hindi ba at matagal na kayong hiwalay ni papa? Isa pa, may nobyo na rin po kayong bago, hindi ba?” takang tanong naman nito sa kaniya na bahagya namang nakapagpahiya kay Greta.
Totoo ang sinabi ng anak niyang si Kaye. Matagal na silang hiwalay ng dating kinakasamang si Marvin na siyang ama nito, dahil sa halos araw-araw na nilang pag-aaway noon. Nag-iisang anak lamang nila si Kaye kaya naman pinaghihiraman na lamang nila ang dalagita. Sa totoo lang ay wala naman na siyang pakialam kung mag-asawa man ang dati niyang kinakasama, ngunit ang kunin din ng babaeng ’yon pati ang loob ng kaniyang anak ang siyang hindi niya maatim. Natatakot siyang mawala ang atensyon sa kaniya ng anak lalo pa at siya ang istrikta pagdating sa pagpapalaki ng bata, kaysa sa ama nito.
“Hindi naman ang ama mo ang dahilan, anak. Ayaw ko lang na kung ano-ano ang ituro sa ’yo ng babaeng ’yon lalo pa at hindi naman natin alam kung saan nakuha ’yon ng papa mo. Baka mamaya, bayaran lang pala ang babaeng iyon,” napapaikot ang mga matang paliwanag naman ni Greta sa anak.
“Mama, isa hong professional chef si Tita Alodia. Huwag po kayong mag-alala dahil hindi naman siya magiging bad influence sa akin,” katuwiran naman ang anak niya.
Imbes na makalma ay tila lalong nainis si Greta sa tinuran ng anak. Lalo na nang maalala niya na pangarap din nitong maging chef balang araw. Nagpapaturo nga itong magluto sa kaniya noon ngunit hindi niya ito magawang turuan dahil maging siya ay hindi naman marunong magluto. Ang ama nito ang may alam sa ganoon kaya nga restawran ang naisip nitong inegosyo.
Dahil sa pangyayaring ’yon ay palagi na niyang napag-iinitan ang anak na si Kaye. Palagi niya itong itinutulak na tuluyan na lang tumira kasama ng ama nito at ng bago nitong asawa, kaya naman madalas ay sumasama rin ang loob nito sa kaniya.
Hindi napapansin ni Greta na sa ginagawa niya ay lalo lamang lumalayo sa kaniya ang loob ng anak, kaya naman isang araw ay naabutan na lamang niyang nag-iempake ng mga damit nito ang dalagita…
“Ano’ng ginagawa mo, Kaye? Bakit kinukuha mo ang lahat ng gamit mo?” takang tanong ni Greta sa anak nang sa pag-uwi niya galing trabaho ay naabutan niya itong isinisilid na sa maleta ang lahat ng kagamitan nito.
“Nagpapasundo na ho ako kay papa. Tutal ay lagi n’yo naman akong itinutulak na pumunta sa kanila ay gagawin ko na ho ang gusto n’yo. Hindi ko kasi kayo maintindihan, mama. Pilit ko namang ipinaparamdam sa inyo na mas matimbang pa rin kayo dahil kayo ang tunay kong ina, pero parang lalo lang kayong nagagalit sa akin, kaya heto na. Susundin ko na kayo at aalis na ako rito,” puno ng hinanakit na sabi sa kaniya ni Kaye.
Natahimik si Greta. Ngayon lamang siya natauhan sa kaniyang ginagawa kaya naman sinubukan niyang pakiusapan ang anak na huwag na itong umalis, ngunit tila ba buo na ang desisyon nito. Wala na siyang nagawa nang tuluyan na itong lumabas ng pintuan dala ang mga gamit nito. Maya-maya ay dumating na ang dati niyang asawa upang sunduin ito, kasama ang madrasta ni Kaye…
“Kaye, hija, nasaan ang mama mo?” dinig niyang tanong ni Alodia, ang madrasta ni Kaye, habang nakadungaw siya sa bintanang natatakpan naman ng kurtina.
“Nasa loob po,” payak namang sagot ng anak niya.
“Sigurado ka bang iiwan mo siya nang hindi man lang siya binibigyan ng ikalawang pagkakataon? Alam mo kasi, Kaye, naiintindihan ko ang nararamdaman ng mama mo. Mahal ka kasi no’n at natatakot siyang mawala ka sa kaniya kaya niya nagagawa ang mga bagay na ’yon. Tao lang din kasi ang mama mo, ’di ba? Hindi naman por que, ina na siya ay hindi na siya magkakamali.” Ikinagulat ni Greta ang narinig na ipinayo ni Alodia sa kaniyang anak. Hindi niya akalain na gagawin nito ’yon, lalo pa’t siya’y pawang masasamang salita lamang ang sinasabi tungkol dito.
Napahiya siya sa sarili, kaya naman lakas-loob niyang nilapitan ang mga ito at humingi siya ng sinserong tawad sa kaniyang anak, kay Alodia at sa dating kinakasamang si Marvin. Mabuti na lamang at sa huli ay nauwi din sa kapatawaran ang lahat, kaya naman simula nang araw na ’yon ay naging maayos na ang pagitan nila at ng madrasta ni Kaye.