Hinusgahan ng Iba Nilang Kaanak ang Babaeng Ito Matapos Niyang Talikuran ang mga Magulang; Ipakikita Niya sa mga Ito ang Dahilan kung Bakit
Nakasalubong ni Nica ang kaniyang tiyahing si Tiya Marisol sa palengke, kasama ang dalawang anak nito na siya niyang mga pinsan, ngunit hindi inaasahan ni Nica na bigla siyang bubungangaan nito doon mismo!
“Aba, napakarami mo yatang ipinamili, Nica? Samantalang sarili mo na lang naman ang iniintindi mo ngayon dahil pinabayaan mo na ang mga magulang mo, hindi ba?” ngingisi-ngising tanong sa kaniya ng kaniyang tiyahin na may himig ng panghuhusga.
Dahil doon ay napailing naman si Nica. Hindi naman na siya nabigla sa sinabi nito, dahil noon pa lamang gabing nagpasiya siyang lumayas sa kanilang bahay ay alam niya nang ganito ang magiging kuwento ng ina sa kanilang mga kaanak.
“Hindi ko ho sila tinalikuran. Umalis lamang po ako para bigyan sila ng leksyon, dahil hindi nila alam kung paano pahalagahan ang ginagawa ko para sa kanila,” mariin namang sagot ni Nica sa tiyahin. Nakataas ang kaniyang noo, bagama’t hindi pa rin naman nawawala ang paggalang niya rito.
“Hanep! Anak na pala ngayon ang nagbibigay ng leksyon sa mga magulang?” nakataas ang kilay na tanong nito sa medyo malakas na tinig. “Ang sabihin mo’y naging mayabang ka na simula nang ikaw ay nagkatrabaho. Ikaw ang hindi marunong magpahalaga sa ginawang pagbuhay sa ’yo ng ama’t ina mo noong ikaw ay bata pa!” sumbat pa nito.
“Mag-ingat ho kayo sa sinasabi ninyo, Tiya, dahil wala naman po talaga kayong alam sa tunay na nangyayari sa loob ng tahanan namin kundi ang sinabi lang sa inyo ng nanay ko. Sana ho ay hindi kayo basta-basta nakikinig sa dagdag-bawas na kuwento, dahil higit kanino man ay kayo ang mas nakakakilala sa nakababata n’yong kapatid,” lakas-loob namang sabi ni Nica sa kaniyang tiyahin na agad namang napaatras sa kaniyang sinabi.
“Alam n’yo po bang kagagaling ko lamang sa bangko, dahil naghulog ako sa utang ni nanay doon? Kahapon po ay kababayad ko lang din sa utang niya sa bumbay, pati na rin sa utang niya sa tindahan nina Aling Pasing kahit pa buwan-buwan naman akong nagbibigay ng pang-budget namin sa pagkain. Sa ngayon ay inaasikaso ko pa ang naputol naming kuriyente, dahil hinayaan nilang maputulan kami at hindi nila ibinabayad ang binibigay kong budget para doon. Alam n’yo po bang lubog pa ako sa utang ngayon, dahil hindi ko maawat sa pagsusugal ang mga magulang ko, Tiya?” naluluhang tanong ni Nica sa kaniyang tiyahin na siya namang nagulat sa mga sinabi niya.
Lalo pa itong napanganga nang makita ang mga resibong iniipon niya sa tuwing magbabayad siya ng utang ng mga magulang niya. Hindi nito akalaing ganoon na pala siya kabaon sa pagkakautang dahil sa hindi mapigil na bisyo ng kaniyang ama’t ina, na pilit namang itinatatak sa utak niyang kailangan niya itong bayaran dahil pinalaki siya ng mga ito upang pakinabangan nila kalaunan!
“Patawarin mo ako, Nica. Hindi ko akalaing ganito na pala ang ginagawa ng dalawang ’yon!” hindi makapaniwalang sabi ng kaniyang tiyahin.
Doon na bumigay si Nica. Umiyak siya sa balikat nito. Kahit naman kasi basta na lamang siyang hinusgahan nito ay alam niya namang hindi kailan man kukunsintihin nito ang ginagawa ng kaniyang ina na siya nitong nakababatang kapatid. Kaya naman dahil doon ay sinamahan siya nitong pauwi sa kanilang tahanan upang pagsabihan ang kaniyang mga magulang sa kaniyang harapan.
“Hindi isang investment plan ang mga anak natin, Laura! Hindi natin sila pinalalaki para pagdating ng panahon ay sila ang aalipinin natin! Bakit ginagawa n’yo ’yan sa anak n’yo, pagkatapos ay siya pa ang pagmumukhain n’yong masama sa amin?” galit na panenermon ng kaniyang tiyahin sa kaniyang mga magulang na wala namang masabi ngayon at nayuyuko lamang na nakikinig.
Ngayong nakadaranas na kasi sila ng gutom, buhat nang huminto si Nica sa pagsuporta sa kanila ay saka lamang nila naintindihan ang kahalagahan ng sakripisyo ng kanilang anak. Ngayon ay pinagsisisihan nila ang kanilang kasalanan at handa silang bawiin iyon sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto upang makabayad sa mga utang nila, nang sa ganoon ay hindi na si Nica pa ang pumasan ng lahat ng kanilang kasalanan.
Unti-unti namang nakabawi sa pagkalubog sa utang ang pamilya nina Nica dahil sa pakikipagtulungan na sa wakas ng kaniyang mga magulang. Ngayon ay mas maayos na ang kanilang pagsasamang tatlo kaysa dati.