Inday TrendingInday Trending
Nilait at Hinusgahan ng Babaeng Ito ang Lalaking Ka-Blind Date; Babalik pala sa Kaniya ang Panghuhusga Niya Kalaunan

Nilait at Hinusgahan ng Babaeng Ito ang Lalaking Ka-Blind Date; Babalik pala sa Kaniya ang Panghuhusga Niya Kalaunan

Napabuntong-hininga si Jean. Kanina pa kasi siya naghihintay sa restawran na ’yon kung saan nila napag-usapang magkita ng ka-blind date na nakilala niya sa isang dating site. Mag-iisang oras na siyang nakaupo roon at buryong-buryo na siya.

“Baka in-indian na ako no’n, a!” inis na sabi niya sa kaniyang sarili. Gusto na niyang umalis ngunit nagpasiya siyang maghintay pa ulit saglit upang hindi naman siya magmukhang atat. “Kapag lang talaga hindi mayaman ang lalaking ’to, tulad ng sinabi niya ay lagot talaga siya sa akin!” dagdag pa niya.

Maya-maya, bigla na lamang may lumapit na lalaki sa kaniyang puwesto at ipinatong nito ang dalang bag sa kaniyang harapan. “Hello, pasensiya na kung na-late—”

“Ikaw ang ka-blind date ko?!” Hindi pa man natatapos ay pinutol na ni Jean ang sinasabi ng naturang lalaki. “Oh my gosh! Pinaghintay mo ako ng mahigit isang oras sa hitsura mong ’yan? Ang kapal naman ng mukha mo!” galit na dagdag niya pa bago pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa ang nasabing lalaki na may disgusto sa kaniyang mukha.

“Miss, mali ’yong akala mo—” Magsasalitang muli sana ito ngunit pinutol na naman ni Jean ang nasabing lalaki.

“Talagang mali ang akala ko! Gosh! Napaniwala mo akong mayaman ka at maganda ang trabaho mo dahil sa information mo sa dating site! Akala ko ba, engineer ka? Akala ko rin may negosyo ka? Tingnan mo nga ’yang suot mo? Uniporme ’yan ng isang hamak na driver, hindi ba?” galit na galit pang aniya. “Ang galing mo rin. Alam na alam mo siguro na hindi makikipag-date sa mga katulad mo ang mga babae kaya nagsisinungaling ka! Manloloko ka! Hitsura mo pa lang, mukha ka nang hindi gagawa ng mabuti, e. Saan ka kumukuha ng lakas ng loob na humarap pa sa isang katulad ko?” Animo walang preno ang bibig ni Jean kahit pa nakakakuha na sila ng atensyon mula sa mga tao sa naturang restawran.

Ngunit wala naman siyang pakialam. Ang balak niya kasi ay ipahiyang talaga ang kaniyang ka-blind date dahil sa sobrang inis niya sa ginawa nitong pagpapanggap. Kaya naman ipinagpatuloy niya ang panlalait sa nasabing lalaki at nilakasan niya pa nang todo ang kaniyang boses upang mas marinig pa ’yon ng ibang tao sa naturang restawran.

Hindi naman inaasahan ni Jean ang biglang pagpasok ng isang guwapo at makisig na lalaki sa naturang kainan. Tila may hinahanap ito at ganoon na lang ang gulat nito nang makita ang kaniyang driver na binubungangaan ni Jean!

Ito pala ang tunay na ka-blind date ng dalaga. Isang engineer at negosyanteng mayamang naghahanap sana ng mapapangasawa, ngunit ngayon ay sigurado siyang hindi si Jean ang babaeng hinahanap niya. Narinig niya kung gaano kasama ang ugali nito at ayaw niyang magkaroon ng ganitong klaseng misis kapag nagkataon dahil siguradong ipahihiya lamang siya ng ganitong klase ng tao.

Nilapitan ng lalaking nagngangalang Edwin ang nasabing babae. Tinapik niya ang balikat ng driver niya na siyang binubungangaan nito ngayon bago niya ito hinarap upang siya na ang magpaliwanag ng lahat kung bakit nahuli siya sa kanilang usapan.

“Pasensiya ka na. May nadaanan kasi kaming aksidente, at ’yong driver ko na binungangaan mo kanina ang bayaning nagligtas sa isang batang muntik nang malagutan ng hininga. Hindi siya ang ka-date mo, miss. Ako nga pala si Edwin at ako ang lalaking hinihintay mo. Isa akong tunay na engineer at ako rin ang may-ari ng restaurant na ’to kaya siguro naman, qualified na akong tawaging negosyante ang sarili ko, hindi ba?” seryosong saad ng lalaki sa kaniya na bigla namang nagpatahimik kay Jean.

Nabato siya sa kinatatayuan nang matitigan niyang maigi ang hitsura ng nasabing lalaki. Napakaguwapo kasi nito. Sa totoo lang ay mukha itong may lahing Kano, base sa hitsura nito at talaga namang kaiinggitan siya ng mga kaibigan niya kung ito ang makakatuluyan niya. Ngunit mukhang malabo na ’yon, dahil kung tingnan siya nito ngayon ay puno rin ng disgusto tulad ng tingin niya kanina sa driver nito.

“Maraming salamat na lang sa oras mo, miss, pero hindi na ako makikipag-date sa ’yo. Hindi ko gusto ang mga taong sa sobrang taas ng tingin sa sarili ay nakakalimutan nang magpakumbaba at trumato nang tama sa iba,” sabi pa nito bago siya tinalikuran matapos nitong magbiling i-charge sa kaniya ang lahat ng in-order ng babae.

Pahiyang-pahiya tuloy si Jean. Bago siya makaalis sa kainang ’yon ay makailang ulit siyang nakarinig ng bulungan tungkol sa kaniya at kung paano siya pagtawanan ng iba. Pahiya siya dahil sa asal na ipinakita.

Advertisement