Ipinagtanggol ng Babaeng Ito ang Bagong Pasok na Empleyado Laban sa Boss Nilang Masama ang Ugali; Magugulat Siya sa Susunod na mga Pangyayari

“Hindi ko talaga maintindihan kung ano ang naisipan mo at nag-apply ka sa isang modeling company na katulad nito, na ganiyan ang hitsura mo! My gosh, Jossie, wala ka bang hiya?” tatawa-tawang sabi ng kanilang manager nang umagang ’yon, pagkapasok na pagkapasok pa lang ni Jossie—ang bagong sekretarya ng kanilang acting president na si Mr. Acosta—nang araw na ’yon.

May hawak pang kape ang kanilang manager, tanda na umagang-umaga pa lang ay nag-uumpisa na agad itong mang-alaska. Palibhasa ay mahilig ito sa babae. Kilalang babaero ang kanilang manager kaya naman ganoon na lang ang sobrang dismaya nito nang malamang hindi pasok sa kaniyang panlasa ang h-in-ire nilang bagong sekretarya.

Napakunot naman ang noo ni Georgia, isa sa mga dati nang empleyado sa kompaniyang ’yon, dahil sa asal ng kanilang manager. Para kasing nagbabalik siya sa nakaraan noong siya pa lamang ang bagong salta sa kompaniyang ’yon. Ganoong-ganoon din kasi kung tratuhin siya ng nasabing manager nila. Palibhasa’y hindi naman siya kagandahan kaya’t kung laitin siya nito ay animo siya hindi tao!

Nayuyuko lamang si Jossie habang nilalait ito ng kanilang manager. Lalo tuloy tumitindi ang init ng ulo ni Georgia dahil sa awang nararamdaman nito para sa kaniyang bagong kasamahan.

“Sir, mawalang galang na ho, pero kung laitin n’yo si Jossie, akala n’yo naman kaguwapuhan din kayo,” nangingising singit ni Georgia maya-maya nang hindi na siya makatiis pa. “Feeling n’yo ho ba, sir, gusto rin niya kayong patulan?” dagdag na pang-iinsulto niya pa na ikinatawa naman ng iba pa nilang mga kasamahan na matagal na ring banas sa lalaking ito ngunit walang lakas ng loob na sumagot, dahil malakas ang kapit nito sa taas.

Ang totoo ay wala nang pakialam pa si Georgia kung matanggal siya sa trabaho dahil hindi na rin naman siya masaya sa pamamalakad nito. Kaya naman ngayon ay ilalabas na niya ang lahat ng nais niyang sabihin dito noon pa!

Bakas ang galit sa mukha ng kanilang manager dahil sa kaniyang tinuran, lalo na nang ituloy-tuloy niya pa ang sinasabi niya tungkol dito. Labis niyang ipinagtanggol si Jossie hanggang sa tuluyan nang mapikon sa kaniya ang kanilang manager at dumagundong sa buong opisina ang hiyaw nito…

“You’re fired!”

Advertisement

Ngisi lang ang isinagot ni Georgia, pagkatapos ay inilapag sa harapan ng kanilang manager ang isang sobre. “No, sir, I resign!” pakikipagtalasan niya pa ng titig.

Sa pagkakataong iyon ay tumayo na si Jossie sa kinauupuan nito at unti-unting tinanggal ang suot nitong…wig! Binura din nito ang prosthetics na nagtatago sa tunay nitong kagandahan na agad namang ikinalaki ng mga mata ng kaniyang manager.

“Tama na ’yan. Hindi ka magre-resign at lalong hindi ka matatanggal sa trabaho, Georgia, dahil ikaw na ang papalit sa manager ninyong ito,” turan ni Jossie na agad namang nagpaawang sa bibig ng lahat.

Doon na lumabas si Mr. Acosta, ang pinsan ng bagong may-ari ng kompaniyang ’yon.

“Gusto ko lang ipaalam sa inyo na nag-conduct kami ng isang imbestigasyon tungkol sa hindi magandang pagtrato ng iba sa inyo sa mga bagong pasok na empleyado, lalo nakapag hindi kagandahan ang mga ito. At alam n’yo ba kung sino ang siyang nakahuli sa pasimuno ng lahat ng ito? Iyon ay walang iba kundi ang may-ari ng kompaniyang ito, na si Miss Jossie Acosta!” turan pa nito at mabilis namang nabaling kay Jossie ang lahat ng atensyon.

Gulat na gulat ang manager nina Georgia at halos hindi ito magkandatuto sa paghingi nito ng paumanhin, ngunit pinigilan lamang ito ni Jossie. Buo na ang desisyon nitong ibigay sa karapat-dapat ang posisyong iyon.

“Ikaw lang ang tanging tumayo upang ipagtanggol ako, Georgia, sa dami ng mga kasamahan mo. Ikaw lang ang naglakas-loob na magsalita at magreklamo, kaya naman sa ’yo talaga nababagay ang posisyong ito. Alam kong magagawa mo nang maayos ang lahat ng trabaho mo at mapapasunod mo sa mas magandang pamamalakad ang mga empleyado natin,” turan pa ng kanilang boss bago inabot ang kamay sa kaniya.

Tinanggap ni Georgia ang alok ng kaniyang boss at simula noon ay hindi na muling naulit pa ang anomalya at husgahan sa kanilang opisina. Naging mas maayos na ang pamamalakad doon at naging pabor pa kay Georgia ang lahat dahil lumaki rin ang kaniyang sahod. Hindi niya inaasahang dahil lang sa pagtatanggol niya sa kapwa ay biyaya ang kaniyang makakamtan!