Wala Siyang Balak na Bayaran ang Kaniyang mga Utang; Hindi Siya Kundi ang mga Anak Niya ang Naghirap nang Dahil Dito
Panay utang ang ginagawa ng ginang na si Marissa. Sa tindahan, sa kaniyang mga kumare, sa ilan niyang kaanak at kung kanino man. Sa laki ng utang na mayroon siya sa halos lahat ng kakilala niya, ni katiting na kagustuhang makabayad sa mga ito ay wala siya.
Palagi niyang katwiran sa tuwing may naniningil sa kaniya, “Sa dami ng pera mo, sisingilin mo pa ako? Kaya nga ako nangutang dahil wala akong pera tapos sisingilin mo ako? Saan ako kukuha ng pambayad?”
Alam man niyang baliko ang katwiran niyang ito, patuloy niya itong ginagamit upang mainis ang mga pinagkakautangan niya sa kaniya at huwag na siyang kausapin pa.
Ngunit may mga nagpautang pa rin talaga sa kaniyang matiyaga at siya’y halos araw-araw na sinisingil. Dito na siya pinagsabihan ng kaniyang asawa niyang pagkokonstruksyon lang ang trabaho.
“Marissa, tigil-tigilan mo na kasi ang pangungutang. Gusto mo bang makasuhan ka na sa ginagawa mo? Wala ka namang balak na magbayad, eh, utang ka pa nang utang,” sermon nito sa kaniya na agad niyang ikinainis.
“Hindi ako mangungutang kung malaki ang binibigay mo sa aking pera!” sigaw niya rito.
“Hindi man malaki ang perang naibibigay ko, sapat naman iyon para makakain tayong pamilya ng tatlong beses sa isang araw! Kaya parang awa mo na, ilagay mo sa lugar ang pag-iinarte mo! Kapag wala, wala! Hindi ‘yong mangungutang ka para lang makapagmalaki sa buhay!” galit na sabi nito na ikinatahimik niya na lamang.
Kahit pa ganoon, patuloy pa rin siyang nangutang upang magkaroon ng bagong uniporme na gagamitin ng kanilang mga anak sa darating na pasukan.
“Siguraduhin mong magbabayad ka sa akin, Marissa, ha! Balita ko may utang ka sa kapatid ko na binaon mo na agad sa limot!” sabi nito sa kaniya habang sinusukat niya sa mga anak ang paninda nitong uniporme.
“Ikaw ang una kong babayaran kapag nagkapera ako kaya huwag ka nang maingay d’yan!” pagsisinungaling niya pa rito.
Nang makapamili na ng kani-kanilang uniporme ang dalawa niyang anak, agad na rin silang umuwi upang makapaghanda na sa pagpasok sa eskwela ang mga ito.
Madalian niyang inayusan ang mga ito saka agad nang hinatid sa paaralan. Pati biskwit na baon ng mga ito ay inutang niya rin sa tindahan ng kaniyang kapitbahay.
“Kwentuhan niyo ako tungkol sa unang araw ng pagpasok niyo, ha? Hihintayin kayo ni mama! Mag-aral nang mabuti, mga anak!” bilin niya pa sa mga ito.
Katulad ng inaasahan niya, pagsapit ng alas singko ng hapon, naglabasan na nga sa paaralan ang kaniyang dalawang anak. Kaya lang, imbes na mga ngiti ang makita niya sa mukha ng mga ito, lungkot at mga bakas ng luha ang kaniyang naabutan.
“Anong nangyari, mga anak? May nang-away na sa inyo?” sunod-sunod niyang tanong sa mga ito.
“Mama, halos lahat ng kaklase ko, ang sabi ay may utang ka raw sa nanay nila. Nagagalit sila sa akin, mama, kasi hindi raw tayo nagbabayad ng utang,” hikbi ng panganay niyang anak.
“Ganoon din po ang sabi sa akin ng mga kaklase ko, mama. Iyong isa nga roon, tinapon pa ang mga gamit ko labas dahil utangera raw ang nanay ko,” iyak pa ng kaniyang bunso na talagang bumiyak sa kaniyang puso.
Lalo pa siyang naawa sa mga anak nang makita niya kung gaano ito nahihiya nang mapansin sila ng mga kaklase ng mga ito. Iyon ang dahilan upang ganoon na lang siya magpasiyang gumawa ng paraan upang hindi na makaranas ng pangmamaliit ang kaniyang mga anak.
“Huwag kayong mag-alala, mababayaran ko lahat ng utang natin, mga anak. Magtiwala kayo kay mama, ha?” mangiyakngiyak niyang sabi sa mga ito saka na sila naglakad pauwi.
Oramismo, agad siyang naghanap ng mga bagay na hindi na nila ginagamit at ito’y kaniyang binenta. Nang makalikom siya ng halos limang daang piso sa ginawa niyang ito, naisipan niyang gawin itong pangpuhunan sa pagtitinda ng meryenda.
Sa kabutihang palad, bumenta sa kanilang lugar ang kaniyang mga lutong meryenda at lalong lumaki ang perang mayroon siya.
Nang umabot na sa limang libong piso ang pera niya, naghanap naman siya ng bagsakan ng mga ukay-ukay na damit at doon na nagsimulang lumago lalo ang perang mayroon siya.
Unti-unti siyang nakabayad sa kaniyang mga pinagkakautangan at nakapagrenta pa siya ng isang malaking bodega kung saan niya binebenta ang mga damit na mga orihinal na nahahalo sa mga damit na ukay-ukay.
Habang patuloy na lumalago ang kaniyang negosyo, patuloy niya ring nababayaran ang kaniyang mga pinagkakautangan dahilan para ganoon na lang makaani ng respeto sa paaralan ang kaniyang mga anak na talaga nga namang ikinatuwa niya.
“Salamat sa Diyos, ginising niya ako sa maling pamumuhay ko,” wika niya habang binibilang ang kinita niya sa araw na iyon.