Hindi Siya Takot Makulong Dahil Mayaman ang Kanilang Pamilya; Hanggang Kailan Kaya Siya Makakatakas sa Maling Ginagawa Niya?
Hindi takot na makulong ang dalagang si Elisa dahil sa yamang mayroon ang kaniyang pamilya. Ito ang dahilan para ganoon niya na lamang gawin ang lahat ng gusto kahit ang ilan ay labag na sa batas. Tiwala kasi siyang kahit anong gawin niya, masosolusyunan ng pera ang mga ito.
Bukod pa roon, alam niyang kahit sinong opisyal ay may koneksyon sa kaniyang mga magulang. Lalo na ang mga pulis na minsan ay ginagawa lang na taga-bantay sa kanilang mansyon o pabrika.
Sa katunayan, sa edad na bente anyos, mayroon na siyang tatlong taong binawian ng buhay. Ang isa ay ang kaklase niyang pabida na palaging nagmamagaling sa kanilang klase habang ang dalawa rito ay magkasintahan–hinahangaan niya ang lalaki at matalik na kaibigan niya naman ang babae.
Nagawa niyang tapusin ang buhay ng mga ito dahil sa inis at galit na nararamdaman niya noong mga oras na iyon at imbes na sa kulungan ang diretso niya dahil sa ginawa niyang ito na nagbigay kahihiyan sa pamilya’t eskwelahan kinabibilangan niya, sa payapang silid sa Siargao lang siya pinadala ng kaniyang mga magulang at binayaran ng mga ito ang kani-kaniyang pamilya ng mga biktima, mga imbestigador, korte, at mga pulisya na base lahat sa kagustuhan niya.
Sabi niya pa no’n sa mga pulis na dapat ay magkukulong sa kaniya, “Kasalanan naman nila kung bakit ko nagawa sa kanila iyon. Iyong isa, palaging maingay sa klase, hindi ako makapag-aral nang mabuti! Habang iyong magkasintahan naman, pinagtaksilan ako! Akala ko, ako ang mahal no’ng lalaki at boto para sa akin ang kaibigan ko, iyon pala, nag-uusap na sila nang patago! Sinong matutuwa sa kanila?”
Lahat ng ito ay pinalampas ng kaniyang mga magulang lalo na nang siya’y magmakaawa sa mga ito na ayaw niyang madungisan ang pangalan niya nang dahil lang sa mga walang kwentang tao sa paligid niya.
Ngunit imbes na magtanda, lalo pa siyang gumagawa ng mga bagay na nagpapalapit sa kaniya sa bilangguan. Hindi siya sumusunod sa batas trapiko, nagnanakaw siya ng mga bagay sa mall kahit may pambayad naman siya, at namamahiya pa siya ng mga empleyado sa mga kainan.
Tuwing may taong mananakot sa kaniya na siya’y kakasuhan sa ginagawa niyang kamalian, tatawanan niya lang ito o kaya’y tatakutin at pagbabantaan ng kung anu-ano.
Kaya lang, isang gabi, habang nagmamaneho siya ng sasakyan pauwi sa kaniyang condo, may isang dalaga ang napakabagal magmaneho ng kotse sa harapan niya na talagang nagpainis sa kaniya.
Sa sobrang inis niya, nagpunta siya sa harap ng sasakyan nito at tumigil doon dahilan para lumabas ang dalaga at kaniya itong kinompronta.
“Miss, may problema ka po ba?” magalang nitong tanong sa kaniya.
“Kung babagal-bagal kang magmaneho, huwag ka dadaan sa highway! Maraming tao ang nagmamadali rito!” sabi niya rito.
“Sige, miss,” tipid nitong sagot saka agad nang tumalikod sa kaniya upang bumalik sa sariling sasakyan.
“Sige lang? Napakabastos mo, ha! Halika ka nga rito!” sigaw niya saka niya hinila ang buhok nito.
“Aray ko!” sigaw din nito habang pilit na pumipiglas sa pagkakasabunot niya.
Dahil sa galit na nararamdaman niya, ginamit niya ang kaniyang buong lakas saka ito tinulak sa kabilang linya ng mga sasakyan at siya’y labis na nagulat nang may biglang sumalpok na trak dito.
Doon na siya labis na nakaramdam ng takot. Luminga-linga siya at nakita niyang maraming CCTV ang nasa lugar na iyon, dagdag pa ang ilang motoristang nakasaksi sa ginawa niya dahilan para agad siyang bumalik sa kaniyang sasakyan at takbuhan ang eksenang iyon.
Dali-dali niyang sinabi sa kaniyang mga magulang ang kaniyang nagawa at siya’y ganoon na lang nanghina sa sinabi ng kaniyang ama.
“Pasensya na, anak, napag-isip-isip ko na patuloy kang gagawa ng mali kung palagi kitang pagtatakpan. Harapin mo ang parusa sa maling ginawa mo at ika’y magtanda. Hindi kami Diyos ng nanay mo para linisin ang mga kasalanan mo,” pangaral nito sa kaniya saka agad na tumawag ng pulis upang isuko siya sa mga ito.
Kahit anong pagmamakaawa ang kaniyang ginawa, hindi na niya nabago pa ang isip ng ama at doon sa kulungan niya naransang matulog nang nakatayo dahil sa dami ng mga taong nagsisiksikan sa isang selda, kumain ng panis dahil walang sapat na pagkain, at mabugb*g ng ibang nakakulong doon dahil sa kaartehang mayroon siya.
Dahil sa hirap na naranasan niya, bawat araw na binibilang niya roon ay para bang parusa sa kaniya. Katakot-takot na pagsisisi ang kaniyang nararamdaman na talagang nagbigay daan para ipangako niya sa sarili na siya’y magbabagong buhay paglabas niya roon – kung makakalabas pa siya.