Inayawan ng Dalaga ang Manliligaw dahil Wala Itong Sariling Kotse; Ganito pala Kayaman ang Kaniyang Tinanggihan
Panay ang pa-cute ng dalagang si Maribel nang pumasok ang matagal niya nang crush sa cafe na kaniyang pinagtatrabahuhan. Bukod kasi sa may itsura ito’y napakagwapo rin ng kotseng minamaneho nito. Pangarap na pangarap pa naman niya na magkaroon ng isang nobyong may sariling kotse.
“Maribel, kanina pa umoorder si sir pero nakatunganga ka lang d’yan! Ano ba ang iniisip mo?” saad ni Alex, manager ng naturang cafe.
“Sorry, sir. May sumagi lang kasi sa isip ko. Kunin ko na po ang order n’yo,” nahihiyang wika ng dalaga.
Pagkatapos na maibigay ang order sa binata ay muling pinagsabihan ng manager si Maribel.
“Ikaw, Maribel, sa tuwing dumarating nalang dito ‘yang si Sir Migs ay tila nawawala ka sa sarili mo! Umayos ka nga at baka mamaya ay matakot na ‘yan sa ginagawa mo,” wika ni Alex.
“Pasensya na po talaga, sir. Sobrang crush ko lang talaga ‘yang si Sir Migs kaya natutulala ako sa tuwing nakikita ko siya. Kailan kaya niya ako mapapansin? Siguro ang sarap niyang maging nobyo. Hatid sundo niya ako gamit ang kotse niya tapos ay kung saan-saan kami pupunta,” dagdag pa ng dalaga.
“Alam mo, Maribel, dapat ay hindi ka nagpapasilaw sa mga magagarang bagay. Minsan ‘yung mga ganyang lalaki pa ang manloloko. Bakit hindi mo na lang bigyang pansin itong lalaking pumapasok sa cafe natin ngayon? Baka siya na ang tunay mong pag-ibig,” biro pa ng manager.
Pagtingin ni Maribel sa pinto ay nakita niya ang manliligaw na si Kiko. Matagal na siyang sinusuyo nito pero wala talagang dating ito sa kaniya.
“Heto na naman po ang makulit na isang ito! Ilang beses ko kayang sasabihin sa kaniya na hindi siya ang tipo kong lalaki? Sa tuwing pumupunta ‘yan dito’y naka-dyip lang. Baka mamaya nga ay ako pa ang manlibre d’yan ng pamasahe!” naiinis na saad ni Maribel.
“E, mukha namang tunay ang pagmamahal niya sa iyo. Mukha naman siyang mabait. At saka isa pa, mukhang bagay kayo,” natatawang saad ni Alex.
“Sir, naman! Paalisin n’yo na po siya! Pakisabi po na abala ako sa trabaho,” pakiusap ng dalaga.
“Bakit hindi ikaw ang magsabi? Uutusan mo pa ako. Nakalimutan mo bang mas mataas ang posisyon ko sa iyo?” sambit muli ng ginoo sabay talikod.
Maya-maya ay nariyan na sa harap ni Maribel ang manliligaw at may dala itong mga prutas.
“Maribel, para sa iyo nga pala. Bagong pitas ang mga ‘yan!” saad ni Kiko.
Lalong na-turn off ang dalaga. Bakit naman sa lahat ng p’wedeng ibigay ay prutas pa? Hindi man lang siya nito kayang bigyan ng bulaklak at tsokolate.
“May bibilhin ka ba? Kasi baka mamaya ay pagalitan ako ng boss ko. Marami pa namang kustomer,” saad ng dalaga.
“Pasensya na. Gusto lang kitang ayain sana na kumain mamaya paglabas mo dito sa trabaho. Hihintayin na kita,” dagdag pa ng binata.
Ilang beses na rin siyang inalok nito at ilang beses na rin siyang tumanggi. Sa katunayan ay naubusan na siya ngayon ng idadahilan kaya tinapat na niya ang manliligaw.
“Kiko, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi ikaw ang tipo kong lalaki? Mataas ang pangarap ko. Mahirap lang ang pamilya ko at ayaw ko rin namang makapangasawa ng isa ring mahirap. Pasensya ka na pero wala ka talagang pag-asa sa akin,” wika pa ni Maribel.
“Maribel, kung susubukan mo lang naman akong kilalanin ay malalaman mong tapat ang pag-ibig ko sa iyo. Gagawin ko naman ang lahat para mabigyan ka ng magandang buhay,” wika pa ng binata.
“Siguro nga ay tunay ang pag-ibig mo, pero hindi ‘yan magiging sapat para ma-impress ang isang kagaya ko. Saka isa pa, may natitipuhan na akong lalaki. Ubod ng gwapo at mayaman dahil napakagara ng kaniyang sasakyan. Ganoong lalaki ang gusto ko!” pag-amin ng dalaga.
Pilit na nagpapaliwanag si Kiko ngunit itinaboy na siya ni Maribel.
“Regular na kustomer namin ang lalaking tinutukoy ko. Sa tingin ko ay kaya siya bumabalik-balik dito ay dahil na rin sa akin. Oras na lang ang makakapagsabi ay aamin din siya sa akin. Kaya kung ako sa iyo, Kiko, ay huwag mo nang ubusin pa ang oras mo sa akin. Wala ka talagang mapapala,” dagdag pa ng dalaga.
Napahiya sa harap ng maraming tao itong si Kiko. Hindi niya rin akalain na masyadong nagpapasilaw ang nililigawan niya sa materyal na bagay.
Ilang araw ang nakalipas at hindi na nga nagpakita pa si Kiko. Samantalang si Maribel naman ay hintay nang hintay kung kailan aamin sa kaniya ang suki ng cafe na si Migs.
Lumipas ang isang buwan at talagang ginawa na ni Maribel ang lahat upang mapansin siya ni Migs. Ngunit balewala lang ito sa binata.
Hanggang sa isang araw ay may isang pamilyar na mukha ang naroon sa cafe.
“Kiko, hindi ba’t sinabihan na kita na na huwag ka nang pumunta rito sa cafe at wala ka talagang pag-asa sa akin?” sita ni Maribel.
“Malinaw naman sa akin iyon, Maribel. Pero hindi ikaw ang pinunta ko rito. Dito gusto ng nobya ko na magkita kami. Siguro naman ay p’wede pa rin akong pumunta rito dahil isa akong kustomer at hindi mo naman ito pagmamay-ari,” wika pa ng binata.
Bahagyang napahiya itong si Maribel. Sa palagay niya ay pinasasakitan lang siya ng binata kaya doon pa nito piniling dalhin ang sinasabi nitong kasintahan.
Maya-maya ay dumating na ang babaeng sinasabi ni Kiko. Malambing ang turingan nila sa isa’t isa. Hindi tuloy maiwasan ni Maribel ang mainis sa kanila.
“Kung pumulupot, akala mo sawa. Bakit hindi na lang sila pumunta sa ibang lugar at doon mag lampungan?” bulong ni Maribel.
Narinig naman ito ng kaniyang manager.
“Huwag mong sabihin sa akin na nagseselos ka dahil may iba nang gusto si Kiko? Ikaw naman kasi, noon ay hulog na hulog sa’yo ang binatang ‘yan tapos ay ipinagtabuyan mo!” saad ni Alex.
“Wala naman po talaga akong gusto d’yan kay Kiko, sir. Alam n’yo naman po kung sino talaga ang gusto ko. At pinag-uusapan pa lang natin ngayon, heto na nga siya. Sa tingin ko, sir, aamin na siya sa akin ngayon!” kinikilig na sambit ng dalaga habang nakatingin kay Migs na may dalang bulaklak.
“Makikita niyang, Kiko, na ‘yan! Sa wakas ay magkakaroon na ako ng nobyo na gwapo at may magandang kotse!” dagdag nito.
“O siya, iwanan na kita riyan at tuparin mo na ang pangarap mo!” saad muli ng manager.
Paglapit ni Migs ay agad na nagwika si Maribel.
“Oo, Sir Migs, gusto rin kita. Sa totoo nga ay matagal ko nang hinihintay na mapansin mo rin ako. Kaya kung manliligaw ka sa akin ay sinasagot na kita,” sambit ng dalaga.
Napataas naman ng kilay ang binata.
“A-ano ang sinasabi mo riyan? Hindi para sa iyo ang bulaklak na ‘to. Narito lang ako para mag-order. Anong panliligaw ang sinasabi mo riyan? Ang bulaklak na ito ay para sa kasintahan ko,” wika ni Migs sabay turo sa isang matandang babae.
Labis na napahiya si Maribel sa pagkakataong iyon. Hindi niya rin akalain na ang lalaking gusto niya ay nobyo pala ng isang matrona. Ang sasakyang gamit nito ay pinahiram lang ng matanda.
Pabalik na si Migs sa inuupuan ng kaniyang kasintahan nang bigla niyang makita si Kiko. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay magkakilala pala ang mga ito.
“Pare, nandito ka pala? Musta ka na? Siya ba ang kasintahan mo?” saad ni Migs.
“Oo, pare, siya nga. Ang liit naman ng mundo at dito pa tayo nagkita. Sabi ko na nga ba’t parang pamilyar ‘yung sasakyang nasa labas,” wika naman ni Kiko.
“Huwag mong sabihing hanggang ngayon ay wala ka pa ring sariling sasakyan? Ikaw naman kasi, saan mo ba inilalagay ang sangkatutak na pera mo? Para sasakyan lang ay hindi ka pa bumili? Swerte ‘tong nobya mo sa iyo. Hindi niya siguro alam kung gaano kayaman ang kasama niya ngayon! Hindi bumibili ng sasakyan si Kiko dahil wala siyang ibang ginawa kung hindi bumili ng mga lupa at iba pang ari-arian!” saad pa ng binata.
“May sasakyan naman ako, nasira lang kaya pinapagawa ko pa. Hindi ko naman kailangan pang bumili ng bago dahil magagamit pa naman ‘yun. Mas mainam nang ilagay ko ang pera ko sa mga lupain dahil paglipas ng panahon ay bababa ang halaga ng sasakyan pero hindi ang lupa. Nagawa ko pang kumita lalo dahil ginawa kong taniman ang ibang lupain na nabili ko,” kwento pa ni Kiko.
Habang naririnig ni Maribel ang lahat ng ito’y hindi siya makapaniwala. Isang matabang isda pala ang kaniyang pinakawalan. Hinayang na hinayang siya dahil pagkakataon na sana iyon para mabago ang kaniyang buhay, ngunit mas pinili niyang ipagtabuyan ito nang dahil lang sa wala itong sariling sasakyan.
“Sayang naman, Mirabel. Pagkakataon mo na sanang matupad ang pangarap mo. Mayaman na tapos ay mahal na mahal ka pa. ‘Yan kasi, e, sabi na sa’yo huwag kang tumingin lang sa materyal na bagay,” pangangantiyaw pa ng manager.