Inday TrendingInday Trending
Ipinagpalit ng Ginoo ang Dalagang Anak sa Malaking Halaga; Hindi Akalain ng Dalaga Kung Sino ang Bumili sa Kaniya

Ipinagpalit ng Ginoo ang Dalagang Anak sa Malaking Halaga; Hindi Akalain ng Dalaga Kung Sino ang Bumili sa Kaniya

Nagkukumahog si Nida sa pag-eempake ng gamit nilang mag-ina. Natatakot kasi siyang maabutan ng kaniyang mister na si Danny. Sigurado kasing latay na naman ang kaniyang kahaharapin kapag nagkataon.

Ibang-iba ang buhay ngayon ni Nida, taliwas sa ipinangako sa kaniya ng asawa noong nanliligaw pa ito. Hindi niya kasi alam na lulong ito sa alak at sa tuwing nalalasing ay pinagbubuhatan siya ng kamay. Dahil dito ay nais na niyang makawala sa kanilang relasyon. Hindi rin kasi siya panatag sa magiging kinabukasan ng kanilang anak na sanggol pa lang.

Paalis na sana ang mag-ina nang biglang marinig ng ginang ang motorsiklo ng asawa. Labis ang kaniyang pangangatog. Hindi niya alam kung paano itatago ang mga naka-empakeng gamit.

Itatago pa lang niya ang bag ay biglang pumasok na ang asawa.

“Anong ibig sabihin nito, Nida? Aalis kayo ng bata?” galit na sigaw ni Danny.

“D-dadalaw lang kami sa mga magulang ko, Danny. Nakikiusap kasi si tatay na gusto niyang makasama ang apo niya. Kung gusto mo ay ihatid mo pa kami,” nangangatal na sambit ni Nida.

“At ako pa ang gagawin mong tanga? Alam kong tatakas ka at isasama mo pa itong anak ko! Saan kayo pupunta, a? Siguro ay may kalaguyo ka kaya nagmamalaki ka na, ‘no? Ituro mo sa akin kung nasaan ‘yang lalaking iyan at gigil*tan ko ng leeg sa harap mo! At saka kita isusunod! Ayoko sa lahat ay ‘yung ging@go ako!” bulyaw pa ng mister.

Todo tanggi si Nida sa paratang ni Danny. Tunay naman kasi na wala siyang ibang lalaki. Nais lang talaga niyang makawala sa pananakit ng asawa. Sadyang nanganganib na kasi ang buhay nilang mag-ina sa piling nito.

Pilit na kinakalma ni Nida ang mister ngunit ayaw nitong papigil. Kaya naman hindi na rin nakapagtimpi si Nida at inamin na niya ang totoo.

“Sawang-sawa na ako sa buhay na ganito, Danny. Araw-araw na lang ay gumigising ako at natatakot na baka saktan mo na naman ako. Hindi panatag ang utak ko dahil baka mamaya ay madamay ang anak natin. Wala siyang kalaban-laban! Ang gusto ko lang naman ay maging maayos ang pamilya na ‘to. Pero hindi ‘yun mangyayari hangga’t hindi mo iniiwasan ang bisyo mo,” sambit ni Nida.

“Sa akin mo na naman ibibintang ang lahat! Ang sabihin mo ay nais mo lang pagtakpan ang pagiging malandi mo! Sabihin mo sa akin kung sino ang lalaking naghihintay sa inyo ng anak ko. Sino ‘yang lalaking pinagmamalaki mo?!” wika pa ng ginoo.

Talagang sarado na ang isip ni Danny pagdating sa kaniyang asawa. Wala na lang nagawa pa si Nida kung hindi ang umiyak at tiisin ang pananakit ng mister.

Nang makatulog na si Danny ay muling tinangka ni Nida ang tumakas kasama ang anak. Palabas na sana siya ng pinto nang biglang umiyak ang bata. Nagising ang mister at agad na hinanap ang kaniyang mag-ina.

Dito na sinimulan ni Nida ang pagtakbo, ngunit dali-dali silang hinabol ni Danny.

“Anak, parang awa mo na. Huwag ka na munang umiyak ngayon. Kailangan nating makatakas sa tatay mo,” sambit ni Nida.

Dahil hindi magkandaugaga sa kaniyang mga dala ay nahuli sila ni Danny. Agad na kinuha nito ang bata, saka sinabunutan si Nida at hinila pauwi.

Pilit na nanlaban naman ang ginang. Sa labis na galit ni Danny ay sinuntok niya ang misis at itinulak, sanhi upang tumama ang ulo nito sa isang bato at mawalan ng malay.

Dito na siya natauhan. Pilit niyang ginigising ang asawa ngunit tila wala na itong buhay. Tiningnan ni Danny kung may tao sa paligid. Upang mapagtakpan ang kaniyang ginawa ay itinapon niya sa ilog ang asawa. Hangad niyang sana’y hindi na ito matagpuan pa ng kahit sino.

Kinabukasan ay umarte si Danny na parang walang nangyari. Sa tuwing hinahanap sa kaniya si Nida ay sinasabi nitong sumama na ito sa ibang lalaki at iniwan sa kaniya ang anak. Ito ang lagi niyang bukambibig hangga’t hindi lumulutang ang katawan ni Nida.

Lumipas ang isang taon at sadyang hindi na natagpuan si Nida. Nakatakas na si Danny sa kaniyang pagkakasala. Samantala, pinalaki naman niya ang anak sa paniniwalang sumama ang ina nito sa ibang lalaki at iniwan ito sa kaniya.

Hindi rin naging maayos ang relasyon ni Danny sa kaniyang anak. Dahil hindi pa rin siya nakakaiwas sa kaniyang bisyo ay madalas rin niya itong pagbuhatan ng kamay.

“Dapat talaga ay sumama ka na lang sa ina mo! E, ‘di sana ngayon ay wala akong problema! Pareho kayo ng nanay mong malas sa buhay ko!” wika ni Danny sa anak na si Mae.

Ilang beses nang nagtangkang lumayas din ang dalaga mula sa poder ng kaniyang ama ngunit lagi lang siya nitong nahahanap. Ni ayaw siya nitong ipakita sa kaniyang mga lolo at lola at ibang kamag-anak kaya wala siyang mahingan ng tulong.

Isang araw ay sobrang problemado si Danny sa laki ng utang niya dahil sa pagsasabong. Sa init ng kaniyang ulo ay napagbuhatan na naman niya ng kamay si Mae. Pilit siyang nag-iisip kung paano makakatakas sa malaking pagkakautang. Hanggang sa isang araw ay may nakausap siyang isang lalaki.

“Malaki ang gusto ko sa anak mo, e. Baka p’wede ko siyang bilhin ng isang daang libong piso? Tingin ko ay ayos na ‘yan para mabayaran mo ang lahat ng utang mo,” saad ng lalaki.

Imbes na tanggihan ni Danny ang alok ng lalaki ay nakipagtawaran pa ito.

“Ganyan bang kababa ang tingin mo sa anak ko? Gawin mong tatlong daang libong piso at papayag ako!” saad ng tusong ama.

Agad na nagkasundo ang dalawa. Nang oras ding iyon ay agad na umuwi si Danny upang kunin ang anak.

“Magbihis ka at aalis tayo!” bungad nito kay Mae.

“S-saan po tayo pupunta, ‘tay?” tanong ng dalaga.

“H’wag nang maraming tanong, Mae! Sumunod ka na lang sa sinasabi ko. Ito lang ang pagkakataon na ipinagpapasalamat ko na ikaw ang naging anak ko! Magbihis ka na at sasama ka sa akin!” bulyaw ng ama.

Nakaramdam ng takot si Mae sa nais gawin ng ama. Ngunit sa labis na takot at wala siyang magawa kung hindi ang sumama.

Dumating sila sa isang bakanteng lote kung saan may naghihintay na isang itim na van. Bumaba ang lalaking kausap ni Danny at may dala itong isang bag na puno ng pera.

“Tatlong daang libong piso ang lahat ng iyan. Kung gusto mo ay bilangin mo pa para maka-sigurado ka,” saad ng lalaki.

“Hindi na, alam ko namang hindi mo ako lolokohin. O, heto, sa iyo na itong anak ko. Ikaw na ang bahala sa kaniya. Mula ngayon ay sakit mo na siya ng ulo!” wika naman ni Danny.

Pilit na lumalaban si Mae upang hindi siya kunin ng lalaki.

“‘Tay, bakit n’yo po ako ibinenta? Parang awa n’yo na bawiin mo na ako sa kaniya, ‘tay! Susunod na ako sa lahat ng ipag-uutos mo!” natatakot na wika ng dalaga.

Pilit pa ring isinakay ng lalaki si Mae sa itim na van.

Wala namang ginawa ang dalaga kung hindi umiyak.

“Wala kang dapat ipag-alala, Mae. Nasa mabuti kang kamay,” saad ng lalaki.

Pagtingin niya sa kaniyang tabi ay nakaupo ang isang babae. Nang pakatitigan niya ito’y pamilyar ang mukha nito.

“‘Nay, kayo po ba ‘yan? Ikaw po ba ang nanay ko?!” lumuluhang sambit ni Mae.

“Ako nga, anak. Pasensya ka na at ngayon lang kita nakuha sa walang hiyang lalaking iyon! Huwag kang mag-alala dahil tapos na ang lahat ng kalbaryo mo. Ngayon ay pagbabayaran ni Danny ang lahat ng kasalanan niya sa ating dalawa!” wika ng ginang.

“A-akala ko po talaga ay wala na kayong pakialam sa akin dahil sumama na kayo sa ibang lalaki at iniwan ako. Hindi ako makapaniwala na kasama na kita ngayon!” patuloy sa pagluha ang dalaga.

“Hindi totoo ‘yan, anak. Sinaktan ako ng ama mo at saka inihulog sa ilog. Nagpanggap akong wala nang buhay dahil iyon lang ang paraan para makatakas ako. Nagpakalayu-layo ako. Ginawa ang lahat upang umasenso sa buhay. Nais kong sa aking pagbabalik ay tuluyan nang bigyan ng leksyon ang mapang-abusong lalaking ‘yun. Ang buong akala niya ay magiging maayos na ang kaniyang buhay habang nasa kanya ang pera ko. Pero nagkakamali siya. Sa mga oras na ito ay dinadampot na siya ng mga pulis. Sa wakas ay mabubulok na siya sa kulungan at pagbabayaran na niya ang lahat ng maling ginawa niya,” napaluha na rin si Nida.

Niyakap ni Nida nang mahigpit ang kaniyang anak. Sa hinaba ng panahon na sila ay magkahiwalay, sa wakas ay nahagkan na niya nito. Napawi ng mga yakap na iyon ang pangungulila nila sa isa’t isa.

Samantala, tuluyan nang nakulong si Danny dahil sa tangkang pagp*slang sa dating asawa. Kinasuhan rin siya dahil sa pang-aabuso sa dalagang anak.

Sa wakas ay magkasama na ang mag-ina. Masaya sila dahil nakuha na rin nila ang hustisya na matagal na nilang inaasam. Ngayon ay kaya na nilang mabuhay nang magkasama na walang iniindang takot at pangamba.

Advertisement