Diretsahang Minaliit ng mga Kaanak ng Misis ang Kaniyang “House Husband”; Ito ang Bwelta sa Kanila ng Ginang
Sobrang nanlulumo si Sonny dahil hindi niya alam kung paano sasabihin sa asawang si Leah na unti-unti nang nalugi ang kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan dahil sa pand*mya at isa siya sa mga natanggal. Plano pa naman niyang pauwiin na ang asawa upang huwag nang magtrabaho sa ibang bansa.
Ngunit paano niya ito magagawa gayong wala na siyang trabaho?
Malungkot man ay kailangan niyang tatagan ang kaniyang loob. Patuloy siya sa paghahanap ng trabaho. Nais niyang bago pa man makarating sa kaniyang misis na nawalan siya ng hanapbuhay ay nakakita na siya ng bago.
Lumipas ang tatlong buwan at wala pa ring makitang trabaho ang ginoo. Maging ang anak nito’y nagtatanong na rin sa kaniya dahil hindi na siya nito nakikitang umaalis sa bahay.
“Naka work from home lang ang daddy, anak. Bakit mo naman naitanong?” pagtataka ni Sonny.
“Kasi noong isang araw po ay nagkausap kami ni Tita Myrna. Tinatanong po niya sa akin kung may trabaho ka pa raw po ba. Nabalitaan daw po niyang nagkatanggalan sa opisina ninyo,” sambit naman ng anak.
Batid ni Sonny na hindi na magtatagal ang kaniyang lihim at malalaman na rin ng kaniyang asawa. Hanggang sa dumating na nga ang araw na ito.
“Kailan mo balak sabihin ito sa akin, Sonny? Asawa mo ako. Dapat nalalaman ko ang ganitong mga bagay! Kung hindi pa sinabi sa akin ni Ate Myrna ay hindi ko pa malalaman,” galit na wika ni Leah.
“Balak ko namang sabihin sa iyo talaga, mahal, pero humahanap lang ako ng tiyempo. Siyempre, ayaw ko ring mag-alala ka. Ayokong mag-isip ka pa lalo dahil sa mga bayarin dito. Huwag kang mag-alala at humahanap naman ako ng iba pang trabaho. Nang sa gayon ay matuloy ang plano ng pag-uwi mo,” wika muli ng ginoo.
“Sa susunod na linggo na ang flight ko pauwi riyan. Doon natin pag-usapan ang lahat ng plano nang masinsinan. Alam nating parehong walang permanenteng trabaho ngayon d’yan sa Pilipinas. Hindi ko kailangang bitawan ang pagiging nurse ko rito sa Dubai. Kaya imposible ‘yang sinasabi mong plano na pag-uwi ko nang permanente ngayong taon,” sambit pa ng misis.
Hindi maiwasan ni Sonny ang manliit sa kaniyang sarili. Bilang padre de pamilya kasi’y siya dapat ang tumataguyod sa kanilang mag-anak. Naaawa na rin siya sa kaniyang misis dahil isinasakripisyo nito ang malayo sa kanila kapalit ng malaking sweldo.
Pag-uwi ni Leah sa Pilipinas ay pinutakte na agad siya ng mga intriga mula sa kaniyang mga kapatid. Lalo na nang nalaman pa ng mga ito ang plano niyang dalhin na lang sa Dubai ang kaniyang mag-ama.
“Nahihibang ka na ba o talagang martyr? Pinahihirapan mo lang ang sarili mo kung dadalhin mo silang dalawa ng anak mo sa Dubai. Aba’y ikaw na ang nagsabi na mahal ang mabuhay doon!” saad ng kaniyang Ate Myrna.
“Wala na rin namang makuhang trabaho rito si Sonny. Doon ay mas may tyansa siyang makakuha ng trabaho. Susugal na lang kami. May sarili naman na kaming bahay dito sa Pilipinas. Maaari namang umuwi kung hindi kami magtagumpay,” wika naman ni Leah.
“Talagang ayos lang sa iyo na maging pabigat ang asawa mo, ‘no? Kapag nakaranas ‘yan ng panahon na walang trabaho at binubuhay mo siya’y masasanay na ‘yan! Baka hindi na ‘yan maghanap ng trabaho at ikaw na lang ang magkandakuba sa pagbabanat ng buto,” giit muli ng kapatid.
Sa kabila ng lahat ng isyu ay ipinagpatuloy pa rin ni Leah at Sonny ang kanilang plano na mag-Dubai.
Pagdating palang sa ibang bansa ni Leah ay halos ibaba lang niya ang gamit at sasabak na naman siya sa kaniyang trabaho bilang isang nars. Masarap sana kung makakapiling niya muna ang kaniyang mag-ama at kung makakapamasyal sila. Ngunit kailangan nila itong isantabi muna dahil mas importanteng kumita.
Sa paglipas ng mga araw ay nakagawian na ng mag-asawa ang kanilang iskedyul. Si Leah ang magtatrabaho habang si Sonny naman ang maiiwan sa bahay upang mag-asikaso ng lahat pati ng kanilang anak.
Tutol na tutol dito ang mga kaanak ni Leah. Pakiramdam nila’y ubod ng tamad itong si Sonny at wala na talagang balak pang maghanap ng trabaho.
Sa inis ni Myrna deretsahan na niyang kinausap ang bayaw.
“Sonny, p’wede bang huwag kang maging batugan at gampanan mo naman ang pagiging padre de pamilya mo? Talaga bang magbubuhay hari ka na lang diyan at hahayaan mo na lang ang kapatid ko ang kumikilos? Kung alam lang namin na ganyan ka ay hindi na lang kami pumayag na maikasal sa’yo si Leah. Hindi porket hindi umaalma ang kapatid ko ay aabusuhin mo na ang kabaitan niya!” sita ni Myrna.
Magkahalong hiya at sama ng loob ang naramdaman ni Sonny. Hindi niya maunawaan kung bakit kailangan siyang pagsalitaan ng masakit ng pamilya ng kaniyang asawa. Nais rin niyang makausap si Leah, baka naman nagrereklamo na rin ito dahil wala siyang trabaho.
Nang malaman naman ni Leah ang pangyayari ay agad niyang tinawagan ang kaniyang Ate Myrna.
“Pinapahalagahan ko ang pagtingin ninyo sa akin pero hindi tama na pagsalitaan n’yo ng ‘di maganda ang asawa ko. Lalo ka na, Ate Myrna. Wala naman kayo sa katayuan para pakialaman ang buhay namin. Hindi naman ako nagrereklamo dahil wala naman talagang madaling trabaho. Pero mali ang iniisip n’yo kay Sonny. Nagkataon lang na hindi pa siya makahanap ng trabaho sa ngayon. Hindi rin ito madali rin para sa kaniya. Pero sa hinaba ng panahon na narito ako sa ibang bansa, ngayon lang ako nakaramdam ng katiwasayan dahil nakaayos na ang lahat. Paggising ko ay hindi na ako nagkukumahog at hindi na ako nalilipasan ng gutom dahil nakahanda na ang susuotin ko at pati na rin ang agahan. May baon pa akong pagkain sa trabaho. Pag-uwi ko ay malinis na ang lahat. Pati si Junjun ay naasikaso na pati ang mga asignatura niya. Bilang mag-asawa ay ganito naman ang sinumpaan namin — na magsasama kami sa hirap at ginhawa. Kahit na mas malaki ang gastusin ko ngayon dahil narito sila’y hindi ko pagpapalit dahil ngayon ay hindi ko na kailangan pang mangulila. Ngayon ay mas sabik na akong pumasok sa trabaho at umuwi dahil alam kong dadatnan ko sila rito. Kung pilit pa kayong mangingialam sa pamilya ko ay hindi ako magdadalawang isip na putulin na ang komunikasyon natin. Suporta ang kailangan namin ngayon, hindi isyu’t panghuhusga!” mariring sambit ni Leah.
Natauhan na si Myrna at iba pang kaanak dahil sa sinabing ito ng ginang. Labis din ang paghingi nila ng paumanhin kay Sonny dahil sa masasakit na sinabi.
Pinatunayan naman ni Sonny na kahit ang misis ang nagtatrabaho ay gagawin pa rin niya ang kaniyang parte para mamuhay sila nang matiwasay.
Hindi naman huminto si Sonny sa paghahanap rin ng trabaho.
Makalipas ang ilang buwan ay natanggap na si Sonny sa isang kompanya sa Canada. Madadala na rin niya ang kaniyang pamilya roon at dahil sa laki ng sahod ay hindi na kailangan pa ni Leah na magtrabaho.
“Maraming salamat sa sakripisyo mo, mahal. Sa wakas ay matutupad na ang pangarap kong pahintuin ka sa trabaho dahil ayaw kong nahihirapan ka. Pasensya ka na at natagalan, ha. Ito pala ang dahilan kaya nawalan din ako ng trabaho sa Pilipinas. Dito pala talaga tayo sa Canada dadalhin ng tadhana,” saad ni Sonny sa kaniyang misis.
“Asawa kita, Sonny, at nangako akong mananatili sa tabi mo anuman ang mangyari. Naniniwala naman kasi akong gagawin mo ang lahat mabigyan lang kami ng anak mo ng magandang buhay, At heto na nga ‘yun! Masaya ako para sa pamilya natin,” saad naman ni Leah.
Masaya at masaganang namuhay ang mag-anak sa Canada. Higit pa roon ang ligaya sa puso ni Sonny dahil sa wakas ay nabigyan na rin niya ng magandang kinabukasan ang kaniyang mag-ina.