Isinantabi Niya Muna ang Sariling Kaligayahan Para sa Pag-Aaral ng Bunsong Kapatid; Matupad Naman Kaya Nito ang Pangako sa Kaniya?
Mangiyak-ngiyak na pumalakpak si Chona, habang nakatitig sa may entablado kung saan naroon ang kaniyang bunsong kapatid na si Clea upang tanggapin ang mga parangal na bigay ng eskwelahan. Nakangiti itong lumingon sa pwesto niya sabay angat ng mga parangal na hawak ng kamay nito.
“Congrats!” sigaw niya. Kahit alam naman niyang malabong marinig ng kapatid ang kaniyang sinambit dahil sa ingay ng buong kapaligiran.
Tatlong taon pa lamang noon ang bunsong kapatid nang parehong nasawi ang kanilang mga magulang sa isang aksidente. Simula noon ay siya na ang tumayong ina at ama para kay Clea. Sa murang edad ay maaga siyang naharap sa isang mabigat na obligasyon.
Naalala niya pa noong kinausap siya ni Clea, isang beses nang ipakilala niya ang dating nobyong si James.
“Ate, huwag ka na munang mag-aasawa ha?” nakikiusap na wika ni Clea. “Huwag mo muna akong iwanan, patapusin mo muna ako sa pag-aaral. Pangako, kapag nakapagtapos na ako kahit ora-mismong mag-asawa ka’y hindi ko pipigilan. Pero sa ngayon ate, huwag ka na munang mag-asawa. Paano na lang ako kapag may sarili ka nang pamilya?” nakalabing wika pa nito.
Bente dos anyos siya noong mga panahon na iyon, habang katorse anyos naman si Clea. Dahil sa simpleng pakiusap ng kapatid noon kaya hindi niya naisipang mag-asawa. Ipinangako niya ritong hindi na muna siya mag-iisip na mag-asawa hangga’t hindi niya nakikitang nakapagtapos na ang bunso sa pag-aaral, at gano’n rin ito. Nangako si Clea na pag-iigihan ang pag-aaral, basta suportahan lamang niya ito.
At ngayon ngang umaakyat ito sa entablado upang kunin ang mga nakuhang parangal na bunga ng pagtitiyaga at paghihirap nito’y gusto niyang humagulhol ng iyak. Hindi naging madali ang pinagdaanan niya para lamang makarating sila sa araw na ito. Dobleng kayod ang kaniyang ginawa – pawis at luha ang naging puhunan niya maitaguyod lamang ang pag-aaral ni Clea.
Hindi madali ang maging ina, ama, at kapatid nang sabay-sabay. May mga oras na gusto na niyang sukuan ang binitawang pangako noon. Minsan ay parang gusto niyang unahin na muna ang sarili at bitiwan na muna ang matagal nang pagpasan sa kapatid. May mga oras na halos sisihin niya ang mga namayapang mga magulang dahil sa iniwan nitong obligasyon sa kaniya. May mga gabing umiiyak siyang mag-isa, dahil pakiramdam niya’y isang tali sa leeg ang ginagawa niyang pag-suporta sa bunsong kapatid.
Ngunit kahit gano’n ay mas pinili niyang pasanin ito, suportahan hanggang sa dulo, tuparin ang binitawang pangako, at ngayon nga’y nakikita niyang nagsisimula na niyang anihin ang kaniyang itinanim.
Patakbong naglakad si Clea palapit sa kaniyang pwesto at agad siyang niyakap nang mahigpit. Tatawa sana siya nang maramdaman ang katawan nito, nang agad ring matigilan nang marinig ang malakas nitong paghagulhol.
“A-anong problema, Clea?” taka niyang tanong.
Umiling-iling ito saka pahikbing nagsalita. “Maraming-maraming salamat, ate,” humihibing sambit ni Clea. “Kung hindi dahil sa tulong mo, hindi ako makakarating dito. Salamat sa sakripisyong ginawa mo. Salamat, ate, sobrang maraming salamat.”
Pinilit ni Chona na patatagin ang kaniyang loob at pigilan ang paghagulhol ng iyak. Sayang ang kaniyang make-up, mahal pa naman ang bili niya sa mga iyon, tapos mahuhulas lang ng luha.
Sa lahat ng hirap, pawis, luha at marami pang iba’y masasabi ni Chona na lahat ng iyon ay nawala na sa kaniyang puso na parang bula, ngayong nakikita niya tagumpay ng kapatid. Hindi lang naman siya ang naghirap, alam niyang labis-labis rin ang paghihirap na naranasan ni Clea. Iisa lang ang kaniyang ipinagpapasalamat… iyon ay pinahalagahan ni Clea ang tulong niya. Hindi nito sinayang ang ibinigay niyang tiwala at suporta. Higit pa sa nais niya ang ibinalik nito.
Hindi naman niya hiniling sa kapatid na maging pinakamatalino sa klase, sapat na kaniya ang makita itong grumaduate, ngunit higit sa kaniyang inaasahan ang ibinalik ni Clea, sapat upang masabi niyang nabayaran lahat ang kaniyang paghihirap.
“Pwedeng-pwede ka nang mag-asawa, ate. Hindi na ako mangingi-alam,” maya maya’y wika ni Clea, sa umiiyak na tono.
Hindi napigilan ni Chona ang mapangiti sa narinig. Trenta’y dos anyos na siya ngayon at walang nobyo, kaya paano niya magagawa ang sinasabi nito? Inakbayan niya ang kapatid saka mahinang tumawa.
“Salamat naman at binigyan mo na ako ng basbas para makapag-asawa,” natatawa niyang sambit. “Ang kaso nga lang ay wala naman akong nobyo,” aniya at kunwa’y nag-isip.
“I’m sorry, ate,” nakayukong wika ni Clea. “Alam kong ako ang dahilan kaya hindi ka na ulit pumasok sa isang relasyon. Pasensya ka na talaga ate,” dugtong nito.
“Ayos lang iyon, Clea. Wala naman akong pinagsisihan sa mga naging desisyon ko. Tingnan mo naman oh,” aniya sabay turo sa kapatid. “Cum laude ka, hinigitan mo pa ang inaasahan ko sa’yo. Tinupad mo ang pangakong mong pagbubutihan mo ang pag-aaral mo, at hindi mo sinayang ang pagod ko. Ngayong graduate ka na’y syempre sisimulan ko na rin ang paghahanap kay Mister Right, okay lang ba?” aniya, habang nakaguhit sa labi ang matamis na ngiti.
Bigla namang umaliwalas ang mukha ni Clea sa sinabi niya. “Okay na okay na po sa’kin, ate,” masayang sagot nito. “Babawi ako sa’yo, ate, pangako,” anito at muli siyang niyakap nang mahigpit.
Hindi na sumagot si Chona. Sa totoo lang ay hindi naman niya kailangan ang ganti ni Clea. Masaya na siyang nakikita itong masaya at mas lalo siyang masaya dahil natupad niya ang pangarap nito, at hanggang sa dulo’y hindi niya ito binitawan. Alam niyang kung ano man ang daang tatahakin ni Clea ay naroroon siya palagi upang gabayan at samahan ito… kahit pa may sarili na siyang pamilya.