Inday TrendingInday Trending
Nangako ang Binata na sa Pagmulat Nito Mula sa Operasyon ay Pupunta Ito Agad sa Kaniya; Mangyari Kaya ang Binitawan Nitong Pangako?

Nangako ang Binata na sa Pagmulat Nito Mula sa Operasyon ay Pupunta Ito Agad sa Kaniya; Mangyari Kaya ang Binitawan Nitong Pangako?

Mahihinang mga hakbang ang ginawa ni Althea habang panay ang tingin sa buong paligid at simpleng sumisinghap ng preskong hangin upang punuin ang baga. Pinagmamasdan ang mga taong gaya niya’y nakasuot ng pang-pasyenteng damit, na naroon rin sa labas upang siguro’y tingnan ang ganda ng kalangitan.

“Anong sakit mo?” anang baritonong boses ng lalaki.

Sa pagkabigla ay marahas siyang napalingon sa gawi nito. Nahalata naman nito ang kaniyang pagkagulat kaya agad itong ngumiti at sinundan ang tanong.

“Napansin ko kasi kanina habang naglalakad ka sa harapan ko’y parang ninanamnam mo ang hangin at tanawin rito sa labas. Bakit, may taning na ba ang buhay mo?” deretsong tanong nito.

Agad na tumaas ang kaliwang kilay ni Althea sa deretsong tanong nito. Hindi niya kilala ang lalaki, pero kung makipag-usap ito sa kaniya’y para bang matagal na silang magkaibigan. Base sa kaniyang nakikita’y pasyente rin ito sa ospital kung saan siya naroroon. Pareho kasi sila ng damit, kaya hindi kataka-taka.

“Tatlong araw na kasi akong naka-admit rito sa ospital, kaya namiss ko lang ang labas. May taning agad!?” sarkastiko niyang tugon.

Narinig niya ang mahinang tawa nito. “Pasensya ka na. Ganyan kasi lagi ang nakikita kong itsura ng mga taong may taning na,” sagot nito.

Nalaman niyang suki na pala ng ospital na iyon ang lalaki, hindi man niya tinanong ang pangalan nito’y kusa itong nagpakilala sa kaniya. Kabastusan naman kung hindi siya magpakilala rin rito. Iyon ang unang araw na nagkakilala sila, pero kung magkwento ito’y parang isang pelikulang isinalaysay nito ang buong kwento ng buhay nito.

Nalaman niyang may malubhang karamdaman si Jayrus, ang pangalan nito. Ilang taon na itong nagdurusa sa sakit na iyon, at ayon rito’y matagal na rin itong naghihintay ng kidney donor. Walang-wala ang sakit niya sa sakit ng lalaki.

Na ospital siya ng tatlong araw hindi dahil may malala siyang sakit. Naaksidente ang sinasakyan niyang dyip at malala ang naging galos niya… salamat dahil hindi naman siya nadisgrasya.

“Pero sabi ni mama, naka-schedule na raw ako for operation,” nakangiting wika ng binata.

“Kailan naman daw ang operation mo?”

“Bukas… baka paggising ko, na-discharge ka na niyan. Sana magkita pa tayong muli,” anito.

Matamis siyang ngumiti. “Hayaan mo, dadalawin kita rito kapag nakalabas na nga ako niyan. Magpalakas ka’t huwag mawalan ng pag-asa. Tingnan mo, sa ilang taon na paghihintay at paghihirap, may donor ka na. Habang may buhay, may pag-asa.”

Isang matamis na ngiti lamang ang itinugon ng binata. Hinatid pa siya ni Jayrus bago ito bumalik sa sarili nitong silid.

“Dadaan ako rito bukas bago ako papasok sa operating room, ayos lang ba?” paalam nito.

“Oo naman, walang problema. Good luck sa operation mo bukas,” nakangiting inabot ni Althea ang kamay ni Jayrus. “Magiging okay ka rin, magtiwala ka lang.”

Alas sais ng umaga’y naroon na nga sa silid niya si Jayrus, ayon rito’y ala-una ng hapon ang iskedyul ng operasyon nito. Marami silang napag-usapan na animo’y napakatagal na nilang magkakilala. Nang dumating ang alas-dose’y nagpaalam na ito at muli niya itong binigyan ng pampalakas loob na mensahe, sabay yakap rito nang mahigpit. Magaan ang loob niya kay Jayrus, siguro’y dahil nararamdaman niyang mabait ang binata.

“Pagkagising na pagkagising ko ulit, Althea, ikaw agad ang pupuntahan ko, pangako iyon,” ani Jayrus.

Isang nakakaunawang tango at matamis na ngiti ang itinugon ni Althea para sa bagong kaibigan. Alam niyang magtatagumpay ang operasyon ng bagong kaibigan. Hindi man niya lubos na kilala si Jayrus, ramdam niyang malakas ito.

Makalipas ang dalawang araw ay hindi pa rin dumadalaw sa kaniya si Jayrus, iniisip na lamang niyang baka tulog pa ito, o ‘di kaya’y baka bumabawi pa ng lakas ang katawan nito sanhi ng operasyon.

“Althea!” sigaw ng pamilyar na boses.

“Jayrus!” masayang sambit ni Althea sa pangalan ng binata. “Kagigising mo lang? Kumusta? Ayos na ba ang pakiramdam mo?” sunod-sunod niyang tanong.

Isang nahahapong ngiti ang gumuhit sa mukha ng binata. “Akala ko nakalabas ka na. Ikaw, kumusta ang pakiramdam mo? Magaling na ba ang mga sugat mo sanhi ng nangyaring aksidente?”

Imbes na sagutin ang kaniyang mga tanong ay iniiba ni Jayrus ang usapan. Ngunit kaysa usisain pa ito nang usisain ay nagdesisyon siyang paupuin ang kaibigan. Nakikita naman niyang maayos ito, kaya malamang ay matagumpay ang nangyaring operasyon. Salamat naman at nagkita na silang ulit, bukas na pa naman ang labas niya ng ospital.

“Akala ko hindi na kita makikitang muli, Jayrus. Mabuti naman at nagising ka ngayon, hayaan mo dadalawin pa rin kita dito hanggang sa tuluyan ka nang gumaling,” masayang kausap ni Althea sa kaibigan.

Isang malungkot na ngiti ang gumuhit sa labi ng binata at matamang tinitigan ang kaniyang mukha. “Saglit lamang tayong nagkakilala, Althea, pero naging isang napaka-importante mong tao para sa’kin. Nagpapasalamat ako’t nagkakilala tayong dalawa,” anito.

Ganoon rin naman siya. Sana nga’y maging maayos na ang lahat para sa lalaki, dahil ramdam niyang may potensyal silang dalawa. Mabait si Jayrus, at hindi ito mahirap mahalin.

“Bakit ba ang lungkot-lungkot ng mukha mo? Hindi ba dapat ay magsaya tayo dahil sa wakas, maayos nang gumagana ang kidney mo, hindi ka na mahihirapan at magiging normal na ulit ang buhay mo? Hindi gaya dating nasa ospital lang umiikot ang buong buhay mo. Kaya dapat lang na magsaya tayo, anong gusto mong gawin kapag naka-recover ka na nang husto?” masiglang wika ni Althea.

Ngunit imbes na maging masaya ang mukha ni Jayrus ay mas lalo lamang itong nalungkot. Mahina itong humikbi at lumingon sa kaniya.

“Kung bibigyan ulit ako ng pagkakataong mabuhay, Althea, walang akong gustong gawin kung ‘di ang mahalin ka,” umiiyak na wika ni Jayrus. “I’m sorry, hindi ko kinaya.”

Nakakabinging iyak ng binata ang mas lalong nagpagulo ng kaniyang isipan, dahilan upang mapabalikwas siya ng bangon. Nananaginip lang pala siya. Pero bakit pakiramdam niya’y totoong-totoo ang naging pagkikita’t pag-uusap nila ni Jayrus?

“Miss Althea,” tawag sa kaniya ng nurse.

“Yes po?”

“May nagpapaabot po ng sulat,” anito sabay bigay sa kaniya ng nakatuping papel.

Agad niya iyong binasa at halos manginig ang buong laman niya matapos basahin ang nakasulat. Sulat kamay iyon ng ina ni Jayrus, ipinabigay sa kaniya upang ipaalam na pumanaw na ang pinakamamahal nitong anak. Inimbita rin siya nitong bumisita sa lamay ni Jayrus. Hindi niya napigilan ang paghagulhol.

Magkahalong emosyon ang kaniyang naramdaman. Sa kaniyang panaginip, ipinaabot ni Jayrus ang pamamaalam nito. Labis ang awang naramdaman niya para sa bagong kaibigan. Kung tunay ngang may susunod na buhay, sana nga’y magkita pa silang muli ni Jayrus, at sana’y hindi na ito nahihirapan sa sariling kalusugan.

“Paalam, Jayrus,” ani Althea.

Hindi niya napigilan ang pag-agos ng luha sa pagkawala ng bagong kaibigan.

Advertisement