Inday TrendingInday Trending
Walang Ginawa ang Nobyo ng Domestic Helper Kundi Humingi ng Pera Para sa mga Bisyo; Nang Hindi Niya Mabigay ang Hirit Nito, Bigla na Lamang Itong Hindi Nagparamdam sa Kaniya

Walang Ginawa ang Nobyo ng Domestic Helper Kundi Humingi ng Pera Para sa mga Bisyo; Nang Hindi Niya Mabigay ang Hirit Nito, Bigla na Lamang Itong Hindi Nagparamdam sa Kaniya

Masayang ibinalita ni Mildred sa kaniyang nobyong si Avel na sa wakas ay naaprubahan na ang kaniyang mga papeles at maaari na siyang lumipad patungong Oman upang magtrabaho bilang domestic helper.

“Sa wakas, makakaalis na rin ako, at kapag sumweldo na ako, iipunin ko ang pera upang may pera tayo sa araw ng kasal natin,” wika ni Mildred sa nobyo.

“Kasal agad? Hindi ba puwedeng ibili mo muna ako ng mga gamit doon? Saka papadalhan mo ako, ‘di ba? Ang mabuti pa ganito ang gawin natin, ipadala mo na lang sa akin ang mga perang iipunin mo para sa kasal natin. Ako na ang magtatago para siguradong walang makakakuha. Mahirap na, hindi mo kilala kung ano ang ugali ng mga makakasama mo roon,” mungkahi ni Avel.

“Hindi ba’t iyon naman ang usapan natin, mahal? Kaya ako pumayag sa mungkahi mo na maging domestic helper sa ibang bansa, dahil sabi mo ay malaki ang kikitain ko roon para makaipon tayo sa kasal natin? At ikaw naman, magtatrabaho ka rin dito sa Pilipinas para mas mapabilis ang pag-iipon natin,” wika ni Mildred.

“Oo naman, mahal. Tama ka naman diyan. Pagtutulungan nating makaipon para sa kasal natin.”

Kinilig naman si Mildred. Inisa-isa naman ni Avel ang pangarap niya sa relasyon nila ng nobya.

Isang magarang bahay na may swimming pool.

Isang unit sa condominium.

Isang negosyo.

Maraming-maraming pera sa bangko.

Mga mamahaling sapatos, bag, damit, at alahas.

“Teka muna, mahal. Huwag munang ganyan habang hindi pa nangingitlog ang manok,” awat ni Mildred. “Nakaka-pressure ka naman! Kinakabahan ako sa iyo eh. Hindi naman kalakihan ang magiging suweldo ko sa ibang bansa!”

“Bakit ka naman mape-pressure, mahal, eh para naman sa kinabukasan natin ang mga sinabi ko.”

“Sabagay… wala namang masamang mangarap,” sang-ayon ni Mildred.

Makalipas ang isang buwan ay nakalipad na nga sa Oman si Mildred. Mapalad si Mildred sa kaniyang mga naging amo dahil mababait sila.

Sa unang suweldo niya ay kung ano-ano na ang nais ipabili sa kaniya ni Avel.

“Mahal, puwede bang saka na ang mga sapatos at damit? Kasi nagsisimula pa lang akong maka-recover sa mga gastusin. Isa pa, may mga binabayaran pa ako sa mga utang ko noong nagproseso ako ng mga papeles. Uunahin ko muna sanang bayaran ang mga iyon,” paliwanag ni Mildred.

“Grabe ka naman! Nagpapabili lang naman ako ng bagong sapatos at damit. Hindi naman siguro iyon makakapagpahirap sa iyo…”

Walang nagawa si Mildred kundi ibigay ang kapritso ng kaniyang nobyo.

At sa bawat pagsuweldo ni Mildred ay humihingi ng pera sa kaniya si Avel. Kung ano-ano rin ang ipinabibili nito sa kaniya. Bag, sapatos, damit, tsokolate, bag, at marami pang iba. Pati ang mga kamag-anak nito ay humihirit din sa kaniya. Nahihiya naman siyang tumanggi dahil baka sabihin ay wala siyang pakisama sa pamilya ng mapapangasawa.

Kaunti pa lamang ang naiipon niya para sa kanilang kasal.

Isang araw ay tinapat na ni Mildred ang kaniyang nobyo.

“Mahal, baka puwedeng sa susunod na suweldo, wala munang pabili mula sa iyo o kaya sa mga kamag-anak mo? Wala pa kasi tayong naiipon. Saka, hindi rin ako makapagpadala sa mga kamag-anak ko na nangangailangan din.”

Nagulat si Mildred nang magbago ang timpla ng mukha ni Avel.

“Pinagdadamutan mo na ba ‘ko pati ang pamilya ko? Grabe ka naman! Parang maliit na bagay lang eh nagkakaganyan ka na? Lumalabas na ang tunay mong ugali!” sabi ni Avel sa kaniya, at pinindot na nito ang turn off button ng kanilang video call.

Natameme naman si Mildred sa inasal ng kaniyang nobyo.

Ilang ulit niya itong tinangkang tawagan subalit ayaw siyang sagutin.

Masama ba ang sinabi niya? Masama bang isipin din niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang pamilya? Masama bang pagplanuhan niya ang kanilang kasal na para din naman sa kanila?

Kinabukasan, mas lalong nabahala si Mildred nang mabasa niya ang mga parinig sa social media ng mga kaanak ni Avel.

“Nakapag-abroad lang, yumabang na, DH lang naman!” sabi ng kapatid ni Avel.

“Saksak mo sa baga mo pera mo!” post naman ng mismong ina ng nobyo.

Nasaktan si Mildred sa mga sinabi nila na para bang hindi naman siya nakatulong sa kanila.

Sinubukan niyang kausapin ang nobyo. Nagpadala ito ng mensahe sa kaniya.

“Ipadala mo na sa bank account ko ang mga perang ipon mo para sa kasal natin. Kapag hindi mo ginawa ‘yan, isa lang ang ibig sabihin; hindi mo na pinahahalagahan pa ang relasyong ito.”

Sa takot na iwanan siya ni Avel, simula noon, nagpapadala na siya sa bank account nito ng pera bilang ipon sa kanilang kasal.

Makalipas ang dalawang taon, nabigyan ng bakasyon si Mildred ng kaniyang mabait na amo. Mapalad pa rin siya dahil mababait ang among Omani na napaglingkuran niya.

Hindi na nagpatumpik-tumpik si Mildred. Nais niyang sorpresahin ang nobyo. Ito ang unang pupuntahan niya sa kaniyang pag-uwi.

Subalit hindi niya alam, siya pala ang masosorpresa.

Napatda siya sa kaniyang natuklasan. Nagulat din si Avel at ang pamilya nito nang makita siya. Isang babae ang nakita niya na kayakap ni Avel. Buntis ang babae.

“A-Anong ibig sabihin nito? Sino ka?” tanong ni Mildred sa babaeng buntis. Tumikwas naman ang kilay nito.

“Ha? Sino ako? Asawa ako ni Avel. Ikaw, sino ka? Bakit bigla-bigla ka na lang pumapasok dito sa amin?”

Bumuhos na ang emosyon ni Mildred.

“Hindi mo ko kilala? Puwes, magpapakilala ako sa iyo. Ako si Mildred, ang nobya ng sinasabi mong asawa! Nasa ibang bansa ako at nagtatrabaho bilang domestic helper kaya hindi mo ako kilala. Hayop ka, Avel! Walang hiya ka! Ibalik mo ang perang pinapadala ko sa iyo para sa kasal natin, manloloko ka!”

Humingi ng tawad si Avel kay Mildred at inamin na nito ang mga ginawang pagkakasala. Alam pala ng babaeng nabuntis nito na may kasintahan ito na nasa abroad subalit pumayag pa rin ito sa pakikipagrelasyon kay Avel.

Nanlumo si Mildred nang malaman niyang nagastos na ni Avel ang lahat ng perang naipadala niya rito para sa kanilang kasal. Mabuti na lamang at nakapag-ipon din siya para sa sarili niya kaya hindi rin nasayang ang kaniyang mga pinagpaguran sa ibang bansa.

“Bahala na ang Diyos sa iyo, Avel. Sana maging maligaya ka sa ginawa mo sa akin,” sabi ni Mildred.

Bumalik na lamang sa ibang bansa si Mildred at ipinagpatuloy ang kaniyang pagtatrabaho.

Makalipas ang tatlong taon, maligaya na si Mildred sa buhay ng kaniyang napangasawang mayaman at mabait na Omani. Naging maalwan na ang kaniyang pamumuhay.

Nabalitaan naman niya mula sa mga kaibigan na magulo ang naging buhay ni Avel sa Pilipinas. Nagumon ito sa bisyo, sa pambababae, at ipinagbabawal na gamot.

Ipinagpasalamat na lamang ni Mildred na naging ‘blessing in disguise’ ang paghihiwalay at panloloko sa kaniya ni Avel, dahil ‘maling tao’ ito para sa kaniya. Kaya lihim siyang nagpapasalamat dahil dinala siya ng Diyos sa tao at sitwasyong mas karapat-dapat sa kaniya.

Advertisement