Inday TrendingInday Trending
Gusto ng mga Apo na Matikman ang Milk Tea Subalit Kulang ang Pera Niya; Nagulat Siya sa Tulong na Kaniyang Natanggap

Gusto ng mga Apo na Matikman ang Milk Tea Subalit Kulang ang Pera Niya; Nagulat Siya sa Tulong na Kaniyang Natanggap

“Lola, parang gusto ko ng inumin na iyon, bakit po kaya pinipilahan?”

Muling napatingin si Lola Atang, 62 anyos, may pandong sa kaniyang ulo, sa itinurong bagong tayong bilihan ng isang patok na inumin ng kaniyang apong si Tone, habang nakasakay ito sa kariton na kaniyang tulak-tulak.

“Oo nga, lola?” tanong naman ng babaeng apo na si Maymay.

Binasa ni Lola Atang ang nakalagay na pangalan. Milk Tea. Batay sa limitadong kaalaman niya, ang milk ay Ingles ng gatas at ang tea naman ay tsaa.

Sa totoo lamang, nais din niyang matikman ang naturang inumin dahil hindi ito nawawalan ng pila. Mula umaga na sila ay namamasura hanggang sa pag-uwi nila ng tanghali, hindi maubos-ubos ang mga bumibili rito. Talaga nga namang katakam-takam din ang hitsura nito.

“Mukhang masarap nga, pero mga apo, wala tayong pera diyan. Halika na nga at magsiuwi na tayo, kung ano-ano ang naiisip ninyong bilhin.”

Hanggang sa makauwi ang maglola, hinihiritan nila ito na bumili sana para sa kanila.

“Huwag kayong mag-alala mga apo, titingnan ko ang magagawa ko,” pangako ni Lola Atang. “Bukas ay tatanungin ko kung magkano ang isang baso.”

Nang makatulog na ang mga apo, kinuha ni Lola Atang ang tinatagong biskwitan sa ilalim ng kaniyang higaan. Doon niya isinisilid ang mga naiipon niyang pera. Binilang niya ang laman. 225 piso.

Naiwan na sa pangangalaga ni Lola Atang ang kaniyang mga apo. Hindi na niya malaman kung nasaan na ang anak niyang si Selda na ang paalam ay mangingibang-bansa lamang, subalit ni hindi na nagparamdam sa kanila.

Kaya upang mabuhay ang mga apo, nangangalakal sila ng mga bote, garapa, diyaryo, papel, at plastik upang maibenta pa. Kasa-kasama niya ang mga apo sa paghahagilap sa mga lansangan, sa kasuluk-sulukan, upang nang sa gayon ay mairaos nila ang araw.

Sa halagang 100 piso ay nagkakasya na sa kanilang maghapon.

Nahahabag na sinulyapan ni Lola Atang ang mga apo. Kung malakas-lakas pa siya, baka sana ay nakahanap pa siya ng mainam-inam na trabaho. Sanay siya sa pagkayod subalit sumusuko na ang kaniyang katawan, hindi kagaya dati na nakakatanggap pa siya ng labada. Sa ngayon, hindi na kasi uso ang paglalabada lalo’t marami na ang may washing machine at nagkalat na rin ang mga laundry shop.

Isang araw, muli nilang naraanan ang tindahan ng milk tea. Nagulat si Lola Atang nang nagtatatakbo ang mga apo patungo sa tindahan.

“Teka lang mga apo, bakit kayo pupunta riyan?”

“Eh ‘di ba lola sabi ninyo, ngayon po tayo magtatanong kung magkano ang isang order?”

Natandaan pala ng mga bata ang pangako niya.

Mabuti na lamang at dala niya ang 225 piso na kaniyang ipon.

Nagulat siya na 150 piso pala ang halaga niyon.

“N-Naku, kulang pala ang dala naming pera,” sabi ni Lola Atang. Humarap siya sa dalawang apo. “Maghati na lamang kayo sa isa, ayos lang ba?”

“Eh paano po kayo, lola?” tanong ni Maymay.

“Hayaan na ninyo ako, matanda na ako. Sa susunod na lamang. Oh siya, mamili na kayo ng gusto ninyo.”

Namilog naman ang mga mata ng dalawang apo at sinabi na sa tindera ang kanilang order.

Maya-maya, nagulat si Lola Atang na tatlong milk tea ang ibinigay sa kanila ng nakangiting tindera.

“Naku miss, sobra-sobra ho ito, isa lang ho ang kaya kong bayaran,” wala na ho akong pambayad sa dalawa pa,” namumutlang sabi ni Lola Atang.

“Okay na po iyan. Huwag na po ninyong bayaran,” maya-maya ay sabi ng lalaki sa kanilang likuran.

“Si Sir nga po pala ang may-ari ng milk tea house na ito,” pakilala ng tindera sa lalaki.

“Narinig ko ho ang usapan ninyo kanina. Maraming salamat po sa pagnanais na matikman ang aming paninda,” nakangiting pasasalamat ng lalaki.

“Naku maraming salamat po, sir!” naiiyak na pasasalamat ni Lola Atang.

At inusisa ng lalaki si Lola Atang at ang kaniyang mga apo. Nabagbag ang kalooban nito sa kaniya, at nagpaalam na kuhanan sila ng litrato. Nagpaunlak naman ang matanda. Kinuha rin ng lalaki ang detalye ng kanilang tirahan.

Makalipas ang tatlong araw, isang magarang sasakyan ang dumating sa kanilang dampa.

Nagulat si Lola Atang na napakaraming mga grocery gaya ng tatlong sakong bigas, noodles, delata, at marami pang iba ang ibinaba sa kanilang harapan.

Ito ay ang lalaking tumulong sa kanila.

“Naipost ko ho sa social media ang kuwento ninyo at marami pong naantig. Marami pong nagpaabot ng tulong sa inyo,” nakangiting sabi ng lalaki, na nagtatrabaho pala sa isang non-government organization na tumutulong sa mga nangangailangan.

Bukod sa mga grocery items, ibinigay rin ng lalaki kay Lola Atang ang nalikom na salaping umabot sa 50,000 piso mula sa mga netizen.

May nagbigay rin ng scholarship para kina Tone at Maymay para sa kanilang pag-aaral hanggang sa hayskul.

Halos maiyak sa tuwa si Lola Atang sa biyayang dumating mula sa langit!

Ginamit ni Lola Atang ang pera upang magsimula ng munting negosyong tindahan ng mga ulam at meryenda sa tapat ng bahay at paglalako nito sa mga opisina, kaya unti-unti nilang naiangat ang kanilang buhay.

Advertisement