Inday TrendingInday Trending
Kinatatakutan ng mga Mag-aaral ang Gurong Ito Dahil sa Pagiging Matapang sa Klase; Hindi Nila Alam, sa Tunay na Buhay ay ‘Duwag’ Pala Ito

Kinatatakutan ng mga Mag-aaral ang Gurong Ito Dahil sa Pagiging Matapang sa Klase; Hindi Nila Alam, sa Tunay na Buhay ay ‘Duwag’ Pala Ito

Nagpulasan ang mga mag-aaral nang marinig na nila ang yabag na mas kinatatakutan pa nila kaysa sa yabag ng multo; mga yabag ng pagdating ng kanilang mabagsik at istriktong guro na si Ms. Leonora Victoria, nagtuturo ng asignaturang Araling Panlipunan.

Masaya si Ms. Victoria sa tuwing nakikita niya ang panginginig ng laman ng kaniyang mga mag-aaral sa tuwing pumapasok siya sa loob ng silid-aralan. Pakiramdam niya, nasa sa kaniya ang mata ng lahat; kinatatakutan siya, siya ang diyos sa loob.

Kung alam lang ng mga mag-aaral ang tunay niyang pinagdaraanan…

Kung alam lang nila na pagdating sa bahay, hindi siya diyos kundi takot na alipin…

Parang mga robot na nagsipasukan ang mga mag-aaral na nasa pasilyo papasok sa kanilang silid-aralan. Tahimik na tahimik sila. Parang ayaw lumikha ng ingay. Mahirap nang makuha ang atensyon ng kanilang guro at pagdiskitahan silang tawagin sa resitasyon.

Alam niyang nanginginig sa kaba ang mga mag-aaral niya sa kaniya, lalo na sa tuwing nagtatalakay na siya. Hawak niya ang mga index card; binabalasa, bubunot ng isa, at tatawagin ang pangalang nakasulat doon. Matindi pa naman kung magtanong ang guro. Hindi nito pinalalagpas ang mga mag-aaral na alam niyang hindi nag-aral.

Kaya nang matapos ang kaniyang klase na halos walang humihinga sa kaniyang mga kaklase ay nakahinga nang maluwag ang lahat.

“Grabe talaga sa klase niya, kapag hindi matibay ang dibdib mo, wala, baka sa ospital ang bagsak mo,” sabi ng isa sa mga kaklase ni Esmie.

“Pero aminin ninyo ha, si Ms. Victoria ang guro natin na nakapagpapatino sa makulit nating klase,” pahayag naman ng isa.

Tama naman ang kaniyang mga kaklase. Oo nga’t madalas na hindi ngumingiti ang guro, mabagsik ito at istrikto subalit hindi matatawaran ang husay nito sa pagtuturo. Hindi ito nagsasayang ng oras.

Hindi kagaya ng ibang mga guro nila na mahilig magpalaro subalit hindi naman naipaliliwanag kung ano ang koneksyon nito sa kanilang aralin.

O kaya naman, bitiw nang bitiw ng mga biro na hindi naman nakakatawa, subalit para hindi maging ‘awkward’ ang klase, tatawa na lamang ang klase.

O kaya naman, magkukuwento ng mga detalye sa kaniyang buhay na wala namang kinalaman sa aralin hanggang sa matapos ang klase.

Kay Ms. Victoria, wala siyang sinasayang na oras. Malinaw sa kaniya na kaya siya tumayo sa kanilang harapan upang matuto sila at hindi upang aliwin sila o pasayahin.

Naiisip nga nila, bagay na bagay kasi Ms. Victoria ang pangalan nito. Leonora. Parang babaeng leon. Ang apelyido naman nito ay parang nagsasaad ng tagumpay. Marahil si Ms. Victoria ay talaga namang matatag at malakas. Hindi basta-basta papagupo sa mga problema.

Kung alam lang nila…

“Hoy Leonora, nagugutom na ako, mamaya ka na gumawa ng pesteng lesson plan na iyan!” galit na utos ng kaniyang lasenggerong asawa.

Kung sa paaralan, siya ang nagpapanginig; sa bahay, siya ang nanginginig.

Huli na nang malaman ni Leonora ang tunay na ugali ng kaniyang napangasawa. Basagulero, lasenggero, babaero, at sugarol. Hindi naman niya magawang hiwalayan dahil konserbatibo siya pagdating sa kasal. Nahihiya siyang malaman ng lahat na ang isang kagaya niyang gurong matapang at kinatatakutan, pagdating sa asawa, bahag ang buntot at hinahayaan lamang siyang saktan.

Isang araw, hindi na nakapagtimpi pa si Ms. Victoria. Nakaugnay siya sa naging talakayan nila kanina; hinggil sa kaapihan ng kababaihan sa panahon ng Espanyol. Hiyang-hiya siya sa kaniyang sarili. Hiyang-hiya siya sa mga mag-aaral niya na tinuturuan niyang maging matapang at huwag magpapaapi sa kahit na kanino, pero heto siya, nagpapakamartir sa mister.

Palagay niya, nakauwi na ang lahat ng mga mag-aaral. Nagtungo siya sa paborito niyang palikuran upang umiyak at magbuhos ng sama ng dibdib.

Nakauwi na halos ang lahat ng mga estudyante ngunit ang mag-aaral na si Esmie na bahagi ng school paper publication ay naiwan pa dahil may tinatapos pa sila para sa kanilang pahayagan.

Nagtungo siya sa palikuran upang umihi at agad na pumasok sa isang cubicle. Maya-maya, naramdaman niyang may pumasok sa palikuran.

Paglabas niya sa cubicle, nakita niya ang isang hindi inaasahang eksena, na dapat ay hindi niya makita.

Si Ms. Victoria, umiiyak.

Sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lamang niya nakita ang kanilang mabagsik, istrikto, at matapang na guro na humahagulhol ng iyak.

Nagulantang ito nang mapansing naroon siya at pinapanood ang kaniyang pag-iyak. Agad itong nagpahid ng mga luha at kunwa ay nagsalamin.

“N-Nandiyan ka pala… yung nakita mo… wala lang ‘yon,” nauutal na paliwanag ni Ms. Victoria. Kinuha nito ang pulbos sa bag.

“M-Ma’am, may problema po ba kayo? Ayos lang po ba kayo?” pagmamalasakit na tanong ni Esmie sa kaniyang guro. Gusto niyang pagalitan ang sarili dahil natural, kaya nga umiiyak dahil may problema at hindi okay.

“Ayos lang ako, huwag mo akong alalahanin, Esmie. Ganoon talaga ang buhay. Tatandaan mo, ang pag-iyak ay hindi kahinaan. Ito ay kalakasan na paghinto saglit upang ilabas ang lahat ng sama ng loob, at kapag tapos, muli nang haharapin ang mga hamon ng buhay.”

“Akala ko po Ma’am hindi kayo umiiyak dahil kayo ang nagpapaiyak…”

Ngumiti si Ms. Victoria. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngumiti siya sa harapan ng isang mag-aaral.

“Lahat ng tao ay may pinagdaraanan, ngunit iba-iba lamang ang paraan ng pagdadala. Kapag humaharap ako sa klase, ako ay guro at hindi ang personal na pagkatao ko.”

Tumango-tango naman si Esmie. Gusto sana niyang tanungin kung ano ang problema ng kaniyang guro subalit naisip niya na hindi na dapat pang ungkatin ito. Naunawaan ni Esmie ang nais sabihin ni Ms. Victoria: propesyunalismo sa trabaho.

Hindi alam ni Ms. Victoria, simula noon ay mas lalo siyang hinangaan ni Esmie bilang kanilang guro. Kaya nang magtapos ito, nilapitan siya ni Esmie at pinasalamatan.

“Ma’am, maraming salamat po sa lahat ng inspirasyon na inyong idinulot sa akin. Hinding-hindi ko po kayo makakalimutan, lalo na po noong nagpang-abot tayo sa palikuran. Huwag po kayong mag-alala, wala pong makakaalam niyon. Balang-araw, makakaganti rin po ako sa inyo, Ma’am. Magiging matapang din ako,” pangako ni Esmie sa kaniyang guro.

Matuling lumipas ang panahon…

“Maraming salamat, Atty. Esmie. Maraming-maraming salamat! Pinakawalan mo ako. Pinalaya mo ako,” umiiyak na pasasalamat ni Ms. Victoria kay Esmie.

Ang dati niyang mag-aaral, ngayon ay abogado na niya.

Sa wakas ay naibigay na rin ng korte ang annulment na matagal na niyang hinihintay.

Si Esmie, na nagboluntaryong maging abogado niya nang walang bayad, ang siyang naging susi upang makalaya na siya sa isang nakasasakal na relasyon.

Masasabi ni Ms. Victoria na ganap na ang kaniyang tapang at hindi na lamang paimbabaw, kagaya ng ipinakikita niya sa klase. Salamat kay Esmie!

Advertisement