Inday TrendingInday Trending
Galit na Galit ang Ina Nang Makipagtanan ang Anak na Dalagita sa Nobyo Nito; Sumambulat ang Katotohanan Kung Bakit Ito Lumayo

Galit na Galit ang Ina Nang Makipagtanan ang Anak na Dalagita sa Nobyo Nito; Sumambulat ang Katotohanan Kung Bakit Ito Lumayo

“Sinasabi ko sa iyo Allison, tigilan mo ang pagsama-sama sa boyfriend mong ‘yan! Diyos ko naman. 23 anyos? At ikaw, 17 taong gulang? Menor de edad ka pa lang!”

Nanggagalaiti si Mena nang malaman niya ang pakikipagrelasyon ng kaniyang anak na si Allison. Abala siya sa pagkayod upang mabuhay ang kaniyang anak at ang kinakasamang si Paeng, ang stepdad ni Allison.

Simula nang matanggal sa trabaho ay pumayag si Mena na siya na muna ang maghahanapbuhay sa pamilya. Nangako naman si Paeng na siya na ang bahala sa mga gawaing-bahay at pagbabantay kay Allison.

“Wala, pinagsabihan ko na ‘yan eh, kaya lang syempre, sino ba naman ako para pakinggan, ‘di ba? Stepdad lang naman ako. Hindi naman ako ang tunay na tatay,” wika ni Paeng habang humihithit ng sigarilyo.

“Pinagsasabihan ka na pala ng Daddy mo, bakit ang tigas-tigas ng ulo mo, Allison? Bakit ka ba nagkakaganyan? Hindi ka naman dating pasaway ah. Noong nabubuhay pa ang Papa mo, masunurin ka sa amin. Simula nang makilala mo ang boyfriend mo na ‘yan, diyan na umikot ang buhay mo!” galit na galit na sermon ni Mena.

Wala namang imik si Allison. Nakatungo ang ulo.

“Bakit ayaw mong magsalita? Magpaliwanag ka! Ano bang pinakain sa iyo ng boyfriend mo para magkaganyan ka?” tanong ni Mena.

“Alam na…” bulong ni Paeng.

Nag-angat ng paningin si Allison at matalim na tinapunan ng tingin ang stepdad.

“M-Mahal ko po si James, Mama,” nasabi ni Allison.

“Puwes, bukas na bukas din, hindi ka na lalabas ng bahay. Ako na’ng bahalang kumausap sa mga guro mo. Hindi ka muna lalabas! You are grounded!”

Ngunit kinabukasan ay nagulat sina Mena at Paeng nang wala na sa kaniyang kuwarto si Allison. Wala na rin ang mga gamit.

“Puntahan natin sa bahay nina James,” mungkahi ni Paeng.

Hindi nag-aksaya ng panahon ang dalawa. Kaagad silang sumugod sa bahay nina James. Ngunit nagulat sila nang malaman na nawawala rin pala ang binata.

“Palagay ko ay nagtanan sila,” sabi ng ina ni James.

“Walanghiya iyang anak mo! Sinabi ko na sa kaniya na layuan niya ang anak ko, menor de edad pa lamang siya. Alam mo bang puwede kong kasuhan ang anak mo? At iyan ang gagawin ko!” pagbabanta ni Mena.

“Nakikiusap ako sa iyo, Mena. Huwag mo namang kasuhan ang anak ko. Mahal ni James si Allison at palagay ko naman ay mahal din ng anak mo si James. Hindi naman siya marahil sasama ang bata sa anak ko kung wala siyang nararamdaman para dito,” pakiusap ng ina ni James.

“Ah basta! Hindi ako papayag na masira ang buhay ng anak ko. Marami pa akong plano sa kaniya!” galit na pahayag ni Mena.

Batay sa kanilang pag-iimbestiga at pakikipagtulungan na rin ng pamilya ni James ay natunton nila ang pinagtataguan ng dalawang magsing-irog. Natakot kasi ang nanay ni James sa kaso na maaaring isampa ni Mena laban sa kaniyang anak. Dahil menor de edad pa lamang si Allison, alam niyang malakas ang kaso laban sa anak.

Isang malakas na sampal ang pinakawalan ni Mena nang makaharap si James.

“Hayop ka! Nasaan ang anak ko? Nilaspag mo na ba, ha? Ano, masarap ba ang bubot pa? Ang kapal ng mukha mo….”

“Tita, wala pa hong nangyayari sa amin ni Allison, sa maniwala kayo o hindi. Alam ko po na menor de edad pa lamang siya kaya hindi ko po sisirain ang pangarap niya dahil mahal na mahal ko siya. Iyan, iyang hayop na ‘yan ang tanungin ninyo!” galit na galit na duro ni James kay Paeng, na sinamahan si Mena sa pagtunton sa pinagtataguan nina James at Allison.

“H-Ha? Bakit ako? Anong kinalaman ko rito?” tanong ni Paeng.

“Huwag ka nang magkaila, hayop ka! Alam mo ang sinasabi ko. Wala kang puso!” sumbat ni James.

“Teka muna, teka muna… anong nangyayari? May kailangan ba kaming malaman?” nagugulumihanang tanong ni Mena.

“Si Allison po ang tanungin natin kung ano ang tinutukoy ko. Mahal, halika na. Huwag kang matakot. Ito na ang pagkakataon upang isiwalat ang katotohanan,” sabi ni James sa kasintahan.

At umiiyak na pinakawalan ni Allison ang katotohanang matagal na niyang ikinubli.

Sinabi ni Allison na ‘minomol*stya’ umano siya ni Paeng sa tuwing wala sa bahay ang ina. Pinagbantaan ni Paeng na sasaktan si Mena kapag nagsumbong siya. Kaya laging wala sa bahay si Allison at nakikipagkita kay James upang takasan ang hayop na ama-amahan.

Malulutong na sampal ang pinakawalan ni Mena sa kinakasama. Dinagdagan pa ito ng igkas at tadyak ni James.

Sumampa ang kaso laban kay Paeng sa Prosecutor’s Office. Matapos ang mga pagdinig, lumabas na guilty si Paeng sa kasalanang kaniyang nagawa. Tuluyan siyang nakulong.

“Patawarin mo ako, anak. Hindi ko alam na ganoon na pala ang nangyayari sa iyo. Pangako, babawi ako sa iyo,” umiiyak na paghingi ng tawad ni Mena sa anak.

Nang mag-18 taon si Allison ay nagkaroon ito ng magarbong debut party. Pumayag na si Mena sa relasyon nina James at Allison, basta’t kailangan munang magtapos ng pag-aaral ang anak, bago lumagay sa tahimik, bagay na sinang-ayunan naman ni James.

Advertisement