
Sumali sa Pagandahan ang Magandang Ginang at Nanalo Naman; Subalit Marami ang Nagbago sa Kaniya
“Uy, Marietta! Kumusta ka na? Parang lalo kang gumaganda ah. Magaling bang mag-alaga ang mister mo?”
Namula ang mga pisngi ni Marietta, ang simple ngunit magandang maybahay ni Fidel. Tatlo na ang maliliit nilang supling subalit kamangha-manghang napanatili ni Marietta ang balingkinitang pangangatawan at magandang mukha.
“Ikaw talaga Aling Etang! Lagi mo na lang akong binibiro,” nahihiyang pasasalamat ni Marietta.
“Hindi kita binibiro, Marietta! Totoo ang mga sinasabi ko sa iyo. Alam mo, puwedeng-puwede kang sumali sa ‘Misis ng Tahanan’ na pakontes ng ating barangay. Sumali ka! Tiyak na mananalo ka, Marietta. Sayang din ang bayad para sa kampeon, o kahit runner up lang,” pangungumbinsi ni Aling Etang.
“Naku Aling Etang, magagalit po ang mister ko… saka hindi pa ako mahilig sa mga ganyan. Mahiyain po ako,” saad naman ni Marietta.
“Masasanay ka rin. Saka minsan lang naman sa buhay mo eh. Natanong mo na ba ang asawa mo kung papayag siya? Gusto mo ako na ang magpaalam sa asawa mo?” tanong ni Aling Etang.
“Ay naku Aling Etang, tiyak na hindi papayag iyon,” nakangiting sabi ni Marietta. Nagpaalam na si Marietta dahil magsasaing pa raw siya.
Lingid sa kaalaman ni Marietta, talagang pursigido si Aling Etang na isali si Marietta sa paligsahan, Malaki kasi ang magiging premyo. 20,000 piso. Alam niyang tiyak na mananalo si Marietta. 40% ang mapupunta sa kaniya at 60% naman sa kandidata. Kung matalo man, may consolation prize na 5,000 piso. Hindi na rin masama.
Ngunit kagaya nga ng sinabi ni Marietta, hindi nga pumayag ang mister.
Makalipas ang dalawang araw, nakaramdam ng matinding pananakit ng tiyan ang panganay nilang anak. Kaagad nila itong isinugod sa ospital. Appendicitis. Kinailangan itong operahan kaagad. Mabuti na lamang at may naimpok na pera ang mag-anak.
Ngunit nabawasan ang kanilang ipon para sa nalalapit na pag-aaral ng kanilang bunsong anak.
“Paano kaya ito?” naisip ni Marietta.
Naalala niya ang alok ni Aling Etang. Kaya naman, sinadya niya ito sa kanilang bahay.
“Naku, payag ka na? Huwag kang mag-alala, dahil talagang sanay akong mangbala ng mga manok sa pageant, meron tayong mahihiraman ng gowns mo. Saka ako na ang bahala sa glam team mo.”
Walang inaksayang panahon si Aling Etang. Talagang ibinuhos niya ang panahon at lahat ng mga posibleng mahingan ng tulong upang maayusan si Marietta. Palihim silang nag-ensayo para sa paglalakad, sa pagrampa, sa pagpapakita ng talento, at pagsagot sa mga tanong.
Lahat ng ito ay inilihim ni Marietta sa kaniyang mister.
Sa gabi ng pageant, saka lamang nalaman ng kaniyang mister ang pagsali rito. Wala na itong nagawa kundi ang suportahan siya.
Halos maglulundag naman si Aling Etang nang i-uwi ni Marietta ang korona at cash prize.
“Sabi ko na sa iyo eh! Ikaw talaga ang mananalo. Eh kung nakinig ka sa asawa mo eh di sana wala tayong premyo ngayon!” tuwang-tuwang sabi ni Aling Etang.
Matapos ang hatian, umuwi na ang mag-asawa. Dahil nanalo naman, hindi na nagalit si Fidel.
“Ipangako mo sa akin na hindi ka na sasali sa pageant. Pinagbigyan lang kita. Ito na ang una at huli mong pagsali sa mga ganyang pageant,” sabi ni Fidel.
“Oo mahal. pangako. Hindi na ako uulit. Saka, ginawa ko lang naman ito para sa ipon natin. Para sa bunso natin na papasok na sa paaralan,” paliwanag ni Marietta.
Tinupad nga ni Marietta ang pangako sa mister, subalit kapansin-pansin ang malaking pagbabago sa hitsura ni Marietta. Ang dating simpleng maybahay ay natuto nang mag-ayos. Mas lumutang ang kaniyang ganda at natuto na rin siyang magsuot ng mga makabagong damit.
Sa tuwing nagpupunta siya sa palengke, maraming mga lalaki ang pumupuri at nakikipag-usap sa kaniya. Bagay na gustong-gusto naman niya at tila musika sa kaniyang pandinig. Sa tanang buhay niya, bukod sa kaniyang asawa, ngayon lamang siya nakatanggap ng mga papuri mula sa ibang mga lalaki. Gustong-gusto niya ang mga paghangang ipinakikita sa kaniya ng mga kalugar nila.
Paminsan ay nakakalimutan na niya ang mga gawaing-bahay. Inuuna niya ang pakikipaghuntahan sa mga nakikipagkilala sa kaniya, lalaki man o babae. Inuuna niya ang pag-alis-alis ng bahay upang paunlakan ang iba’t ibang mga imbitasyon.
At dahil din dito, napapadalas ang pagpunta ng kung sino-sinong mga lalaki sa kanilang bahay upang makipagkuwentuhan sa kaniya. Dito na nagsimulang makaramdam ng selos at inggit ang ibang mga babae.
Kung ano-anong mga kuwento ang lumitaw.
Kesyo nagsimula na raw siyang maging maharot. Kahit may mga asawa na raw ang mga lalaki ay nakikipagkaibigan pa siya.
Wala raw siyang kahihiyan dahil naturingang may asawa na siya, nagpapapunta pa siya ng mga lalaki sa bahay. Gayong nakikipagkuwentuhan lang naman siya.
Iniiputan daw niya sa ulo ang mister niya.
Hindi naman ito nalingid kay Fidel. Agad niyang kinumpronta ang misis.
“Totoo ba ang mga naririnig ko, ha, Marietta?” galit na kompronta sa kaniya ng mister nang sila ay nasa loob ng kanilang silid.
“Hindi totoo ‘yon, Fidel. Maniwala ka sa akin. Aaminin ko sa iyo. Simula nang manalo ako sa pageant at tanghaling ‘Misis ng Tahanan’, nagkaroon ako ng kumpiyansa sa sarili ko. Matagal na panahon akong nagtago sa mundong akala ko, pangit ako. Maraming humahanga sa akin. Maraming pumupuri. Masisisi mo ba ako kung matuwa ako dahil sa tanang buhay ko, ngayon lamang may naglagay sa akin sa pedestal? Ngayon lang ako nakaranas na may tumingala sa akin, na may mga pumuri sa akin. Hindi ko ito nagawa noong papausbong pa lamang ako sa pagiging dalagita dahil nabuntis mo na ako. Hindi ko na-enjoy ang pagkadalaga ko,” paliwanag ni Marietta.
“Bakit, hindi pa ba ako sapat? Hindi ba’t pinupuri naman kita? Lagi kong sinasabi sa iyo na ikaw ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Kahit ang mga anak mo, lagi nilang sinasabi na ikaw ang pinakamagaling na ina sa buong mundo dahil napakahusay mo sa pag-aasikaso sa amin. Hindi pa ba sapat ang mga papuri at paghanga ng pamilya mo sa iyo? Hindi ka lang nasa pedestal, ikaw ang ilaw ng aming tahanan. Nagsisisi ka ba na pinakasalan mo ako?”
Sa pagkakataong ito ay natameme si Marietta. Oo nga naman. Hindi nagkulang ang kaniyang mister sa pagmamahal at pagpaparamdam sa kaniya na siya ang pinakamagandang misis sa balat ng lupa.
Hindi nagkulang ang kaniyang mga anak sa pagpapakita ng mataas na paggalang at pagmamahal sa kaniya.
Hindi nagkulang ang kaniyang pamilya sa paghanga at pagpuri sa kaniya.
Mahigpit na niyakap ni Marietta ang kaniyang mister. Buong puso siyang humingi ng tawad.
Simula noon, bagama’t hindi na naalis sa sistema ni Marietta ang pag-aayos, ginagawa niya ito hindi para hangaan ng ibang lalaki o kainggitan ng ibang babae, kundi upang maging kalugod-lugod sa kaniyang mga unang tagahanga—sa kaniyang mister at sa kanilang mga anak.