Inday TrendingInday Trending
Pinuna ng Istriktang Guro ang Pagpasok ng Estudyante nang Naka-tsinelas; May Malalim Palang Dahilan Ito

Pinuna ng Istriktang Guro ang Pagpasok ng Estudyante nang Naka-tsinelas; May Malalim Palang Dahilan Ito

Hindi nakaligtas sa mabusising mata ni Miss Cristina Solares ang makulay na buhok na itinago ng kaniyang estudyante sa isang itim na sombrero.

“Pakulayan mo ulit ng itim ‘yan. Alam mo naman na hindi pwede rito sa eskwelahan ang may kulay na buhok,” nandidilat ang mata na pangaral niya sa bata.

“Opo, Ma’am…” tila maamong tupa na sagot nito.

Ilang gusot na uniporme, maruming sapatos, at makapal na kolorete pa ang pinuna niya bago siya nakuntento.

Limang taon na rin siya sa serbisyo bilang isang guro, at nais niya na perpekto ang bawat isa sa eskwelahan.

Naniniwala kasi siya na mas madaling matututo ang mga bata kung marunong silang sumunod sa mga simpleng patakaran ng eskwelahan.

Kaya naman sa pagdating ng isang kakaibang estudyante ay talaga namang sumakit ang ulo niya.

“Miss Solares, may bago kang estudyante, si Aldrin,” anang kanilang prinsipal nang ipatawag siya nito.

Nang makilala niya ang bata ay agad na tumaas ang kaniyang kilay. Naninilaw sa kalumaan ang gusot na uniporme nito na may tastas pa sa bandang balikat. Isa pa, tila hindi man lang ito nagsuklay bago umalis ng bahay.

Ang tanging maayos lang sa itsura ng bata ay ang bagong-bago nitong sapatos. Ngunit pansin na pansin na may kalakihan ang sukat noon sa bata.

“Pumunta ka na sa pwesto mo,” utos niya sa bagong estudyante habang nakaturo sa isang bakanteng upuan sa likurang bahagi ng klasrum.

Magmula nang dumating si Aldrin ay parating ito ang nagiging sanhi ng problema niya sa eskwelahan.

Maliit lang kasi ito at tahimik kaya naman hindi maiwasan ng iilan na tuksuhin ito na “Adrin Bulilit.”

Hindi naman nagsusumbong ang bata na tila walang pakialam sa sinasabi ng iba.

Madalas din na nahuhuli ito sa klase. Ngunit sa tuwing tinatanong niya ito ay iisa lang ang sagot nito. Tinanghali raw ito ng gising.

Nais niya sanang kausapin ang mga magulang ng bata, ngunit madalas nito sabihin na nagtatrabaho ang mga magulang at hindi makakapunta.

Hindi niya tuloy maiwasan na maging kuryoso sa bagong estudyante.

Ngunit bilang guro ay pilit niyang inunawa ang bata, lalo pa’t wala naman itong problema sa pag-aaral. Natural itong may angking talino na kitang-kita niya sa mga resulta ng pagsusulit.

Hanggang sa isang araw ay ginawa nito ang isang bagay na ayaw na ayaw niya—ang pagsusuot ng tsinelas.

Mahalaga kasi para sa kaniya na kumpletong uniporme ang suot ng mga bata sa paaralan. Nagpapakita iyon ng pagsunod ng bawat isa sa alituntunin ng paaralan.

Hindi niya maiwasang agad na komprontahin ang bata.

“Bakit ka naka-tsinelas? Hindi ba’t hindi sinabi ko na hindi ‘yan pwede?” inis na wika niya sa estudyante nang maiwan ito sa klasrum.

“Pasensya na po, Ma’am…” anito. Ngunit wala itong sinabing eksplanasyon.

Mariin ang bilin niya rito na huwag na muling pumasok nang naka-tsinelas, ngunit nang sumunod na araw ay walang pinagbago.

Hindi naman niya magawang ipahiya ang bata sa klase dahil hindi siya ganoong klase ng guro. Wala siyang magawa kundi ikwento sa ilang niyang kasamahan ang tungkol kay Aldrin.

“Siya ba ‘yung bagong estudyante? Estudyante ko ‘yung kapatid niya, ‘yung mas matanda,” komento ni Miss Crisanta, isang matandang guro.

Nagulat siya sa natuklasan. Hindi niya alam na may kapatid pala ito.

Ngunit mas nagulat siya sa sunod na nalaman.

“Ulila sa ama’t ina ang magkapatid. Kamamat*y lang ng tatay nila. Dahil bagong lipat lang sila sa probinsya, lola nila ang nag-aalaga sa kanila,” kwento nito.

“Mahirap ang buhay nila, Miss Solares. Pagtitinda ng isda ang ikinabubuhay ng Lola nila, at kung minsan ay tumutulong ang magkapatid. Iyon ang dahilan kung bakit kung minsan ay nahuhuli sila sa pagpasok,” patuloy niyong kwento.

Bumaling ito sa kaniya.

“Alam mo ba ‘yung kwento ng sapatos?” tanong nito.

Umiling siya.

“Isang pares ng sapatos ang binili para doon sa nakatatanda. Nangako ang tatay na ibibili rin ‘yung bunso kapag nagkapera. Ang kaso ay hindi na natupad ng ama ang pangako. Kaya salitan sila. Kung minsan, ‘yung panganay ang may suot, minsan ‘yung bunso,” naiiling na kwento nito.

“Kaya pala naka-tsinelas na pumapasok minsan…” wala sa loob na pahayag niya.

“Oo, ‘yun ang dahilan. Alam ko istrikta ka, pero sana pagbigyan mo na. Wala naman tayong magagawa dahil kaawa-awa talaga ang lagay ng pamilya nila,” marahang pakiusap ng guro.

Tumango siya. Kapagkuwan ay binalot ng pagtataka. Bumaling siya sa kapwa guro.

“Miss Crisanta, paano n’yo po nalaman ang mga bagay na ‘yan? Tinatanong ko si Aldrin, pero hindi niya naman nakwento ‘yan,” usisa niya.

Ngumiti ito bago sumagot.

“Sa tagal ko nang guro ay ugali ko na na alamin ang buhay ng mga estudyante ko. Binisita ko ang Lola nila noong nakaraang linggo…”

Siya naman ang napangiti. Bilang isang bagong guro, marami pa talaga siyang kailangan matutuhan. Isa na roon ang pag-alala na hindi pare-pareho ang sitwasyon ng bawat estudyante.

Hindi mapuknat sa isip niya ang kwento ng kapwa guro. Kaya naman nang mapadaan siya sa bilihan ng mga mumurahing sapatos ay alam niya na ang gagawin.

Kinabukasan, bitbit ang kahon ng sapatos ay maaga siyang pumasok sa eskwelahan. Nasorpresa siya nang makita ang isang estudyante na loob ng klasrum. Si Aldrin.

“Maaga ka yata ngayon?” puna niya.

Nahihiyang tumango lang ito.

Lumapit siya at iniabot ang kaniyang munting regalo.

“Ano po ito?” takang tanong nito.

“Buksan mo,” udyok niya.

Nanlaki ang mata ng bata nang makita ang laman ng kahon.

“P-para sa akin po i-ito?” gulat na tanong nito nang makita ang laman ng kahon.

Nakangiti siyang tumango.

Sa unang pagkakataon ay nasilayan niya ang ngiti ng bata.

“Maraming salamat po, Ma’am!” bulalas nito, halos magtatalon sa labis na saya.

Lumawak ang ngiti niya. Natutuhan niya na mabuting turuan ang estudyante sa pagsunod sa mga patakaran ng paaralan. Ngunit bilang ikalawang ina ng mga bata, may responsibilidad din siyang alamin ang mga paraan kung paano niya matutulungan ang mga ito sa munting paraan—dahil ang pagiging ina ng mga guro ay hindi natatapos sa apat na sulok ng silid-aralan.

Advertisement