
Nagpasya ang Dalaga na Magpagamot sa Kagustuhan ng Kaniyang Kaibigan; Nang Gumaling Siya, Bakit Naglaho Ito na Parang Bula?
Napahinto si Jessa sa pagbabasa nang maramdaman niya ang titig ng lalaki sa harapan niya.
Pinigilan niya ang mapasinghap nang mamasdan ang gwapo nitong mukha. Sa tingin niya ay hindi nalalayo ang edad nito sa kaniya.
“Ano? Bakit ka nakatingin?” mataray na usisa niya.
Ngumiti ito bago nginuso ang hawak niyang libro.
“‘Wag ka magpapahuli sa sales lady na nagbabasa ka ng libro sa tindahan nila. Mapapagalitan ka, tapos mapipilitan ka na bilhin ang libro,” natatawang babala nito.
Nag-init ang mukha niya sa hiya. Pasimple niyang binitawan ang libro at naglakad palabas ng tindahan ng libro.
Ilang minuto na siyang naglalakad nang may sumabay sa kanya sa paglalakad. Ang lalaki sa book store.
“Anong pangalan mo? Ako si Justin,” walang ano-ano ay pagpapakilala nito.
Ilang sandali siyang natigilan bago sumagot. Hindi kasi siya sanay na may lumalapit sa kaniya at nagpapakilala. Madalas ay mag-isa lang siya at nilalayuan ng iba. “Wirdo” raw kasi siya at nakakatakot.
“Jessa,” simpleng sagot niya.
Sa totoo lang ay hindi siya komportable noong una, kaya naman pinakaiwas-iwasan niya ang lalaki. Ngunit sadyang makulit ito. Nais daw nito na maging kaibigan siya dahil parati siyang nag-iisa. Sa huli ay wala siyang magawa kundi ang tanggapin ang inaalok nitong pagkakaibigan.
Iyon ang simula nila ni Justin. Ito ang parati niyang kasa-kasama. Ito ang parati niyang kadikit sa eskwelahan, kasabay sa pag-uwi, at sa kung ano-ano pang ginagawa niya sa maghapon.
Kasalukuyan siyang kumakain ng tanghalian nang marinig niya ang hagikhikan at bulungan ng ilan sa mga kaklase niya.
Hindi niya man marinig nang malinaw ay alam niya na siya ang pinag-uusapan ng mga kaklase.
“‘Wag mo na silang pansinin,” payo ni Justin.
Nginitian niya ang kaibigan bago siya nagpatuloy sa pagkain.
Isang araw habang naglalakad sila pag-uwi ay may tinanong si Justin.
“Nag-iisang anak ka ba?” anito.
Sandali siyang napahinto sa paglalakad bago nakasagot.
“Hindi. May isa akong kapatid,” sagot niya.
Binalot ng pagtataka ang gwapo nitong mukha.
“Talaga? Bakit parang hindi ko pa nakikita kapag napapadaan ako sa bahay niyo?” usisa nito.
Mapait siyang napangiti bago umiling.
“Wala na. Wala na siya, at ako ang may kagagawan noon. Siguro kung binantayan ko lang siya nang maayos noon ay hindi siya nahulog sa hagdan at namat*y,” kwento niya sa kaibigan.
Nakita niya ang awa na bumakas sa mukha nito.
“Hindi. Hindi mo kasalanan. ‘Wag mong sisihin ang sarili mo,” marahang sabi nito.
Umiling si Jessa. Kahit pa anong sabihin nito o ng mga magulang niya, habang buhay niya pa ring dadalhin ang bigat ng kasalanan niya sa kapatid.
Limang taon na ang lumipas ngunit sariwa pa rin sa alaala niya ang trahedyang iyon. Sa pagkawala ng kapatid niya ay sinisi niya ang lahat sa kaniyang sarili.
Lumayo siya sa kaniyang mga kaibigan, maging sa kaniyang mga magulang. Naisip niya kasi na wala siyang karapatan na maging maligaya.
Mabuti na lang at dumating sa buhay niya si Justin. Kahit paano ay nababawasan nito ang bigat ng dalahin niya.
Simula noong sinabi niya kay Justin ang madilim na bahagi ng kaniyang buhay ay hindi na ito tumigil sa kakakulit sa kaniya.
“May kakilala akong makakatulong sa’yo. Kailangan mong patawarin ang sarili mo, Jessa, kung gusto mong maging maligaya. At bilang kaibigan mo, gusto ko na sumaya ka. Ang kapatid mo, kung nasaan man siya, alam ko na nanaisin niya na maging masaya…” payo nito.
Matagal-tagal din bago siya pumayag sa gusto ng kaibigan.
Dinala siya ni Justin sa isang maliit na klinika ay doon ay naglalagi ang mabait na doktor na si Doktora Juno.
Sa tuwing nakakausap niya ang doktor at ibinabahagi niya rito ang mga masasakit na pinagdaanan niya ay unti-unting gumagaan ang dibdib niya.
Unti-unti ay naunawaan niya na aksidente ang nangyari sa kapatid niya, at walang nanisi sa kaniya sa pagkawala nito.
Kung noon ay hindi niya kinakausap ang kaniyang mga magulang, ngayon ay kasabay na niya kumain ang mga ito.
Unti-unting dumalang ang pagkikita nila ni Justin, lalo pa’t madalas ay sa klinika siya dumidiretso para sa sesyon nila ni Doktora Juno. Noong una ay sumasama pa ito sa klinika, ngunit nang lumaon ay hinahayaan na siya nito mag-isa.
Makalipas ang mahigit-kumulang dalawang taon ay isang magandang balita ang narinig niya mula sa doktor.
“Ito na ang huling sesyon natin, Jessa. Alam ko na tuluyan nang naghilom ang sugat sa puso mo. Babalik na sa normal ang buhay mo. Makakahanap ka na ulit ng mga bagong kaibigan,” nakangiting wika ng butihing doktor.
Umiling siya.
“May kaibigan na po ako, si Justin. Siya po ang nagdala sa akin dito,” aniya.
Napangiti ito.
“Naku, mabuti iyan. Pakilala mo nga sa akin ‘yang kaibigan mo,” anang doktor.
Napakunot-noo si Jessa. Ilang beses na rin kasi na naisama niya roon si Justin.
“Hindi n’yo pa po pala nakikilala si Justin, Dok? Madalas ko siya kasama noong mga unang punta ko rito…” nagtatakang pahayag niya.
Ang doktor naman ang napakunot-noo.
“Jessa, mula noon, hanggang ngayon, parati kang mag-isa lang na pumupunta rito sa ospital,” paliwanag ng doktor.
Gulong-gulo siyang umiling.
“Hindi, Dok. Imposible po ‘yan!”
Upang mabigyang linaw ang lahat ay hinanap nila sa CCTV ang tala ng unang pagpunta niya sa klinika.
Hindi siya makapaniwala. Tama ang doktor.
Kitang-kita na mag-isa lang siya sa klinika. Ngunit kita rin doon ang pagsasalita niya mag-isa, na para bang may kausap siya na siya lamang ang nakakakita. Sa video ay kita ang kakaibang tingin ng ibang tao sa kaniya. May iilan pa na pinagtatawanan siya.
Tumulo ang luha ni Jessa. Nanginginig na binuksan niya ang kaniyang cellphone, sa pag-asa na makakakita siya ng pruweba na totoo si Justin.
Ngunit wala. Sa bawat larawan ay kita ang masaya niyang ngiti, ngunit wala ang kaibigan niya. Tuluyan na siyang napahagulhol. Ang tao pala na itinuring niyang sandigan ay produkto lamang ng kaniyang imahinasyon.
Naramdaman niya ang pagtapik ni Doktora Juno sa kaniyang balikat.
“Hindi ba’t si Justin ang nagdala sa’yo sa lugar na ito? Gusto niya na gumaling ka na mula sa sakit na naranasan mo noon, Jessa,” pag-aalo nito.
Lalo lang siyang napahagulhol.
“‘Wag kang malungkot kung hindi mo na makita si Justin. Ibig sabihin lang noon ay hindi ka na tatawaging wirdo ng iba. Magkakaroon ka na ng mga tunay na kaibigan,” dagdag pa ng mabait na doktor.
Gumaan ang loob niya sa narinig. Tama ang doktor. Nawala man si Justin ay hinding-hindi niya ito makakalimutan. Hindi man ito totoo ay ito ang naging daan para mapalapit siya sa kaniyang mga magulang at mapatawad niya ang kaniyang sarili. Ito ang naging daan para sumaya siyang muli.