
Kahit Takot sa mga Insekto ang Kaniyang Kapatid, Patuloy Niya Itong Tinatakot; Nataranta Siya nang Tila Tumigil Ito sa Paghinga
Takot sa mga insekto ang nakababatang kapatid ng binatang si Rex. Ilang beses man siyang pagsabihan ng kaniyang ina na huwag na huwag niya itong tatakutin dahil nga may espesyal din itong kalagayan sa pag-iisip, patuloy niya pa rin itong ginagawa lalo na kung siya ay walang magawa o kapag may pinag-uutos siyang ayaw gawin nito.
“Rex, umamin ka, ikaw ang naglagay ng salagubang sa banyo habang naliligo ang kapatid mo, ano? Mabuti na lang, nakita ko agad dahil kung hindi baka natakot nang sobra ang kapatid mo! Tigil-tigilan mo ang kalokohan mo, ha! Baka mamaya, sa sobrang takot no’n, madulas at mabagok ang kaniyang ulo!” sermon nito sa kaniya, isang hapon habang kumakain siya ng meryenda.
“Grabe ka naman mag-isip, mama! Pwede ka nang gumawa ng pelikula!” tawang-tawa niya pang tugon na ikinainis nito.
“Ah ganoon?” sagot nito saka siya agas na pinagkukukurot sa tagiliran, “Ilagay mo sa lugar ang pagkapilyo mo, ha! Isang beses mo pang takutin ang kapatid mo, malilintikan ka na talaga sa akin!” sigaw pa nito sa kaniya.
“Oo na, mama! Aray ko! Ang sakit!” wika niya kaya siya’y agad na ring tinigilan nito.
Kaya lang, kahit halos bumakat na ang kuko ng kaniyang ina sa kaniyang tagiliran, hindi pa rin nito napigilan ang kapilyuhang mayroon siya.
“Kapag hindi nito sinunod ang utos ko, yari na talaga ito sa akin! Sakto, nag-zumba na si mama, wala nang magtatanggol dito!” sabi niya sa sarili habang pinagmamasdan ang kapatid na abala sa paglalaro ng lupa, “Bunso, ikuha mo nga ako ng maiinom sa kusina, nauuhaw ako, eh,” utos niya rito.
“Ikaw na! Ang laki-laki mo na, eh!” singhal nito habang nakakunot pa ang noo.
“Ah, ayaw mo?” wika niya pa.
“Ayoko talaga! Naglalaro ako rito, eh! Wala ka namang ginagawa riyan kaya ikaw na ang kumuha!” sigaw nito sa kaniya dahilan para agad niya hulihin ang tipaklong na nakita niya sa hindi kalayuan at ito ay ilagay sa ulo ng kapatid.
“Kapag may inuutos ako, kahit may ginagawa ka, dapat mong sundin, ha?” payo niya rito.
“Opo, kuya! Tanggalin mo na ‘to! Susundin na kita!” pakiusap nito, ni hindi nito magawang gumalaw dahil sa takot.
“Ay, hindi kita marinig!” sabi niya pa, ngunit imbis na makarinig ng sagot, siya’y labis na nataranta nang makitang putlang-putla na ang mukha nito at tila ba hindi na nahinga!
Sa sobrang taranta niya, agad niyang tinanggal ang inilagay niyang tipaklong sa ulo nito saka ito’y binuhat at dinala sa lugar kung nasaan ang kanilang ina na hindi naman kalayuan sa kanilang bahay. Lalo pa siyang kinabahan nang biglang magsalita ang kapatid niyang ito, “Ikaw po ba ‘yan, Papa Jesus? Kuhanin Niyo na po ako, hindi naman po ako mahal ng kuya ko!” na ikinaiyak niya na lamang.
Maya maya pa, sila nga ay nakarating na rin sa lugar kung nasaan ang kanilang ina. Dekalibreng galit ang agad na nakita niya sa mukha nito pagkakitang-pagkakita pa lang na walang malay ang kaniyang kapatid.
“Kapag may nangyari talagang masama rito sa kapatid mo, sinasabi ko sa’yo, Rex, mapuputulan kita ng leeg!” babala nito sa kaniya saka isinakay sa patrol na rumesponde ang kaniyang kapatid upang dalhin sa ospital.
Habang naghihintay ng balita mula sa kaniyang ina, wala siyang ibang magawa kung hindi ang manalangin na sana’y walang seryoso at masamang nangyari rito.
“Hindi ko po mapapatawad ang sarili ko kapag lalong lumala ang lagay ng kapatid ko dahil sa akin. Pangako po, hinding-hindi ko na siya ulit tatakutin,” iyak niya.
Sa kabutihang palad, napag-alamanan ng mga doktor na nakaranas lang ito ng pagkaranta dahilan upang hindi ito makahinga nang maayos. Sabi pa ng doktor, “Hindi naapektuhan sa ngayon ng pangyayari ang kondisyon niya sa pag-iisip ngunit kapag nangyari ulit ito, maaaring lalong lumala ang kaniyang sakit.”
Sa sobrang tuwa niya nang marinig ang mga katagang iyon, agad niyang niyakap ang kaniyang kapatid at paulit-ulit na humingi ng tawad dito.
“Huwag ka munang sasama kay Papa Jesus, ha? Dito ka muna sa amin ni mama!” mangiyakngiyak niyang sabi na ikinatuwa naman ng kaniyang ina.
Nabigyan man siya ng parusa ng kaniyang ina dahil sa kaniyang ginawa, buong puso niya itong tinanggap at sa mga araw na ayaw siya nitong pagamitin ng kahit anong gadgets, araw-araw niyang kinakalaro at pinapasaya ang kaniyang kapatid na nagbigay daan upang sila’y magkasundo sa lahat ng bagay.
Simula noon, hindi na niya muling tinakot pa ang kapatid. Bagkus, ginagawa niya ang lahat upang maproteksyunan ito sa kinakatakutan nitong mga insekto.