Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan ng Kapwa Tindera ang Pagiging Mapagbigay Niya sa Mahihirap; Maganda pala ang Magiging Bunga Nito

Pinagtatawanan ng Kapwa Tindera ang Pagiging Mapagbigay Niya sa Mahihirap; Maganda pala ang Magiging Bunga Nito

Hindi alintana ng matandang dalagang si Hermosa ang kakarampot na kita niya araw-araw sa pagtitinda ng mga prutas. Uuwi man siyang may dalawa hanggang limang daang pisong kita kada araw, siya’y masaya na. Ito ay dahil bukod sa sarili lang naman niya ang kaniyang binubuhay, may natatangi pa siyang misyon na ginagawa araw-araw.

Kung ang mga kapwa niya tindera ay naghahanap at nanghihikayat ng mga mamimili, mga taong walang sapat na pera ang kaniyang pinupuntirya upang mabigyan niya ito ng kahit anong prutas na mayroon siya.

Hindi man mabilang sa kamay ang dami ng mga tinderang tumatawa sa gawain niyang ito, patuloy niya pa rin itong ginagawa dahil ito na lang ang tanging nagpapataba sa kaniyang puso.

“Naku, Aling Hermosa, hindi ka ba natatakot na malugi? Halos araw-araw yata, nasa sampung kilong prutas ang napamimigay mo kung kanino! Dapat hindi ka na nagtinda, dapat nagtayo ka na lang ng bahay-ampunan!” inis na wika ni Glenda nang makita na naman siya nitong nagbigay ng prutas sa isang batang pulubi.

“Oo nga, hindi ka ba naiinggit sa amin? Nauubos ang mga paninda namin dahil may mga bumibili pero ang paninda mo, palaging nauubos dahil pinamimigay mo! Tatakbo ka bang mayor sa lugar na ito?” sabat pa ng isa na ikinangiti niya.

“Alam niyo, hindi ko naman kasi kailangan nang malaking halaga ng pera. Ang kailangan ko, sa ganitong edad ko, kasiyahan at natatagpuan ko ‘yon kapag ako’y namimigay,” malumanay niyang tugon habang inaayos ang kaniyang mga prutas.

“Diyos ko! Sana nga ‘yang kabaitan mo, Aling Hermosa, ang magbigay pa sa’yo ng mas maraming biyaya at sana, dalhin ka niyan sa langit kapag nawala ka na!” sigaw pa nito habang nag-iihit na kakatawa.

“Sigurado ako riyan,” sabi niya pa sabay kindat na lalong ikinainis ng dalawa.

Habang patuloy siyang pinagbubulungan ng dalawang tindera, natanaw niya sa hindi kalayuan ang isang dalaga. Nang mapansin niyang nakahawak ito sa sikmura at tila nagugutom na, dali-dali siyang kumuha ng plastik saka nagsimulang magbalot ng mga prutas na maaari niyang ibigay dito.

“Kung ako ang pangulo ng bansang ‘to, araw-araw kang may medalya sa akin, Aling Hermosa! Palagi rin kitang ipapalabas sa telebisyon dahil sa pagkabayani mo!” sarkastikong sigaw pa ni Glenda nang makita siya nitong nagbabalot.

Ngunit imbis na sumagot, patuloy siyang nagbalot saka ito iniabot sa dalagang lumapit sa kaniya.

“Maraming salamat po, Nanay Hermosa!” sigaw nito saka siya niyakap. “Aba, kilala mo ako?” pagtataka niya.

“Sino ba namang hindi makakakilala sa’yo, lahat na yata ng pulubi nabigyan mo ng prutas!” sabat ni Glenda saka tumawa nang malakas.

“Opo, matagal ko na po kayong binabantayan at ngayong araw po, gusto ko na sa inyong magbigay ng pabuya,” tugon ng dalaga.

“Naku, hija, anong sinasabi mo riyan?” takang-takang wika niya.

“Minsan pong nawala ang nanay kong may sakit sa pag-iisip. Nagulat po kaming lahat dahil kahit isang linggo siyang nawala sa amin, hindi siya nangayayat. Ikaw daw po ang araw-araw na nagbibigay sa kaniya ng pagkain. Kaya ito po, maliit na pabuya para sa inyo,” kwento nito saka iniabot ng isang tseke na talagang ikinagulat niya.

“Ano? Isang milyong piso? Maliit lang ba ito sa’yo? Alam mo ba binibigyan ko rin ang nanay mo noon!” muli na namang sabat ni Glenda habang pinagmamasdan ang hawak na tseke ng matanda.

“Mukhang kayo naman po si Aling Glenda, ano? Kwento ng nanay ko, lagi mo raw siyang tinataboy na parang aso. May sakit man po sa pag-iisip ang nanay ko, magaling naman po siyang umalala ng mga bagay-bagay,” tugon nito na labis na ikinahiya ng tindera.

“Sabi sa’yo, Glenda, may malaking biyayang naghihintay sa akin,” bulong niya pa sa tindera saka niya ito kinindatan na talagang ikinainis nito, “Maraming salamat, hija, ha? Ginawa ko lang ang nararapat pero sobra-sobra ang biyayang dumating sa akin. Hayaan mo, ang perang ito ay mapupunta sa mabuting gawain,” sabi niya naman sa dalaga na ikinatuwa nito.

Katulad ng sabi niya sa dalaga, kalahati sa perang iyon ay binigay niya sa bahay-ampunan habang ang kalahati ay ginamit niya upang magkaroon nang mas malaking tindahan kung saan maaaring kumain, maligo at matulog ang mga pulubi.

Ang pagiging mapagbigay niyang ito ang nagpaingay sa pangalan niya sa buong mundo dahilan upang siya’y puspusan ng sandamakmak pang donasyon mula sa iba’t ibang parte ng mundo.

“Hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko! Salamat sa Diyos, sa edad kong ito, natupad ko ang aking misyon,” sabi niya sa sarili habang nagbabalot ng prutas na ibibigay niya sa isang mag-anak na nakita niya sa bangketa.

Advertisement