Tinuturuan Niya ang mga Anak na Magsinungaling Kapag May Naghahanap sa Kaniya; ‘Di Niya Akalaing Pati Swerte ay Maitataboy Niya
Lubog na sa utang ang ginang na si Aiza. Sa tuwing wala siyang maihahandang pagkain para sa kaniyang mga anak, lagi niyang takbuhan ang mga kapitbahay niyang nagpapautang. Malaki-laki man ang tubong pinapatong ay hindi niya iniinda basta’t matugunan niya lamang ang kalam ng sikmura ng kaniyang mga anak.
Ang kamalian lang sa kaniya, sa dinami-dami ng utang niya, hindi siya gumagawa ng paraan kung paano mababayaran ang lahat ng ito. Patuloy lamang siyang nagtatrabaho sa isang pabrika ng mga sabong panlaba at ang kakarampot niyang sahod dito ay mapupunta lamang sa kaniyang mga bayarin dahilan upang muli siyang mangutang.
“Hindi ka na ba napapagod sa ganitong sitwasyon ng buhay mo, Aiza? Magtatrabaho ka, sasahod, tapos ibabayad mo rin sa mga utang mo ang pera. Paano ka makakaahon niyan?” wika ng kaniyang kumare, isang araw nang lumapit siya rito upang mangutang sa tindahan.
“Anong magagawa ko, mare? Wala talaga akong malalapitan, eh. Hindi naman pwedeng manghingi ako ng pagkain kung kanino,” sagot niya habang tinuturo ang sardinas na uutangin niya.
“Nandoon na nga tayo, mare, edi gumawa ka ng paraan paano madodoble ang pera mo. Magnegosyo ka, magtiyaga ka hanggang sa mabayaran mo lahat ng utang mo,” pangaral nito sa kaniya.
“Diyos ko! Napakahirap magnegosyo, ‘no! Baka mamaya, matapos na agad ang buhay ko dahil doon!” singhal niya na ikinailing na lamang nito.
Dahil patuloy na dumadagdag ang utang na mayroon siya, hindi na siya makapag-isip ng paraan upang mabayaran niya ang lahat ng ito. Ito ang dahilan para ganoon niya na lamang turuan ang kaniyang mga anak na magsinungaling tuwing may maghahanap sa kaniya.
“O, kapag may maniningil na kumatok, sabihin niyo lang na wala ako, ha? Huwag na huwag kayong madudulas na nandito ako dahil kapag nalaman nilang nasa bahay ako, hihingian ako no’n ng pera!” pagsisinungaling niya sa mga ito bago siya matulog pagkatapos ng kaniyang trabaho.
“Ako pong bahala, mama!” sambit ng panganay niyang anak.
Araw-araw niya itong pinapaalala sa mga anak hanggang isang araw, pagkauwing-pagkauwi niya sa trabaho, may biglang kumatok sa kanilang bahay habang patuloy na tinatawag ang kaniyang pangalan.
“Anak, alam mo na ang sasabihin mo, ha? Sige na, buksan mo na ang pintuan! Nakakahiya sa mga kapitbahay!” bulong niya sa panganay na anak kaya siya’y agad na sinunod nito.
“Sino po sila? Pasensya na po kayo, wala po si mama, eh,” sabi ng kaniyang anak pagkabukas nito ng pinto.
“Ay, wala ba riyan? Nakita ko kasi siya kanina, hindi ko lang siya nahabol nang pumasok na siya rito sa eskinita niyo. Naligaw pa nga ako sa pasikot-sikot dito,” kamot-ulo nitong wika.
“Naku, baka po namamalik-mata lang po kayo. Marami pong kamukha rito si mama, eh,” pagsisinungaling pa ng kaniyang anak na talagang ikinahanga niya pa.
“Ganoon ba? Sayang naman! Kapag dumating siya, sabihin mo, nandoon lang ako sa barangay, ha? Puntahan niya na lang kamo ako,” bilin naman nito na ikinapagtaka na niya.
“Ano po bang pangalan niyo?” tanong ng kaniyang anak.
“Maribel,” pagkarinig na pagkarinig palang niya ng pangalan nito, gustong-gusto na niyang lumabas sa pinagtataguan niya, “Matalik akong kaibigan ng nanay mo, kakauwi ko lang dito sa Pilipinas. Alis na ako, ha?” dagdag pa nito na talagang ikinataranta niya.
Agad siyang nagbihis pagkaalis nito. Hindi maipinta ang tuwang nararamdaman niya dahil alam niyang hinahanap siya nito para magbigay ng tulong.
“Sana naman wala siyang makasalubong na iba pa naming kaibigan! Baka maibigay pa sa iba ang biyayang para sa akin!” sabi niya saka agad nang nagpunta sa kanilang barangay.
Ngunit pagkadating niya roon, agad na salubong nito sa kaniya, “Bakit ngayon ka lang nagpakita sa’kin, Aiza? Kanina pa kita hinahanap! Naibigay ko na tuloy ‘yong pera ko kay Mae! Kailangan pala siyang operahan, ‘no? Mabuti na lang nakita ko siya!” na talagang ikinapanghina niya.
“Magkano ang binigay mo sa kaniya?” tanong niya habang patuloy na nanghihinayang.
“Hindi ko na rin alam, eh. Binigay ko na lang ‘yong buong wallet ko, sobrang payat na kasi, eh, awang-awa na ako,” kwento nito.
“Hindi mo naman ako tinirhan! Ako rin kaya hirap na hirap na sa buhay!” inis niyang sabi.
“Magsikap ka pa kasi! Magnegosyo ka! Malakas ka pa naman, eh, dapat nagtitiyaga kang kumita ng pera! Halika, isasama kita sa bahay! Magbenta ka ng mga mamahaling bag na paninda ko, tiyak magkakapera ka!” payo nito dahilan kaya siya’y agad na sumama.
Sa pamimilit ng kaibigan niyang ito, wala na siyang nagawa kung hindi ang ibenta sa social media ang mga orihinal na bag mula sa ibang bansa at hindi niya lubos akalaing pagkalagay niya ng larawan nito sa internet, ilang minuto lang ay may bumili na kaagad!
“O, ‘di ba? May sampung libo ka na agad dito!” tuwang-tuwa sabi ng kaibigan niya na nagbigay sa kaniya ng gana na magnegosyo.
Nagtuloy-tuloy ang pagbebenta niya ng orihinal na bag at ilan pang mga gamit sa social media hanggang sa siya’y makabayad na sa kaniyang mga pinagkakautangan at magkaroon na ng sariling puhunan sa ganitong uri ng negosyo.
“Hindi ba’t mas masarap humawak ng perang pinaghirapan mo?” tanong sa kaniya ng kaibigan habang siya’y nagbibilang ng perang ibabayad niya sa hulugang bahay na kinuha niya na talaga nga namang sinang-ayunan niya.
Doon na nagsimula ang magandang buhay na naghihintay sa kanilang mag-iina na bunga ng kaniyang pagsisipag. Kung dati ay panay utang siya, ngayo’y siya na ang pinagkakautangan at nilalapitan ng mga nangangailangan na labis na nagpapataba sa kaniyang puso.