Palaging Pinapalunok ng Gamot ng Lalaki ang Nobya sa Tuwing Nagpupunta Sila sa Motel; Takot Pala Ito sa Responsibilidad
Magkasintahan sina Cleofe at Arthur. Isang taon na ang kanilang relasyon. Ang lalaki ay nagtatrabaho sa pagawaan ng tela samantalang ang kasintahan ay sekretarya naman sa maliit na opisina sa Makati.Pareho silang may pangarap sa buhay kaya todo kayod sila sa trabaho, pero isang gabi ay hindi na napigilan ang bugso ng kanilang damdamin. Pagakatapos nilang makalimot nang mahabang oras sa silid ng isang motel ay nabigla si Cleofe…
“A-ano ito, Arthur? Pills?” tanong ng babae sa nobyo. May kung anong pangamba sa dibdib ni Cleofe.
“Oo, para ligtas tayo sa ginawa natin. Sige na, inumin mo na ‘yan,” sagot ng lalaki.
Naging masunirin ang babae, nilunok ang gamot nito ang gamot at…
“Uminom ka ng tubig para tuluy-tuloy,” saad pa ni Arthur.
Nang maghiwalay sila ay iniisip pa rin ni Cleofe ang gamot na nilunok niya.
“Takot ba siyang panagutan ang ginawa namin kaya niya ako pinainom nito? O, dati na niyang ginawa ito sa mga dating kasintahan niya?” tanong niya sa sarili na puno ng pagdududa.
Pagkaraan ng ilang linggo, tumawag sa kaniya si Arthur at…
“Ulitin natin ‘yung ginawa natin sa motel, Cleofe. Nabitin kasi ako, eh,” paglalambing nito sa kabilang linya.
“A-ano?”
“Yung ginawa nga natin sa motel, alam mo na ‘yon,” giit ng kasintahan.
Sa tinuran ng ni Arthur ay gumawa ng dahilan si Cleofe.
“Sa ibang araw na lang, Arthur…may lakad ako, eh,” aniya.
Patuloy siyang kinulit ng nobyo pero tumanggi talaga siya na pagbigyan ito sa araw na iyon ngunit dahil nasimulan na nila iyon ng isang beses, nang sumunod na yayain siya ni Arthur na muling may mamagitan sa kanila ay hindi na siya nakatanggi. Mahal niya kasi ang lalaki, kaya kahit anong iwas niya na makipagn*ig dito ay patuloy pa rin siyang nadadarang kapag sinimulan na siyang lambingin ng nobyo. Sa madaling salita, sadyang marupok siya. Kaya nang may mangyari ulit sa kanila sa motel ay binigyan na naman siya nito ng pills.
Sa isang linggo ay isang beses silang pumupunta sa motel ngunit minsan…
“Tiyakin mo nga sa akin kung ano talaga ang ibig mong maging epekto ng pills na ito, Arthur?” tanong ni Cleofe.
Napakamot sa ulo ang lalaki. “Hindi ba sinabi ko na sa iyo? Para hindi na muna tayo magka-anak. Para maging malaya pa tayo.”
Tinapat ng babae ang nobyo.
“Kung sakali ay wala kang balak na pakasalan ako, Arthur?” lakas loob niyang tanong.
Tumango ang lalaki. “Iyan nga ang ibig kong sabihin, para huwag muna tayong matali sa isa’t isa. Ang mahalaga sa ngayon ay nag-e-enjoy lang tayo. ‘Di ba nasasarapan ka naman sa ginagawa natin? Saka mahirap kasi ‘yong makasal agad tayo nang hindi handa. Baka hindi ka makatagal sa piling ko kung hindi ko maibibigay na lahat sa iyo ang luho ng katawan mo,” wika ni Arthur.
Sa sinabi ni Arthur ay tumahik na lamang si Cleofe. Sa isip niya ay wala palang balak magpatali ang lalaki kaya palagi siyang pinalulunok nito ng pills. Ayaw nito ng responsibilidad.
Matapos ang ilang oras na pananatili sa motel ay wala na silang naging kibuan nang lumabas sila roon. Sinubukan siyang kausapin ni Arthur pero wala pa rin siyang gustong sabihin dito.
Napag-isip-isip niya na wala palang balak na seryosohin siya ng lalaki. Pampalipas oras lang siya nito at gagamitin lang siya kung kailan nito gusto, kaya nang tumawag muli si Arthur matapos ang ilang araw, matigas na ang naging pasya niya.
“Hanggang may bisa sa tiyan ko ang mga pills na ipinalunok mo sa akin, Arthur, ayoko nang maulit pa ang pagkakamali ko,” sambit niya sa kabilang linya.
“T-teka, a-anong ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ng lalaki.
“Humanap ka na lang ng ibang madadala mo sa motel at siya mong painumin ng pills mo.”
“P-pero, Cleofe…”
“Mula ngayon, kalimutan mo na ako, Arthur. Ayoko na,” saad pa niya sa matapang na tono.
Ang pag-iwas ni Cleofe kay Arthur ay nag-udyok dito sa paglapit at pakikipagmabutihan sa ibang babae. Sa simula ay nasasaktan siya ngunit kalauna’y…
“Mapag-aaralan din kitang limutin, Arthur. Hindi nararapat sa isang katulad mo ang aking pag-ibig,” bulong ni Cleofe sa isip.
Ngunit kung kailan malilimot na niya ang lalaki, saka naman biglang pumunta ito sa bahay nila at…
“Inaamin ko, kung sinu-sinong babae ang pinatulan ko nang layuan mo ako, ngunit sa piling nila’y lagi akong naghahanap sa iyo, Cleofe,” sabi nito.
Hinarap niya ang dating kasintahan…
“Nakalimutan ko na ang tungkol sa mga pills, Arthur. Nakalimutan na rin kita,” sagot niya.
Hinawakan ni Arthur ang mga kamay niya. “Wala na akong dalang mga pills ngayon, Cleofe. Ang dala ko ngayo’y katuparan ng lahat ng pangarap mo. Tanggapin mo lang ako ulit at papakasal na tayo. Napagtanto ko na ikaw pa rin ang mahal ko, ikaw pa rin ang nasa puso ko. Hindi ko kayang mabuhay nang wala ka,” mangiyak-ngiyak na sabi ng lalaki.
Hindi na rin napigilan ni Cleofe na maluha sa sinserong pagtatapat sa kaniya ni Arthur. Aminin man niya o hindi ay mahal pa rin niya ito. At sa binanggit na kasal, hindi na niya nagawa pang tanggihan ang alok ng lalaki. Muli niyang tinanggap ang pag-ibig ni Arthur.
‘Di nagtagal ay iniharap na siya nito sa simbahan. Natuloy na ang pinapangarap niyang kasal at bumuo na sila ng pamilya. Biniyayaan sila ng tatlong anak na lalaki. Binigyan din siya ng maayos na buhay ni Arthur. Wala nang mahihiling pa si Cleofe dahil maligayang-maligaya na siya sa piling ng kaniyang asawa.