Nag-abroad Siya Upang Matugunan ang Pangangailangan ng Pamilya; Bakit Kaya ang Sumbong sa Kaniya, Kawawa Naman ang Pamilya Niya?
Bilang panganay na anak, si Hasmin ang siyang tumataguyod sa kanilang buong pamilya lalo na ngayong mahina na ang kaniyang ina at may problema na sa pag-iisip na dati ay ang tanging tumutugon sa pangangailangan nilang magkakapatid.
Bukod sa siya na ang sumasagot sa lahat ng gastusin sa kanilang bahay katulad na lang ng bayarin sa kuryente, tubig, pagkain sa pang-araw-araw, at gamot ng kaniyang ina upang patuloy itong gumaling sa sakit na iniinda, siya pa ang nagbibigay ng perang pangbaon sa tatlo niya pang nakababatang kapatid na mga nag-aaral pa.
Nang mapansin niyang hindi na sapat ang kinikita niya bilang isang waitress sa laki ng gastusin nila buwan-buwan, napagdesisyunan niyang makipagsapalaran sa ibang bansa. Lingid man sa kagustuhan niyang mawalay sa may sakit niyang ina dahil hindi siya sigurado kung maaalagaan ito ng pangalawa niyang kapatid na tutugon sa maiiwan niyang gawain sa kanilang bahay, sumugal pa rin siya at labis na binilin ang kanilang ina sa pangalawa niyang kapatid.
“O, Helen, huwag na huwag mong kakaligtaan na pakainin at painumin ng gamot ang nanay, ha? Huwag mo ring hahayaang makalat ang bahay dahil nakakahiya sa ating mga kapitbahay. Tapos kapag may kailangan ka, lalo na kung tungkol sa pera, magpadala ka lang mensahe sa akin,” bilin niya rito na agad naman nitong sinang-ayunan.
Doon din ay agad na siyang lumipad patungong ibang bansa at sa kabutihang palad naman, siya’y napunta sa isang mabait na amo. Kaya lang, kahit na mabait ito sa kaniya at busog siya sa pagkain, parang lagari naman siya magtrabaho dahil bukod sa napakalaking bahay ang mag-isa niyang nililinis, tatlong makukulit na bata pa ang kaniyang inaalagaan.
“Ayos lang na mapagod ka at magkakalyo ang buong katawan mo, Hasmin! Basta mapagamot mo ang nanay mo at mabigyan mo ng magandang buhay ang buong pamilya niyo!” pangungumbinsi niya sa sarili habang pinagmamasdan ang kulubot niyang kamay dahil sa apat na oras na paglalaba ng damit ng kaniyang amo.
Maya maya lang, habang siya’y nagsasampay, bigla naman siyang nakatanggap ng tawag mula sa kapatid niya at sabi nito, “Ate, magpadala ka ng pera, ha? Wala na kaming pangbaon saka mauubos na rin ang gamot ni nanay,” dahilan para siya’y agad-agad na nagpaalam sa kaniyang amo upang magpunta sa pinakamalapit na padalahan ng pera.
Sa halos araw-araw na pagtatrabaho niya roon, puro daing at paghingi ng pera ang natatanggap niya mula sa kapatid niyang iyon na minsan, hindi niya naman pinaghinalaan dahil siya’y may tiwala rito. Isang sabi lang nito, natataranta pa siyang magpadala ng pera rito lalo na kung ang dahilan nito ay tungkol sa kanilang ina.
Kaya lang, isang gabi, bago siya tuluyang magpahinga, naisipan niyang magbukas ng kaniyang social media account at maya maya lang, nakatanggap siya ng mensahe mula sa isa sa kanilang mga kapitbahay.
Sabi nito, “Hasmin, hindi ka ba naaawa sa nanay mo? Mukhang malubha na ang sakit sa utak at kung anu-ano na ang sinasabi! Magpadala ka naman ng pera!” na agad niyang pinagtaka dahilan para kaniya itong tawagan.
Sa pag-uusap nilang iyon, nalaman niyang ang dalawang pinakabatang kapatid niya na lang pala ang namamalagi at nag-aalaga sa kanilang ina habang ang pinagkakatiwalaan niyang si Helen ay nawiwili na pala sa bahay ng bago nitong nobyo.
“Naku, Hasmin, umuwi ka muna rito dahil kawawa ang dalawa mong kapatid at lalo na ang nanay mo,” payo nito sa kaniya dahilan para siya’y dali-daling magmakaawa sa kaniyang amo na siya ay hayaang makauwi sa ‘Pinas.
Dahil nga mabait naman ito sa kaniya, pinayagan siya nito at binigyan pa siya ng pera pangbili ng ticket pauwi na labis niyang ikinatuwa.
Pag-uwi niya, tumambad nga sa kaniya ang dalawa niyang kapatid na payat na payat na habang nililisan ang kanilang ina na hindi na siya makilala at habang siya’y pilit na nagpapakilala rito, biglang dumating ang pangalawa niyang kapatid at siya’y hindi napansin.
“Hoy, nasaan ang reseta ni nanay? Akin na, hihingi ako ng pera kay ate! Wala na akong pera, eh!” sigaw nito sa bunso nilang kapatid.
“Diyos ko, Helen, ano’ng ginawa mo sa pera ko?” sigaw niya sa rito dahilan para agad itong magulantang at magsimulang magsinungaling sa kaniya.
Sa sobrang galit niya, kahit gustong-gusto niya itong sampalin at saktan, wala na siyang lakas upang gawin ito.
“Uunahin mo ang nobyo mo kaysa sa nanay mo? Nagpapakahirap ako sa ibang bansa para sa inyo tapos ibibigay mo lang sa nobyo mo? Nababaliw ka na ba?” galit niyang sabi rito ngunit imbis na umamin at humingi ng tawad, nagdabog pa ito at naglayas.
Doon niya napagtantong kahit anong pagsusumikap niya, kung wala naman siyang mapagkakatiwalaan at maaasahang mag-alaga sa kanilang ina na dahilan ng pagkakayod niya, balewala rin ang lahat ng pagod at sakripisyo niya.
Kaya naman, imbes na bumalik pa sa ibang bansa at muling mapabayaan ang ina, nagdesisyon siyang manatili na lang dito at ipangpuhunan sa negosyo ang naipon niyang pera roon.
Natuwa naman siyang sinuportahan siya ng amo sa desisyon niyang ito at pinadalhan pa siya ng pinansyal na tulong. Sa ganoong paraan, natutukan na niya ang kaniyang ina, kumita pa siya nang sapat sa kanilang pangangailangan.
Hindi man niya alam kung paano maibabalik ang pangalawang kapatid na nalaman niyang nasa puder ng nobyo, ipinagpasa-Diyos niya na lamang ito dahil sobrang tigas talaga ng ulo nito.