Kinuwestiyon Niya ang Diyos nang Hindi Siya Matanggap sa Trabaho; May Mas Magandang Oportunidad Palang Naghihintay sa Kaniya
Hindi na makatiis sa pangkasalukuyan niyang trabaho ang dalagang si Sharon. Matagal na simula nang mapansin niya ang katiwaliang nangyayari sa pinagtatrabahuhan niyang kumpanya. May mga katrabaho siyang nangungupit sa kanilang pondo dahilan para paminsan ay kulang-kulang o huli na sa takdang araw ang kaniyang sahod. Bukod pa roon, halos araw-araw nag-aaway-away at nagsisiraan ang kaniyang mga katrabaho na talagang nakapagbibigay sa kaniya ng matinding stress.
Noon pa niya sana gustong umalis sa kumpanyang ito ngunit dahil ayaw siyang paalisin dito ng kaniyang ina sa kadahilanang siya lang ang inaasahan nito upang tumugon sa kanilang pang-araw-araw na pagkain at bayarin, pinagtiisan niya ito.
Ngunit ngayong siya na ang ginigisa at pinagbibintangan ng ilan sa kaniyang mga katrabaho tungkol sa nawawalang pondo na hindi niya naman alam kung saan napunta, roon na siya napilitang lumaban at umalis sa kumpanyang iyon.
Pagkaalis na pagkaalis niya roon, agad siyang nagpasa ng resumé sa kung saan-saang kumpanya. Sa katunayan, siya’y nagpa-imprinta ng bente pirasong resumé na ipinasa niya kung saan-saang kumpanya sa Maynila.
Ipinasa niya ang kopya nito sa mga hotel, call center company, toll gate, restawran, at kung ano pang pupwede niyang pag-apply-an ng trabaho. Nagawa niya pa ngang magpasa nito sa isang kilalang hotel na pawang mga artista at sikat na personalidad ang mga kustomer kahit wala siyang balak na pumasok doon dahil nga alam niyang hindi papasa ang isang katulad niya roon.
Matapos niyang ipasa ang mga kopya ng kaniyang resumé, minabuti niya munang magpahinga sa parkeng nadaanan niya. Roon siya taimtim na nagmuni-muni at nanalanging sana’y may tumawag na sa kaniya kaagad upang hindi sayang ang pamasahe niya papunta sa Maynila.
Tila dininig naman siya ng Maykapal dahil paglipas lang ng halos isang oras, may isang call center company ang tumawag sa kaniya at siya’y pinaanyayahang dumalo sa isang interbyu na agad niyang tinugunan.
Ngunit nang sumagi sa isip niya na ni isa sa mga impormasyon ng naturang kumpanya ay wala siyang alam, napagdesisyunan niyang dumaan muna sa isang computer shop at doon pag-aralan ang naturang kumpanya base sa mga impormasyong nakita niya sa internet tungkol dito.
Nang malaman niyang malaki ang maaari niyang sahurin dito na halos doble sa sinasahod niya sa dating kumpanyang pinagtatrababuhan niya, dali-dali na siyang nagtungo roon. Habang nasa daan, wala siyang ibang dalangin kung hindi ang makapasa sa kumpanyang iyon.
“Parang awa Mo na, hindi ko kayang makitang nahihirapan ang nanay ko. Sana, ibigay Mo na sa akin ito,” desperada niyang panalangin.
Noong makarating na siya sa naturang gusali, agad siyang nagpakitang gilas sa ginang na nag-interbyu sa kaniya. Pinamalas niya ang galing niya sa pagsasalita ng Ingles at ang dunong niya sa paggamit ng kompyuter.
At dahil nga alam niyang ginawa niya ang lahat nang makakaya niya, buo ang loob niyang matatanggap na siya rito. Kaya lang, ang tanging sabi sa kaniya ng ginang, “Ms. Sharon, hintayin mo na lang ang tawag namin, ha? Pupwede ka nang makauwi,” anito na talagang dumurog sa puso niya dahilan para hindi niya mapigilang hindi maiyak habang siya’y naglalakad.
“Ano pa bang dapat kong gawin, ha? Alam Mo namang ako lang ang inaasahan ng buong pamilya ko, eh! Bakit Mo ba ako pinagkakaitan…” hindi na niya natapos ang pangunguwestiyon sa Maykapal dahil narinig niyang tumutunog na naman ang kaniyang selpon.
Nang sagutin niya ito, halos manghina ang tuhod niya nang malamang galing ito sa hotel na puro kilalang tao lang ang nagtutungo!
“Pupwede ka na bang magsimula ngayon, miss? Hindi na kita iinterbyuhin dahil kailangang-kailangan namin ng tatao sa front desk namin ngayon dahil may nangyari sa mga empleyado naming nakatoka roon. Nabasa ko na ang resumé mo at alam kong makakaya mo ‘yon agad!” sabi nito dahilan para siya’y mapatakbo patungo roon.
Pagdating niya roon, puno na ang lobby ng naturang hotel ng mga kilalang personalidad na pawang naghihintay at nang makita siya ng ginang na kausap niya, siya’y agad nitong tinuruan kung ano ang dapat niyang gawin.
Mabuti na lang, likas sa kaniya ang pagiging palangiti at agad niyang natutuhan ang trabaho dahilan para paglipas lang ng ilang minuto, napadala na niya sa kaniya-kaniyang kwarto ang mga naghihintay na kustomer na labis na ikinahanga ng ginang.
“Paano ba ‘yan, Ms. Sharon? Gagawin na kitang regular na empleyado, ha? Huwag kang mag-alala, kaya kang bigyan ng hanggang isang daang libong piso kada buwan ng kumpanyang ito,” sambit nito sa kaniya sabay kindat na ikinaiyak niya sa tuwa.
Doon niya agad na naisip na hindi siya pinasa ng Maykapal sa pagiging call center agent dahil may naghihintay na mas malaking oportunidad sa kaniya. “Salamat, salamat, salamat po talaga!” iyak niya.
Sa patuloy niyang pagtatrabaho roon, unti-unti niyang natupad ang pangarap niyang buhay para sa kaniyang buong pamilya. Natutuhan niya ring magtiwala sa plano ng Diyos na walang ibang hinangad kung hindi ang mapabuti siya na lalong nagpasaya sa buhay niya.