Inday TrendingInday Trending
Dala ng Kagipitan ay Nakagawa Siya ng Masama; Paano na ang Pamilya Niya sa Sandaling Mahuli Siya?

Dala ng Kagipitan ay Nakagawa Siya ng Masama; Paano na ang Pamilya Niya sa Sandaling Mahuli Siya?

Namamawis ang palad ni Jerome sa kaba. Malikot ang tingin niya habang papalapit sa estante ng mga kahon ng gatas.

Alam na alam niya na masama ang magnakaw, ngunit anong gagawin niya? Hindi niya naman pwedeng hayaan na magutom na lang ang anak niya, at ang asawa niya na kapapanganak lang. Kailangan niyang dumelihensya.

May trabaho sana siya bilang tagahakot ng basura sa baranggay nila. Ang kaso ay may isang residente na nagreklamo nang makaligtaan niyang damputin ang basura sa tapat ng bahay nito, dahilan upang mamaho ang basura.

Sa huli ay natanggal siya, sa kabila ng pakiusap niya na ‘wag siyang alisan ng trabaho.

Dahil hindi naman siya nakatapos ng hayskul ay hindi siya matanggap-tanggap sa trabaho. Basagulero kasi siya noon.

Dumagdag pa ang kumalat na tsismis na hindi raw siya maayos magtrabaho. Wala tuloy nais tumanggap sa kaniya.

Sa totoo lang, kung minsan ay pinanghihinaan na siya ng loob. Ngunit hindi niya magawang sumuko lalo pa’t may mag-ina siya na umaasa sa kanya.

Minsan nga ay naiisip niya ang mga paghihirap niya ngayon ay parusa sa kaniya dahil sa mga ginawa niya noon. May mga tao siya na nabugb*g, natakot, at na-b*lly noon.

Nanginginig ang kamay na kinuha niya ang karton lata ng gatas. Maya-maya ay dumampot na rin siya ng isang balot ng biscuit bago niya pasimpleng isinuot ang lahat ng iyon sa loob ng bag niya.

Nagmamadali siyang lumabas ng tindahan. Kumakabog man ang dibdib ay umakto siya nang normal.

Nakahinga siya nang maluwag nang makalampas siya sa isang guwardiya na nag-iikot-ikot. Kapag nakalampas siya nang maluwalhati sa entrance ay wala na siyang magiging problema.

“Walang problema. Wala namang nagbabantay,” sa loob-loob niya.

Ngunit nang lalabas na siya ng pinto ay awtomatikong sumara ito, bago tumunog nang napakalakas.

Taranta siyang napalingon sa paligid, at nanlamig siya nang makakita ng dalawang guwardiya papalapit sa gawi niya.

Hindi na siya nakatakbo dahil natulos na siya sa kaniyang kinatatayuan.

Agad na nahablot ng guwardiya ang suot niya bag. Sandali itong nagkalkal bago nilingon ang kasamahan nito.

“Boss, positibo. Magnanakaw nga,” anito.

Agad siyang binitbit ng mga guwardiya patungo sa isang opisina. Hindi na siya makapiglas, sa hiya na rin na mapagtanto ng ibang tao ang ginawa niya.

Masama ang tingin sa kaniya ng dalawang guwardiya.

“Akala mo siguro makakatakas ka, ano? Hindi biro ang seguridad namin dito, hijo,” anang maedad na security guard.

Pagkatapos ay tumunog ang radyo nito, dahilan upang lumabas ito ng opisina. Pagbalik nito ay may balita ito na lalong nagdulot sa kaniya ng kaba.

“Tatawag na raw ba ng pulis, Sir?” tanong ng nakababatang guwardiya.

Umiling ang nakatatanda.

“Hindi na muna raw. Hihintayin muna natin si Ma’am Marlyn. Siya na raw ang tatawag sa pulis para ilipat ‘yung nagnakaw. Kakausapin niya raw muna…” anang nakatatanda.

Bago pa siya makapagtanong ay lumabas na ang dalawa, at naiwan siyang nag-iisa sa napakalamig na opisinang iyon.

Napaiyak siya nang makita ang karton ng gatas at balot ng biskwit sa lamesa. Sigurado siya na hinahanap na siya ng kaniyang asawa. Ano ang gagawin ng mga ito kung sakaling makukulong siya?

Ilang sandali lang ay muling bumukas ang pinto. Sa pagkakataong iyon ay isang babae ang pumasok.

Ngunit nanlaki ang mata niya nang makita ang mukha ng babae. Kilala niya ito!

“M-marlyn?” halos pabulong na anas niya.

Gulat itong napalingon. llang segundo rin itong tila kinikilala siya.

“Je-jerome?” anito. Agad na bumakas ang pagkaasiwa sa mata nito.

Hiyang-hiya siyang tumango. Kaklase niya si Marlyn noon, at hindi lang iyon—isa pa ito sa mga nakaranas ng pambu-b*lly niya noon. Kapag minamalas nga naman!

Lumaylay ang balikat ni Jerome. Mukhang kahit maglumuhod siya kay Marlyn ngayon ay hindi siya maabswelto. Malaki kasi ang atraso niya sa dating kaklase. Siya ang naging dahilan kung bakit kinailangan nitong lumipat ng paaralan.

“B-bakit mo nagawa ang bagay na ‘to?” maya-maya ay narinig niyang usisa nito.

Napapikit siya nang mariin bago sumagot.

“Wala lang akong pagpipilian…” aniya, bago ikinuwento rito ang kasalukuyang lagay niya sa buhay.

Tahimik lamang ito na nakinig. Wala siyang nakitang emosyon sa mukha ng dating kaklase.

“Alam kong malaki ang atraso ko sa’yo, Marlyn. Pero sana ay ‘wag mo naman akong gantihan. Hindi ko alam kung saan pupulutin ang mag-ina ko kapag nakulong ako. Pangako, hindi na ulit ako uulit…” pagsusumamo niya.

Alam niya na malabong paboran siya nito, ngunit nais niya pa rin magbaka-sakali.

Matagal itong hindi umimik. Kabado siyang naghintay, literal na hinihintay ang magiging hatol nito.

Matapos ang ilang sandali ay inimis nito ang karton ng gatas at ang lata ng biscuit bago iyon ibinalik sa dala niyang bag.

Iniabot nito ang bag sa kaniya.

“Heto. Iuwi mo ‘yan sa pamilya mo. ‘Wag ka nang uulit, hindi ka na maabswelto,” seryosong saad nito.

Tuluyan nang napaiyak si Jerome.

“Salamat, salamat!” paulit-ulit na sabi niya bago siya tumayo upang lisanin ang opisina. Papalabas na siya ng pinto nang tawagin siya ni Marlyn.

“Hindi ba’t sabi mo hindi ka mahanap ng trabaho? Naghahanap kami ng kargador ngayon. Pumunta ka bukas ng umaga kung gusto mo ng trabaho,” bilin nito.

Natigagal si Jerome. Higit pa sa sobra ang ginawang pagtulong nito sa kaniya! Hindi niya tuloy maiwasang mag-usisa.

“B-bakit ginagawa mo ito? Bakit hindi ka na lang gumanti sa ginawa ko noon?” lakas loob na usisa niya sa babae.

Tipid itong ngumiti.

“Dahil kung anong itinanim ko, ‘yun din ang aanihin ko, Jerome. Tingnan mo ang buhay ko ngayon, maayos. Wala kasi akong inaping tao sa tanang buhay ko,” magaang paliwanag nito.

Habang naglalakad pauwi ay iyon ang laman ng isip ni Jerome. Marahil ay tama si Marlyn. Ang mga kasamaang nagawa niya noon ang siyang inaani niya ngayon.

Ngunit maya-maya ay isa ring ngiti ang sumilay sa labi niya. Hindi pa naman tapos ang buhay niya, kaya sisimulan niya nang magtanim ng mabuti, nang magsimula na ring umulan ng pagpapala sa kaniyang buhay.

Advertisement