Inday TrendingInday Trending
Galit ang Dalaga dahil Tila Wala na Siyang Lugar sa Bagong Pamilya ng Kaniyang Ina; Isang Mahirap na Pamilya ang Magpapabago sa Pananaw Niya

Galit ang Dalaga dahil Tila Wala na Siyang Lugar sa Bagong Pamilya ng Kaniyang Ina; Isang Mahirap na Pamilya ang Magpapabago sa Pananaw Niya

Iritableng napabuga ng hangin si Kara nang muling mag-text ang kaniyang Mama.

“Anak, nasaan ka na? Umuwi ka, para makakain naman tayo ng Noche Buena nang sabay-sabay,” anang mensahe nito.

Inis na inignora niya iyon habang patuloy ang mabilis niyang pagpapatakbo ng kaniyang sasakyan.

Ang totoo ay hindi niya alam kung saan siya pupunta.

Ayaw niyang umuwi sa bahay dahil ayaw niyang makasama ang ikalawang pamilya ng kaniyang ina.

Wala na ang ama niya, kaya wala siyang ibang pagpipiliian.

Simula noong mag-asawa ang kaniyang ina, pakiramdam niya ay nakalimutan na nito ang presensya niya. Naging abala na ito sa bago nitong pamilya, kaya naman siya na ang kusang dumistansya.

“Mabuti nang ako ang umiwas, kaysa dumating pa ang pagkakataon na mapaalis ako.” Iyon ang katwiran niya.

Dahil sa pagmumuni-muni ay hindi namalayan ni Kara na napakabilis na pala ng pagpapatakbo niya.

Walang ano-ano ay isang tao ang tumawid, dahilan upang bigla niyang maapakan ang preno. Nasubsob man siya ay nakahinga siya nang maluwag dahil hindi niya nasagasaan ang tao. Hindi rin siya nabangga sa kung saan.

Nang tumingin siya sa harapan ay nakita niya ang isang lalaki. Bakas din ang matinding gulat at takot sa mukha nito.

Agad siyang bumaba upang humingi ng tawad. Kasalukuyang dinadampot ng lalaki ang mga natapon sa daan.Nang makaamoy siya ng masarap na pagkain ay saka niya lamang napagtanto na pagkain pala ang natapon.

Isang bilao ng pansit, at isang bilao ng puto ang nakita niyang natapon.

“Naku po, sayang naman ang pagkain…” narinig niyang wika ng lalaki.

“Manong, pasensya na po kayo, hindi ko po sinasadya…” aniya.

Tumango ang lalaki, hindi nagsalita, ngunit bakas ang pagkadismaya sa mukha nito.

Magkatuwang nilang nililinis ang pagkaing natapon sa daan nang walang ano-ano ay napabunghalit ng iyak ang lalaki.

“Bakit h-ho? M-may masakit ho ba sa inyo?” agad na bumalik ang kaba sa dibdib niya.

Iling lamang ang sagot sa kaniya ng lalaki, habang patuloy pa rin ito sa pag-iyak habang isa-isang dinarampot ang mga puto na natapon.

Nang mahimasmasan ito mula sa pag-iyak ay muli siyang nagtanong. Nag-aalala kasi siya dahil baka nasaktan ito dahil sa muntikan na pagkakabundol.

“Pasensya ka na, hija, at napaiyak ako. Galing kasi ‘yun sa limang daan piso na bonus na kinita ko. Iuuwi ko sana sa mag-iina ko para sa Noche Buena, tapos natapon pa…”

Agad siyang nakaramdam ng awa. Mahigpit pa rin ang hawak nito sa mga bilao.

“Iwan niyo na ho ‘yan dito. Hindi naman na ‘yan makakain dahil marumi na,” suhestyon niya.

Umiling ang lalaki.

“Hindi, pwede pa ‘yung iba rito…” pagpupumilit nito.

Matagal-tagal pa silang nagpilitan bago niya napapayag ang lalaki na papalitan niya na lang ang mga natapong pagkain.

“Bilang danyos na rin ho, dahil alam ko na natakot at nagulat kayo sa akin kanina. Pasensya na ho, at hindi ako nakatutok sa pagmamaneho, mabuti na lang at hindi kayo nasaktan…” Muli ay paghingi niya ng paumanhin sa lalaking nagpakilala na si Mang Rene.

Tumungo sila sa bayan upang bumili ng pagkain. Hindi nila alintana ang siksikan.

“May gusto ho ba na pagkain ang mga anak niyo, Mang Rene?” usisa niya.

Nahihiya itong tumango.

“Ang totoo niyan, ang gusto nila ay ‘yung ispageti… pero wala naman kaming pambili ng ganoon…” asiwa nitong kwento.

Ngumiti siya.

“Ako na pong bahala,” aniya.

Bumili siya ng ispageti, fried chicken, at cake, mga pagkain na alam niyang magugustuhan ng mga bata.

“Naku, hija, ang dami-dami naman nito! Lampas na sa limandaan ito!” gulat na bulalas ni Rene nang matapos sila mamili.

“Hayaan n’yo na po, Pasko naman!”

Hinatid niya na rin pauwi ang lalaki lalo na nang malaman niyang maglalakad lamang ito pauwi upang makatipid.

Tila may mainit na kamay na humaplos sa kaniyang puso nang makita niya ang pamilya ni Mang Rene na naghihintay rito sa may pintuan.

Agad na nagtalunan ang mga bata nang makita ang pagbaba ng ama mula sa sasakyan.

Hindi maalis-alis ang ngiti ni Kara habang minamasdan ang masayang pamilya. Akala niya ay magiging malungkot ang Pasko niya, ngunit heto siya at kasalukuyang nasisilayan ang isang magandang tagpo.

“Gusto lang namin na makasama ka ngayong Pasko, pero may supresa ka pa sa mga bata!” maligayang saad ng asawa ni Mang Rene.

Isang nahihiyang tingin ang pinukol sa kaniya ng lalaki.

“Naku, mahal… Galing kay Kara ang mga ‘yan…” paliwanag nito sa asawa, bago pahapyaw na ikinuwento ang engkwentro nila kanina.

“Salamat, hija. Salamat at siniguro mong makakauwi nang ligtas ang asawa ko. May bonus pa na masarap na pagkain! Bilang ina ay ito na ang pinakamagandang regalo na natanggap ko,” anang ginang.

Tila may kumurot sa puso niya nang marinig ang sinabi ng babae. Naalala niya ang mga mensahe ng ina na hindi niya man lang napag-abalahang sagutin.

“Hija, gusto mo ba na sumabay sa amin mag-Noche Buena?” narinig niya tanong ni Mang Rene habang inihahanda ng asawa nito ang maliit na mesa.

Nakangiti siyang umiling.

“Hindi na po. Hinihintay po ng nanay ko ang pag-uwi ko,” sagot niya.

Habang nagmamaneho pauwi ay may masayang ngiti sa labi si Kara. May natutunan kasi siya mula sa pamilya nina Mang Rene.

Salat man sila ay pinipili nila na maging masaya. Ang kasiyahan at kakuntentuhan ay pinipili, anuman ang sitwasyon. Hindi ito dumadating o hinihintay, dahil parati itong nariyan, minsan ay hindi lang natin napapansin o nakikita.

“Pipiliin ko ang maging masaya,’” buo ang loob na pahayag niya.

Saglit niyang inihinto ang sasakyan sa isang tabi upang magtipa ng mensahe para sa kaniyang ina.

“Maligayang Pasko, Mama. Pauwi na po ako.”

Advertisement