Inday TrendingInday Trending
Nakituloy ang Babaeng Ito sa Bahay ng Kaniyang Kaibigan at Mister Nito; Hanggang sa Mahulog ang Loob Nila sa Isa’t Isa

Nakituloy ang Babaeng Ito sa Bahay ng Kaniyang Kaibigan at Mister Nito; Hanggang sa Mahulog ang Loob Nila sa Isa’t Isa

Nakikipanuluyan sa mag-asawang Mikel at Sheryl ang matalik na kaibigang babae ni Sheryl na si Rowella. Tinanggap ng mag-asawa si Rowella dahil malaki naman ang kanilang bahay, at may tatlo namang silid.

“Dumito ka na friend, para makabawas-bawas ka na rin sa mga gastusin mo,” wika ni Sheryl noon.

“Salamat, friend. Hulog ka ng langit sa akin. Isa kang mabuting kaibigan,” pasasalamat ni Rowella.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nahulog ang loob ni Rowella kay Mikel, at gayundin naman si Mikel kay Rowella. Madalas kasing wala si Sheryl at abala sa trabaho nito at mga business trip. Madalas na nagpapang-abot sa bahay sina Rowella at Mikel at nakakapagkuwentuhan. Si Rowella na rin ang nagluluto ng hapunan.

Hanggang sa hindi na lamang luto ni Rowella ang natikman ni Mikel.

“Masaya ako sa set up natin, sa totoo lang, Mikel. Pero paano kung mas mauna pa akong magkaanak kay Sheryl? Hihiwalayan mo na ba siya? Ako na ba ang magiging reyna ng bahay na ito?” tanong ni Rowella sa kalaguyo habang sila ay magkayakap sa kuwarto.

Kakatapos lamang nilang lasapin ang ligaya ng mga nakaw na sandali. Anumang oras ay uuwi na si Sheryl mula sa trabaho.

“Bahala na. Eh ‘di kung nabuntis kita, papanagutan kita at hihiwalayan ko si Sheryl,” sagot ni Mikel.

Labis itong tinandaan ni Rowella. Sumagi sa isipan niya na kailangan niyang maunahan sa pagbubuntis ang kaibigan upang hiwalayan na ito ni Mikel.

Sa tuwing dumarating si Sheryl ay agad na tumatalilis si Mikel patungo sa kanilang sariling kuwarto. Si Rowella ang magbubukas ng pintuan para dito at lagi nitong sasabihin na baka tulog na si Mikel dahil kanina pa hindi bumababa.

Kapag nasa harapan silang dalawa ni Sheryl ay kaswal lamang sa isa’t isa sina Mikel at Rowella.

Tuwing Sabado’t Linggo naman, nagkakasya na lamang sila sa pagsulyap-sulyap sa isa’t isa. Kapag hindi nakatingin si Sheryl, isang umaatikabong halikan o yakapan ang magaganap.

Isang araw, may masayang balita si Sheryl. May ipinakita siyang pregnancy test kay Mikel. May dalawang guhit.

“Magiging tatay ka na!” masayang pagbabalita ni Sheryl.

Masayang niyakap ni Mikel ang misis. Kitang-kita sa mukha ni Rowella ang pagseselos at inggit. Ngunit nang sumulyap na sa kaniya si Sheryl ay bigla nang nagbago ang ekspresyon ng mukha nito, ngumiti, at kunwari ay masayang-masaya para sa kaniya.

“Congrats! Happy for the both of you. Magiging ninang na pala ako!” pabalat-bungang papuri ni Rowella.

“Thanks, friend! Oo naman. Ikaw talaga ang magiging ninang nito,” pasasalamat ni Sheryl. Wala siyang kamalay-malay sa lihim na relasyon ng mister at ng matalik na kaibigan.

Pagpasok sa loob ng kaniyang silid ay nagpupuyos ang damdamin ni Rowella.

“Hindi ako makapapayag na unahan ako ni Sheryl sa pagbubuntis. Kailangang may gawin ako. Puwede pang mawala sa landas namin ang pinagbubuntis niya,” maitim na balak ni Rowella.

Kaya nagplano siya ng iba’t ibang mga pakana upang maipalaglag ang bata sa sinapupunan ng kaibigan.

Una, tiniyak niya na madulas ang sahig ng palikuran nang sa gayon ay madulas si Sheryl at mapaupo sa sahig.

Ngunit sa kasamaang-palad, si Mikel ang nadulas. Bumagsak ang puwet nito sa sahig kaya hindi nakalakad ng halos tatlong araw. Hindi malaman ni Rowella kung matatawa o maiinis ba siya sa mga nangyari. Hindi gumana ang kaniyang plano.

“Naloko na. Kailangang gumawa ako ng paraan.”

Tinawagan ni Rowella ang kaniyang kaibigang si Peter.

“Sasanggiin mo lang. Huwag mong pupuruhan ha. Ikaw na bahala.”

“Paano ko siya makikilala?” tanong ni Peter.

“Sasamahan ko siya bukas sa paggrocery. Abangan mo kami. Kung sino yung babaeng kasama ko, siya ang banggain mo. Tapos, kunwari ako ang magtatakbo sa kaniya sa ospital.”

Kasado na ang plano. Bubundulin ni Peter ng kaniyang kotse si Sheryl.

Kinabukasan, patawid na nga sina Rowella at Sheryl sa kalsada. Isang rumaragasang kotse ang dumaan. Kotse ni Peter. Mabilis na nakaiwas si Sheryl ngunit nagulat si Rowella dahil hindi niya akalaing masyadong mabilis ang gagawin ni Peter. Huli na bago siya nakaiwas. Si Rowella ang nabangga ni Peter at tumilapon ang kaniyang duguang katawan.

Intensyunal pala ang ginawa ni Peter. Si Rowella talaga ang puntirya niya dahil sa panloloko nito sa kaniya. Mabilis na pinasibat ni Peter ang kaniyang kotse.

Mabilis na humingi ng saklolo si Sheryl upang maitakbo sa ospital ang kaibigan subalit hindi na ito naisalba pa.

Ang masamang balak para sa legal na asawa, bumalandra sa kabit na may pakana.

Naitago hanggang sa hukay ang lihim na relasyon nina Mikel at Rowella. Labis na nakonsensya sa kaniyang mga ginawa kaya naman minabuti niyang maging mas mabuting mister kay Sheryl. Ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi na niya lolokohin ito, at magiging mabuting asawa at ama sa kanilang mga magiging anak.

Advertisement