Inday TrendingInday Trending
Isang Aksidente ang Nangyari sa Kalagitnaan ng Gabi; Nagsasabi ba ng Totoo ang Nakasaksi?

Isang Aksidente ang Nangyari sa Kalagitnaan ng Gabi; Nagsasabi ba ng Totoo ang Nakasaksi?

Isang malakas na kalabog at sigaw ang pumailanlang sa buong kabahayan. Dali-daling lumabas ng kwarto si Nina para alamin kung ano’ng nangyari.

“Tulong! Tumawag kayo ng ambulansya, dali!” naabutan niyang sumisigaw ng kaniyang Tita Ellen habang yakap ang kaniyang ina na walang malay.

Taranta siyang lumapit sa mga ito.

“Tita Ellen, ano pong nangyari kay Mommy?!” nag-alalang tanong niya.

Ilang segundo itong hindi nakasagot bago tumingin sa kaniya.

“Nahulog siya sa hagdan. Nakita ko, may tumulak sa kaniya!” anito.

“Po? Sino po?” kunot noo niyang tanong sa tiyahin.

Sasagot na sana ito, ngunit narinig na nila ang tunog ng ambulansyang magdadala rito sa ospital.

Sa sobrang pag-alala ay nawala sa isip niya ang sinabi ng kaniyang tiyahin. Sumama siya sa ospital. Nais niyang masiguro na maayos ang ang lagay ng kaniyang ina.

“Dok, kamusta po ang Mommy ko?” kabadong usisa niya nang matapos itong i-eksamin ang kaniyang ina.

Isang mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan nito bago iniabot sa kaniya ang mga papel na naglalaman ng resulta ng pagsusuri.

“Ayos naman ang nanay mo. Pero may tyansa na hindi na siya makalakad pang muli dahil sa nangyari. Kailangan pa muna natin siyang obserbahan bago makasiguro,” paliwanag nito.

Hindi nakasagot si Nina. Hindi siya makapaniwala sa sinapit ng ina. Sa isang iglap ay nagbago ang buhay nito. Hindi niya mapigilang mapaiyak.

“’Wag ka nang umiyak, Nina. Narito naman ako. Aalagaan ko kayo,” pangako ng kaniyang tiyahin.

“’Wag kang mag-alala, Mommy. Dito lang ako sa tabi mo, hindi ako aalis,” pangako niya sa walang malay na ina.

Sa mga sumunod na araw ay nanatili siya sa kwarto nito. Siya mismo ang nagbantay rito, sa takot na baka kung ano na namang mangyari rito.

“Tita, bakit nga po pala hindi nabisita si Yaya Grace dito? Alam naman po niya ang lagay ni Mommy, hindi ba?” tanong niya nang sumapit ang pangatlong araw na kahit anino ng kasambahay nila ay hindi niya nakita.

“Nina. May dapat kang malaman. Halika,” anito.

Nagtataka naman siyang lumapit at umupo sa harap ng tiyahin. Seryosong-seryoso ang mukha nito kaya’t bahagya siyang kinabahan.

“Bakit po? May nangyari po ba?” tanong niya.

“Ang totoo kasi, umalis na si Grace sa bahay niyo. Magmula noong maaksidente ang mommy mo, hindi na siya bumalik pa,” pagkukuwento nito.

“Po? Bakit naman po?”

Hindi siya makapaniwala sa narinig. Matagal na kasi ito sa kanila.

Hinawakan nito ang kamay niya saka nagpatuloy sa pagkukwento.

“Siya ang nakita ko noong umagang iyon, Nina. Tinulak niya ang ina mo sa hagdan. Kitang-kita ng dalawang mata ko!”

“Bakit naman po niya gagawin yon? Mabait po siya at pamilya na po ang turing namin sa kaniya!” matigas na pagtanggi niya sa iniisip nito.

Nailing ito sa sinabi niya.

“Sigurado akong palabas niya lang ‘yun. Ang totoo, may masama siyang intensyon at pera lang ang habol sa inyo. Bago siya umalis, nagawa niya pang nakawin ang gamit at mga alahas ng mommy mo!” nanlalaki ang mata na kwento nito.

Naluha na lang si Nina. Sa isang iglap, pakiramdam niya ay nag-iisa siya. May sakit ang kaniyang ina, habang ang kaniyang Yaya naman na pinagkatiwalaan niya nang husto ang sinasabing may kagagawan ng lahat. Hindi niya tuloy alam kung anong gagawin. Mabuti na lang at nandiyan ang tiyahin.

Isang linggo ang lumipas nang muling silang bisitahin ng tiyahin. May kasama ito na isang lalaki. Nagpakilala ito bilang abogado nila at nais nito na pumirma siya sa ilang dokumento.

“Tita, para saan po ba ito?” usisa niya matapos siya nitong udyukan na pirmahan ang dokumento.

“Nina, kailangan mo ‘tong pirmahan para matulungan kita. Ako na muna ang mamamahala sa negosyo niyo at mga ari-arian habang hindi pa kaya ng mommy mo,” paliwanag nito habang may isang matamis na ngiti.

“Tita, hindi po ako pwedeng magdesisyon mag-isa. Hintayin na lang po natin si mommy na magkamalay,” tanggi niya.

Doon nagbago ang timpla ng mukha nito.

“Hindi pwede! Kailangan mong pirmahan yan dahil kung hindi, ititigil ko na ang pagpapagamot sa mommy mo! ‘Yun ba ang gusto mo, ha?” galit nitong tanong.

Minasdan niya ang babae. Malayo ito sa nakilala niyangTita Ellen na tila maamong tupa. Tila lumabas rin ang tunay nitong kulay.

Nakaramdam siya ng takot sa unang pagkakataon, lalo na nang sabihin nito na ititigil ang gamot ng kaniyang ina.

Anong magagawa ng isang menor de edad na tulad niya?

Pipirmahan na sana niya ang papel nang biglang bumukas ang pinto.

Pumasok si Yaya Grace. May kasama itong mga pulis!

“Yaya? Ano pong nangyayari?” tanong niya.

Agad itong lumapit sa kaniya bago siya pinigilan sa pagpirma. Nagimbal siya sa sunod nitong rebelasyon ukol sa kaniyang tiyahin.

“Hulihin niyo ang babaeng ‘yan! Siya ang tumulak sa amo ko matapos siyang mahuling nagnanakaw ng mga alahas!” utos nito sabay turo sa kaniyang tiyahin.

“Nina, sinungaling ang babaeng yan! Siya ang tumulak sa mommy mo!” giit ng kaniyang Tita.

“Tigilan mo na ang panloloko mo sa bata. Alam ko ang nangyari. Matagal ka nang pinaghihinalaan ni Ma’am at nang umagang ‘yon, nahuli ka niya at kinompronta. Sa sobrang desperada mo, nagawa mo siyang itulak. At para mapigilan akong magsalita, ako ang itinuro mong may kasalanan pero ang totoo’y kinulong mo ako sa kwarto ng ilang araw. Kung hindi ako nakatakas, baka tuluyan mo nang nagoyo si Nina,” galit na pagsasalaysay ni Grace sa totoong nangyari.

Hindi makapaniwala si Nina sa narinig.

“Sinungaling ka! Hindi totoo ‘yan! Wala kang ebidensya!” pilit nitong tanggi.

“Kailangan ho natin ng solidong ebidensya para mapatunayan at maaresto ang pinaghihinalaan, Ma’am,” biglang sabat ng pulis.

Napayuko ang kaniyang Yaya Grace. Mukhang wala itong ebidensya. Nakita naman niya ang pagngisi ng kaniyang Tita Ellen.

“Paano ba ‘yan? Wala kang ebidensya? Alam mo ba na pwede kitang ipakulong sa mga sinabi mo? Paninirang puri ‘yan!” asik nito sa kasambahay.

Namutla si Grace. Alam nito na wala itong laban. Hindi ito nakaimik.

Ngunit isang mahinang tinig ang narinig nila.

“Kung may makukulong, ikaw ‘yun, Ellen…”

Nanlalaki ang matang napalingon si Nina sa nagsalita. Gising na ang kaniyang Mama.

“Mama!” aniya bago nilapitan ang ina.

Sa nanghihinang boses ay ikinuwento ng kaniyang ina kung paano nito nahuli ang pagnanakaw ng kaniyang tiyahin, at ang sadya nitong pagtulak sa kaniyang ina sa hagdan.

Sa huli ay nagtangka pang tumakas ang tiyahin niya, ngunit agad itong nahablot ng maliksing pulis.

“Hindi ko ho sinasadya ang pangyaya-“

“Sa presinto ka na magpaliwanag,” malamig na putol ng pulis sa sasabihin nito bago nito pinosasan ang kaniyang tiyahin niya, na siya palang tunay na salarin.

Kinaladkad ng mga pulis ang tiyahin niya palabas. Nang maiwan sila, agad niyang niyakap si Yaya Grace.

“Yaya, akala ko iniwan mo na kami ni mommy. Kung ano anong kasinungalingan ang sinabi ni Tita. Alam ko naman na hindi mo magagawa ‘yon pero hindi kita magawang ipagtanggol dahil hindi ko rin alam kung nasaan ka,” umiiyak niyang kwento.

“’Wag ka nang mag-alala, Nina. Nandito na ako ngayon at tutuparin ko ang pangako ko sa mommy mo na aalagaan kita palagi,” anito kasabay ng isang malumanay na tapik sa balikat.

“Salamat, Grace. Salamat at hindi mo pinabayaan ang anak ko…” anang kaniyang mommy.

Makalipas ang ilang araw ay nakalabas na ng ospital ang kaniyang ina. Humanap sila ng magaling na doktor upang matulungan itong muling makalakad nang walang aberya.

Kay laki ng pasasalamat nila. Mabuti na lamang at hindi nagtagumpay ang maitim na balak ng kaniyang tiyahin. Ngunit isang aral ang hatid noon kay Nina—kung minsan, kahit malapit sa atin ay hindi natin kilala, kaya maging maingat.

Advertisement